P2 Milyon Farm-to-Market Road sa Barangay San Isidro, natapos na!

You are here: Home


NEWS | 2023/02/27 | LKRO


thumb image

Isa sa pangunahing pinangangambahan ng mga motorista sa tuwing tag-ulan maliban sa pagkabasa ay ang maputik at madulas na daan, lalo na at kapag ito ay may malalalim na mga bahagi na parang mga munting lawa, dahil sa mga bakas na naiwan ng mga malalaking sasakyan. Madalas na nadudulas o di kaya naman ay nababalahaw ang mga sasakyan dahil sa tindi ng putik sa daan na dala ng ulan. Ilan lamang ito sa mga hinaharap ng mga taga purok 6 ng barangay San Isidro noon subalit wala nang ganitong paghihirap ng mga taong bayan ngayon dahil tapos na ang pagsasaayos ng naturang daan.

Ang daan sa nasabing barangay ay nagsisilbing daanan ng mga malalaking sasakyan na may dala-dalang mga produkto mula sa mga karatig barangay nito na kinabibilangan ng barangay Katipunan, Sikitan at Gayola. Ang mga pangunahing produkto na madalas dinadaan sa nasabing barangay ay ang troso, goma, saging, tubo, kopras, at palay – mga produkto na kadalasan ay ibinabyahe gamit ang malalaking truck.

Ang inilagay na concrete road ay may habang isang daan at animnapung metro o 160 meters na nagkakahalaga ng abot sa P1, 997, 712. Nang simulan ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan ang proyekto sa lugar ay matindi ang pasasalamat ng kapwa mga residente at mga motorista dahil sa matutugunan na ang tatlo sa kanilang mga pangunahing suliranin. Una, ay maiiwasan na ang pagkadulas o pagkabalahaw ng kanilang mga sasakyan. Pangalawa, mas maayos na ang daloy ng kalakaran sa naturang barangay; at pangatlo ay mas panatag na ang loob ng mga residente sa tabi ng daan dahil sa hindi na maalikabok ang kanilang harapan sa tuwing may dumadaan.

Dagdag pa dito ay malaki ang pasasalamat ng mga residente sa ginawang insyatiba ng City Government of Kidapawan sa pamumuno ni Mayor Jose Paolo M. Evangelista sa pagtuon nito ng pansin sa kondisyon ng mga daanan sa mga liblib na pook ng lungsod.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio