NEWS | 2023/02/28 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Pebrero 28, 2023) – MALAKING bilang nga mga business establishments sa Lungsod ng Kidapawan ang tumalima o nag-comply sa City Ordinance No. 13-940 o ang CCTV Ordinance of Kidapawan bilang isa sa pangunahing requirements upang makakuha ng business permit (new or renewal).
Nasa 80% o katumbas ng 3,143 establishments ang nabigyan ng Certificate of Compliance, 8% ang nagsumite ng Affidavit of Undertaking o nasa 307 establishments na nangakong tatapusin ang paglalagay ng CCTV cameras, at 1% o katumbas ng 4 na establishments ang nabigyan ng Provisional Certificate o mga tindahang may existing CCTV ngunit kailangan ng ayusin, ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office Head Psalmer Bernalte.
Samantala, ang nalalabing 12% o abot sa 463 establishments ay nasa proseso pa rin ng pagtalima sa nabanggit na ordinansa, ayon pa rin kay Bernalte, na siya ring Head ng Public Safety Office.
Ang nabanggit na mga breakdown ay mula sa kabuoang 3,917 na mga establisimiyento na nabigyan ng business permits ng Business Processing and Licensing Unit o BPLO matapos ang pagsasagawa ng Electronic Business-One-Stop-Shop o Electronic BOSS nitong Enero 2023.
Abot naman sa 3,637 ang mga renewals of business permit habang 280 ay mga new business permit o total na 3,917 para sa Fiscal Year 2023, dagdag pa ng BPLO.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ng City Government of Kidapawan sa pangunguna ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang kahalagahan ng paglalagay ng CCTV cameras sa bawat establisimiyento bilang bahagi ng security and safety measures.
Alinsunod sa Ordinance No. 13-940, ang mga CCTV cameras ay ilalagay sa lahat ng mga enterprises sa lungsod maging ito man ay large, medium o small scale. Dapat ding mga high end at high definition CCTV cameras ang ilalagay nila para matiyak na magagamit ito ng lubos laban sa kriminalidad.
Makakatulong ito ng malaki sa pag-review ng mga kuha ng CCTV lalo na sa insidente ng krimen o emergency situations, ayon pa sa alkalde kung kaya’t hinikayat niya ang business sector na suportahan at makiisa sa layunin ng City Government na manatiling ligtas ang mga mamamayan ng lungsod sa pamamagitan ng paglalagay ng mga CCTV cameras sa mga establisimiyento. (CIO//if)