NEWS | 2023/06/05 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Mayo 31, 2023) β MULI na namang namahagi ng mga alagang baboy ang City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng Animal Dispersal Program na pinangangasiwaan ng Office of the City Veterinarian.
Sa pagkakataong ito, inilaan ang mga baboy para sa pagdiriwang ng mga purok fiesta o anniversary ng bawat purok kung saan maaari nila itong gamiting handa sa espesyal na okasyon o pagkakatatag ng purok.
Sampung purok ang unang nakabiyaya sa dispersal na ginanap kahapon, Mayo 30, 2023 sa Office of the City Veterinarian at ang mga ito ay kinabibilangan ng Purok 7, Brgy. Ilomavis; Purok Mangosteen, Brgy. Linangkob; Purok Talisay, Brgy. Malinan; Purok Palmera, Brgy. Amas; Purok Lawaan, Brgy Amas; Purok Ipil-Ipil, Brgy. Amas; Purok Durian, Brgy Luvimin; Purok 4, Brgy. Gayola; Purok Malunggay, Brgy. Birada, at Brgy, Poblacion.
Layon ng pamamahagi na matulungan ang mga purok na maidaos ang kanilang mahalagang araw at sama-samang makapagdiwang ang mga residentre ng hindi na gumagasto ng malaki, ayon kay Elvis Dulay, ang Head and Desk Officer ng Pag-Amuma Unit o PAU na nasa ilalim ng Office of the City Mayor.
Alinsunod daw ito sa hakbang ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na tulungan ang mga purok na makapag-diwang ng maayos ng di na gumagasto ng malaking halaga.
Kaya naman agad na nakip[ag-ugnayan ang PAU sa Office of the City Veterinarian para maisakatuparan ang dispersal sa bawat purok (60 araw bago sumapit ang kapistahan)
Nakatakda ding mamahagi ng isang sakong bigas ang PAU para magamit ng mga purok sa mismong araw ng kanilang mga anibersaryo na muli ay isang malaking bagay para sa mga mamamayan.
Matatandaan na nitong nakalipas na mga panahon ay nagbibigay lamang ng P1,500 ang City Government of Kidapawan sa mga purok na magdiriwang ng foundation anniversaries kayaβt ganon na lamang ang tuwa ng mga lider ng purok.
Sa kabilang dako, marami ng mga maliliit o small hog raisers sa lungsod ang una ng nakinabang sa Hog Dispersal Program lalo na ang mga nag-aalaga ng baboy na sinalanta ng African Swine Fever o ASF nitong nakalipas na dalawang taon.
Nakatulong ng malaki sa kanila ang natanggap na mga baboy matapos na sumailalim sa culling ang kanilang mga alaga na naging dahilan ng pagkalugi ng kanilang negosyo.
Ngayon ay lalo pa itong makatutulong sa mga purok dahil may magagamit na sila para sa ihahanda sa okasyon o espesyal na araw ng pagkakatatag ng purok. (CIO)