NEWS | 2023/06/19 | LKRO
Isa sa pangunahing layunin ng banderang Luntian Kidapawan ng lokal na pamahalaan ay ang pagsiguro at pagpapalakas ng food sufficiency at isa sa mga pangunahing hakbang upang makamit ito ay ang paghikayat sa mga magsasaka ng lungsod na magtanim ng mga gulay at prutas. Subalit, panay naman ang pagsubok na hinaharap ng mga magsasaka dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga fertilizer, binhi, at iba pang farming products at agricultural inputs, dinagdagan pa ng mahigit dalawang taong pandemyang COVID-19 na nagdulot sa iba na mahirapang magsimula muli.
Bilang tugon sa mga hinaing at pangangailangan ng mga magsasaka sa lungsod ay may mga farm inputs at equipments na iniaabot sa iba’t-ibang grupo ng mga magsasaka sa Kidapawan sa pamamagitan ng Office of the City Agriculturist. Ang mga nabanggit na mga ayuda ay iniimbak at dinadaan sa masusing inspekyon bago ipinapamahagi upang masiguro na kapaki-pakinabang ito.
Subalit, nangangailangan ang mga farm inputs na kinabibilangan ng mga binhi, pampataba at kemikal, farming tools, equipments at machineries ng angkop na imbakan upang masigurong ligtas ito mula sa iba’t-ibang mga elemento, maiwasang masira o mawala, at masigurong maipamahagi sa mga benepisyaryo na nasa tamang kondisyon.
Giit pa ni City Agriculturist Marissa T. Aton ay maraming beses na na hindi naiimbak ng maayos ang mga farm inputs noon na nakatakdang ipamigay sa mga magsasaka at iba pang mga asosasyon dahil sa walang angkop na istruktura na pagiimbakan noon. Ito ay nakakalat sa iba’t-ibang pasilidad ng compound, at kadalasan dahil sa hindi angkop na pagiimbak sa mga ito ay nakakalimutan o di naman kaya ay nalalantad ito sa mga elemento at mga peste na maaaring makasira sa mga ito.
Dahil dito ay pinatayuan nga ng angkop na imbakan ang OCA sa loob ng DA Compound na matatagpuan sa Barangay Kalaisan ng lungsod. Ang nasabing compound ay may lawak na 4.8 hectares kung saan nakapaloob ang lahat ng proyektong pang-agrikultura, demo area at imbakan ang mga farm inputs at equipments.
Upang mas masiguro na ligtas at nasa tamang kondisyon ang mga nakatakdang ipamahagi na mga farm inputs sa mga farmer associations at organizations ay pinagawan ng sariling pasilidad ang Office of the City Agriculturist ng 8×12-meter Agricultural Production and Food Sufficiency Program Bodega na nagkakahalaga ng abot sa P 2,082, 491.00. Pondo na kinuha mula sa 2022 budget 20% Economic Development Fund.
Ngayon ay makakasiguro na ang mga mamamayan at mga benepisyaryo na tiyak na makakarating sa kanila ang mga tulong nang nasa pinakamaayos na kondisyon. Dagdag pa ni Ms. Aton ay asahan daw na mas lalo pang mapapaganda ang takbo ng serbisyo na ibinibigay ng kanyang tanggappan para sa Kidapaweño at maisulong ang Food Sufficiency sa ilalim ng banderang Luntian Kidapawan