NEWS | 2023/07/17 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (July 14, 2023) IKINAGALAK NI City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang pinansyal na tulong na ipinaabot ng mga kooperatiba sa Canopy25 reforestration project ng City Government.
Malaking kontribusyon ito, wika pa ni Mayor Evangelista para maisakatuparan ang pagtatanim ng 2.5Million bilang ng iba’t ibang klase ng mga puno sa ilalim ng programang Canopy25 sa pagdiriwang ng ika dalawamput limang taon na pagiging component city ng Kidapawan sa Lalawigan ng Cotabato.
Ibinigay ng may 21 na kooperatiba na nakabase sa Kidapawan City ang halagang mahigit sa P36,000 na kanilang pinagsamang nalikom para sa pasahod ng mga nagtanim ng iba’t-ibang klase ng puno sa palibot ng ancestral domain sa Barangay Perez, Kidapawan City.
Pinasalamatan nina Ancestral Domain Management Office President Ronnie Emboc at City Cooperative Development Council Chair Rodolfo Baldevieso si Mayor Evangelista sa pagpapasali sa kanilang mga sektor para makatulong sa pagpo-protekta sa kalikasan at mga pinagkukunan ng tubig sa ilalim ng programang Canopy25.
Patuloy pa rin ang iba pang mga kooperatiba sa paglikom ng pinansyal na tulong para sa ikatatagumpay ng Canopy25.
Abot na sa 500,000 ang bilang ng mga puno ang naitanim ng City Government katuwang ang mga partners nito sa ilalim ng Canopy25 simula buwan ng Pebrero hanggang sa kasalukuyan, pahayag pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/lkro)