NEWS | 2023/11/15 | LKRO
KIDAPAWAN CITY β (November 15, 2023)
Tumanggap ng mga itlog, karneng manok, isda, mga gulay, at groceries ang mga tagapangasiwa ng isandaan at apat (104) na Daycare Centers mula sa apatnapung (40) Barangay sa lungsod, sa City Pavilion, kanina.
Kaugnay ito ng Supplemental Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) XII, katuwang ang City Social Welfare and Development Office o CSWDO, sa pakikipagtulungan ng City Nutrition Office o CNO, upang tugunan ang undernourishment o kakulangan sa nutrisyon, taas na di angkop sa edad, at sobrang kapayatan na di angkop sa taas ng mga mag-aaral ng Daycare.
Ang feeding program ay magtatagal hanggang sa buwan ng Abril 2024 o sa loob ng isandaan at dalawampung (120) araw.
Kung kaya, dalawang beses sa isang buwan ang bigayan ng suplay.
Maghahatid din ng gatas at complimentary nutritious curls, na gawa sa bigas at monggo na manggagaling sa Complimentary Feeding Production Center ng LGU sa Brgy. Magsaysay, kada linggo.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas magiging malusog at maliwanag ang kinabukasan ng mga kabataan sa kanilang murang edad.