258 baboy at sako-sakong feeds ipinamahagi ng City Government of Kidapawan para sa mga Barangay Animal Healthcare Workers na matinding naapektuhan ng Covid-19

You are here: Home


NEWS | 2021/03/31 | LKRO


thumb image

258 baboy at sako-sakong feeds ipinamahagi ng City Government of Kidapawan para sa mga Barangay Animal Healthcare Workers na matinding naapektuhan ng Covid-19

KIDAPAWAN CITY (March 31, 2021) – Upang matulungang makabawi ang mga Barangay Animal Healthcare Workers mula sa negatibong epekto ng Covid-19 pandemic, namahagi sa kanila ang City Government of Kidapawan ng abot sa 258 na alagang baboy at feeds sa pamamagitan ng City Veterinarian Office.  

Ito ay sa ilalim ng Food Security and Economic Resiliency Plan in Relation to Covid-19 Program ng City Government na naglalayong palakasin ang produksyon ng karne at gulay sa  lungsod, ayon kay City Veterinarian Dr. Eugene Gornez.

Kaugnay nito, ginanap sa Vegetable Trading Post sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City kaninang alas-nuebe ng umaga ang distribution para sa unang batch ng recipients na abot sa 46 ang bilang at nagmula sa mga Barangay ng Indangan, Gayola, San Isidro, at Sto Nino, Dr. Gornez.

Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng tig-siyam na baboy para sa pagsisimula ng maliit na kabuhayan o pagkakakitaan.

Maliban dito ay tumanggap din ang mga BAHW ng 286 sako ng starter feeds, 700 sako ng grower feeds, at 512 sako ng finisher feeds upang hindi na problemahin pa ng mga benepisyaryo ang pagkain ng mga baboy.

Mula sa 20% Development Fund ng City Government of Kidapawan ang pinambili ng mga alagang baboy at feeds.

Lumagda naman sa Memorandum of Agreement o MOA ang naturang mga BAHW kung saan naman nakapaloob ang mga alituntunin ng programa.

Kabilang dito ang wastong pag-alaga ng mga baboy upang mapakinabangan ng husto at ang pasumite nila ng mga pangalan ng iba pang front liners mula sa kanilang barangay na babahaginan nila ng tinanggap na mga baboy upang mas marami ang matulungan ng programa.

Sinaksihan ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang distribution kung saan pinasalamatan niya ang mga BAHW sa patuloy na pakikiisa at suporta sa mga programang pang-agrikultura ng City Government.

Sinabi ni Mayor Evangelista na ngayong 2021 ay pinaglaanan ng City Government ng pondong abot sa P76M ang agriculture sector sa layuning mapalakas pa ang food sufficiency at stability.

Laan ito sa mga programang angkop sa pangangailangan ng mga magsasaka at tumutulong sa produksyon ng gulay, prutas, at livestock, dagdag pa ng alkalde.

Pinasalamatan naman ni BAHW Federation President Conrado Tabanyag si Mayor Evangelista sa patuloy nitong pagsuporta sa kanilang hanay at nangakong gagawin ang lahat upangh mapalago ang natanggap na biyaya.

Samantala, sa naturang pagkakataon ay nagbigay din ng maikling orientation ang Dept of Agriculture  -Special Area for Agriculture Development o DA-SAAD Goat Project Coordinator for Cotabato Province na si Charie Lyn Quinlat at pagkatapos ay namahagi ng abot sa 27 kambing para sa mga BAHW beneficiaries.

Bunga raw ng mahusay na koordinasyon ng City Government of Kidapawan at ng DA 12 ang naturang pamimigay ng alagang kambing, ayon kay Quinlat. (CIO-AJPME/JSCJ)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio