NEWS | 2022/05/19 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – IPINATUTUPAD na ng City Government of Kidapawan ang pagbibigay ng bagong pailaw sa iba’t-ibang mga barangay ng lungsod.
Abot sa 400 na mga Solar Lights ang nakapaloob sa unang batch ng pagbibigay pailaw lalo na sa mga malalayong barangay ng lungsod, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista.
May lakas na 100 watts ang bawat solar light kasama na ang bakal na poste ang sinimulang ilagay sa mga barangay ng lungsod nitong kalagitnaan ng buwan ng Abril 2022.
Magkatuwang ang City Engineering Office at Task Force Kahayag ng City Mayor’s Office sa pagpapatupad ng programa.
Sa ganitong paraan ay mapapailawan ang maraming komunidad partikular na sa gabi at di maantala kahit na sa panahon ng mga power interruption.
Mahalaga rin ang mga solar light dahil nakakatulong ito sa pagpapanatili ng peace and order sa mga kanayunan, dagdag pa ni Mayor Evangelista.
Kaugnay nito, ay may dagdag pang 1,200 na mga Solar Lights ang ilalagay ng City Government sa darating na mga buwan.
Nagkakahalaga ng P8M ang naturang proyektong pailaw sa mga barangay.
Lahat ng barangay ay mabibigyang pailaw, tiniyak ni Mayor Evangelista.
Tanging gagawin lamang ng mga opisyal ng barangay na makipag-ugnayan sa City Government para mabigyan ng serbisyong pailaw sa kanilang mga komunidad, wika pa ng alkalde ng lungsod.##(CIO)