NEWS | 2019/08/08 | LKRO
43 nagtapos sa ilalim ng e-Learning Program
KIDAPAWAN CITY – MABIBIGYAN NA NG PAGKAKATAONG makapag-hanapbuhay ang may apatnapu at tatlong mga nagsipagtapos sa e-Learning program ng City Government at partner agencies nito.
Nakumpleto ng mga beneficiaries ang kanilang kurso matapos ang anim na buwan na skills training sa ilalim ng programa.
Ginawa ang simpleng Completion Ceremony para sa mga nagsipagtapos noong August 5, 2019 sa City Convention Center.
Pinangunahan ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista at mga opisyal ng Department of Education – Alternative Learning System, Technical Education and Skills Development Authority at With Love Jan Foundation ang seremonya kung saan ay inabot nila ang Completion Certificates ng lahat ng mga nagsipagtapos.
Mga indibidwal na walang pormal na edukasyon, mga out of school youths at mga nagnanais makakuha ng technological skills ang mga benepisyaryo ng e-learning System.
Tuwing weekends ang kanilang klase sa e-learning system building na itinayo ng City Government sa may City Plaza.
Mga skills training katulad ng: Beauty Care, Consumer Electronics, Electrical Installation and Maintenance; Food and Beverage Servicing, Computer System Servicing, Massage Therapy at Solar Light Assembly ang mga kursong ibinigay sa ilalim ng e-learning System.
Pagkatapos ng completion ceremonies ay sasailalim sa skills assessment ng TESDA ang mga nagsipagtapos.
Kapag naipasa nila ito, bibigyan na sila ng National Certificate –NC2 ng TESDA bilang patunay na may angking kakayahan sa kanilang natapos na kurso.
Sa pamamagitan nito ay pwede na silang makapaghanapbuhay dito o di kaya ay sa ibang bansa.##(cio/lkoasay)
Photo caption -ATTY Evangelista inabot ang Certificates of Completion ng 43 graduates ng e-Learning Program: Personal na iniabot ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang diploma ng mga nagsipagtapos ng e-Learning Program ng City Government at partner agencies nito August 5, 2019. (cio photo)