NEWS | 2023/12/18 | LKRO
Kidapawan City – (December 18, 2023)
Pormal nang binuksan kahapon ng Philippine Sports Commission (PSC), ang Philippine National Games (PNG) at Batang Pinoy (BP) National Championships sa Ninoy Aquino Stadium, na mas kilala na ngayong PSC Multipurpose Gym (sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex) sa Maynila.
Pinangunahan ni PSC Commissioner Olivia “Bong” Coo ang kick-off program, na pinaunlakan ni Tokyo Olympics’ gold medalist Hidilyn Diaz, kasama ang mga top gymnasts na sina Carlos Edriel Yulo at Karl Eldrew Yulo, Olympic bronze medalist na si Eumir Marcial, tennis star Alex Eala, 4th Asian Para Games gold medalist Jerrold Mangliwan, paraswimmer Angel Mae Otom, at long jump queen Elma Muros Posadas.
Tinatayang nasa labing walong libong (18,000) atleta, mula sa halos dalawandaang (193) local government units sa buong bansa, ang magtatagisan ng galing sa sports hanggang ngayong araw ng Biyernes, December 22.
Gaganapin sa dalawang venue ang swimming competition: sa Teofilo Yldefonso Aquatic Center sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex ang sa BP, habang sa PhilSports Complex, Pasig naman ang PNG.
Ang iba pang sports ay kinabibilangan ng archery, athletics, badminton, 3×3 basketball, boxing, chess, cycling, dancesport, football, gymnastics, judo, karate, kickboxing, lawn tennis, muay thai, pencak silat, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, beach volleyball, wrestling, weightlifting at wushu.
Ang PNG, na tinatayang nasa higit apat na libo (4,000), ay para sa mga atletang edad labingwalong (18) taong gulang pataas, habang ang BP, na tinatayang nasa labing apat na libo (14,000), ay para naman sa labing pitong (17) taong gulang pababa.
Una nang sumabak sa first game kahapon sa boxing at beach volleyball ang ilan sa higit pitumpong (75) atleta ng lungsod. Wala mang pinalad na makakuha ng kapanalunan, kompyansa naman ang mga atleta na makapag-uuwi sila ng medalya sa pagtatapos ng kompetisyon.
Ang lungsod, na may 108 na delegation, ay may pambato rin sa swimming, futsal girls and boys, athletics, gymnastics, karatedo at dancesports.