NEWS | 2018/12/27 | LKRO
PRESS RELEASE
December 27, 2018
Kidapawan City athletes tumanggap ng training allowances mula sa City Government
KIDAPAWAN CITY – BINIGAY na ng City Government ang November-December allowances ng mga manlalaro ng Kidapawan City Team na lalahok sa Regional Meet sa buwan ng Pebrero 2019.
Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista ang allowances ng mga atleta at ng kanilang mga coaches December 27, 2018 sa isang simpleng seremonya sa City Gymnasium.
Bahagi ng One City, One Team One Goal Sports Development Program ang pamimigay ng allowances bilang solidong suporta sa mga manlalaro at coaches na kakatawan sa Kidapawan City sa mga Sporting events.
Isang libong piso o P500 sa buwan ng Nobyembre at Disyembre ang halaga ng ayudang tinanggap ng mga atleta at coaches.
Una na nilang tinanggap ang P500 na monthly allowance noong Oktubre 2018.
May ibinigay din ang City LGU na mga bagong ‘training uniforms at sports equipments’ na gagamitin ng mga manlalaro habang nagsasanay para sa Regional Meet.
Saka naman ibibigay ang mga bagong ‘actual uniforms’ bago pa man tumulak ang Kidapawan City Team sa Regional Meet.
527 ang kabuo-ang bilang ng mga atleta ng Kidapawan City na maglalaro sa labinlimang events sa SOCCSKSARGEN Regional meet sa Pebrero 17-23, 2019.
Host ng Regional Meet ang Kiamba Saranggani Province at General Santos City.
Kumpiyansang mahihigitan ng Team ang seventh place finish na nakamit nito sa Regional Meet 2018.##(CIO/LKOasay)
Photo caption – BAGONG UNIPORME AT SPORTS EQUIPMENT BINIGAY NG CITY GOVERNMENT SA MGA MANLALARO NG KIDAPAWAN CITY – Iniabot ni City mayor Joseph Evangelista(orange shirt) at DepEd Schools Division Head Romelito Flores(red shirt) ang bagong training uniform at sports equipment sa isang atleta at kanyang coach na gagamitin nila sa paghahanda sa gaganaping Regional Meet sa February 17-23, 2018 sa Lalawigan ng Saranggani.(CIO Photo)