Anti Dengue City ordinance pinaplanong ipasa ng City Government 

You are here: Home


NEWS | 2019/08/05 | LKRO


thumb image

Anti Dengue City ordinance pinaplanong ipasa ng City Government

KIDAPAWAN CITY – PINAPLANO NGAYON NG City Government na magpasa ng isang Anti Dengue Ordinance.
Ibininunyag ni Legal Officer Atty Paolo Evangelista ang nabanggit na plano sa kanyang mensahe sa isinagawang Anti Dengue Forum ng City Government nitong July 31, 2019.
Layun ng pagpapasa ng ordinansa na masawata ang o di kaya ay makontrol ang pagdami ng mga nagkakasakit ng dengue fever at obligahin ang mga komunidad at mamamayan na gawing pangmatagalan ang kampanya kontra dengue.
Magiging ‘realistic, doable at enforcable’ ang pinaplanong Anti-Dengue Ordinance, wika pa ni Atty Evangelista dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng mamamayan.
Nasa 483 na ang kaso ng dengue sa lungsod base na rin sa January 1 – July 26, 2019 na datos ng Cotabato Provincial Ethymology and Surveillance Unit na nakatutok sa dami ng bilang ng mga nagkaka dengue sa buong lalawigan.
Isa naman ang nai-ulat na namatay sa lungsod dahil sa sakit na nagmula sa kagat ng lamok na nagdadala ng dengue virus.
Pinakamarami pa rin ang bilang ng nagkakasakit sa Barangay Poblacion na may 97.
Ang pagdami ay bahagi na rin ng three year Epidemic Cycle ng Dengue, ayon pa sa mga duktor ng City at Provincial Health Offices.
Pinaaalahanan naman ng mga health authorities ang publiko na nagbabago na rin ang pamumuhay ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.
Kung noon ay nakukuha ang dengue virus sa lamok na infected nito, sa kasalukuyan ay pwede ng ipasa ng inang lamok sa kanyang mga itlog ang virus kung kaya ay carrier na rin ng virus ang mga kiti-kiti.
Patuloy naman ang paala-ala ng mga otoridad na dapat ay itapon ang mga tubig na naimbak sa mga natural o artipisyal na lalagyan.
Ugaliin din ang pagpo-protekta sa sarili laban sa kagat ng lamok sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na may mahahabang manggas o pantalon, paglalagay ng mosquito repellants sa katawan, o di kaya ay pagpapakabit ng screen sa mga bintana o pinto ng bahay.
Dapat din na agad magpakonsulta kung nilalagnat na ang pasyente isa o dalawang araw na siyang pangunahing simtomas ng dengue para maiwasan ang komplikasyon ng dengue.
Gagawin lamang ng mga otoridad ang fogging kapag may outbreak na ng dengue.
Dumalo sa nabanggit na Anti-Dengue Forum ang mga Kapitan at mga kagawad na namumuno sa Committee on health ng mga barangay.##(cio/lkoasay)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio