NEWS | 2019/08/19 | LKRO
Timpupo 2019 umani ng positibong reaksyon sa mga turista
KIDAPAWAN CITY – UMANI NG positibong reaksyon mula sa mga turista ang pagdiriwang ng Timpupo 2019.
Nakatataba ng puso ang positibong feedback sa magagandang karanasan ng mga turista na dumayo pa sa Kidapawan City at tumikim ng mga prutas nito, wika pa ni City Mayor Joseph Evangelista.
Partikular na dinayo ng mga banyaga at mga local tourists mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang Fruits Eat All You Can sa City Plaza na siyang isa sa mga highlights ng pagdiriwang.
Sa halagang P50, sinadya nilang tikman ang mangosteen, durian, rambutan, lanzones at marang na mga biyaya ng kalikasan sa lungsod na siyang tampok na atraksyon ng Timpupo.
Napakamahal din naman ang halaga ng mga nabanggit kapag ipinagbili na sa kanilang mga lugar, ayon pa sa ilang turista.
Dito lamang nila sa lungsod natikman at unlimited pa ang kainan ng mga nabanggit na biyaya ng kalikasan.
Ng tanungin, sinabi ni Mayor Evangelista na imumungkahi niyang isali rin ang mga gulay, at cut flowers sa pagdiriwang ng Timpupo 2020.
Hindi lamang kasi mga prutas tulad ng mangosteen, rambutan, lanzones, durian at marang ang biyayang dulot ng kalikasan sa lungsod kungdi marami rin ang mga gulat, at magaganda at mamahaling bulaklak ang nakatanim ditoat ipinagbibili sa ibang mga lugar.
Mas magiging makabuluhan ang pagdiriwang Timpupo na ang ibig sabihin ay ‘anihan’ kung ang lahat ng mga nabanggit ay ipapakita bilang pasasalamat sa biyaya ng kalikasan, opinyon pa ng alkalde.
Bagamat naka sentro ang katatapos lamang na pagdiriwang ng Timpupo sa mga prutas na nabanggit, nais ni Mayor Evangelista na mas mapalago pa ang produksyon ng mga ito at matulungan na magkaroon ng hanapbuhay ang mga magsasaka ng gulay at cut flowers at mga fruit growers.
Ihahanap ni Mayor Evangelista ng bilihan ng mga produkto na mula sa Kidapawan City.
Plano ng alkalde na bumili ng refrigerated van na siyang magdadala ng prutas at iba pang agricultural products mula Kidapawan City patungo sa mga pamilihan sa ibang lugar.
Pinag-aaralan na rin na i-develop hindi lamang ang Kidapawan City kungdi pati na rin ang fruit industry ng mga kalapit bayan ng Makilala, Magpet, President Roxas, Antipas at Arakan bilang “Fruit Corridor” nitong bahagi ng bansa. ##(cio/lkoasay)