NEWS | 2019/09/25 | LKRO
ASF walang gamot at 100% mortality rate sa mga baboy – OCVET
KIDAPAWAN CITY – WALANG GAMOT, WALANG BAKUNA, LUBHANG NAKAKAHAWA AT 100% ANG MORTALITY RATE para sa mga baboy na magkakasakit ng African Swine Fever.
Ito ay ayon na rin sa City Veterinarian Office at Bureau of Animal Industry Regional Quarantine Services 12 sa isinagawang ASF Foum noong September 24, 2019 sa Kidapawan City.
Malaki ang epekto ng ASF sa mga babuyan dahil kapag isa sa mga baboy ang nagkasakit nito, ay dapat na patayin ang lahat para mapigilan ang pagkalat ng sakit, ayon pa sa mga otoridad.
Magdudulot ang ASF ng malaking pagkakalugi sa mga nag-aalaga ng baboy.
Una ng kinumpirma ng Department of Agriculture na ASF ang sanhi ng pagkakamatay ng mga baboy sa lalawigan ng Bulacan at Rizal.
Sa Forum, sinabi nina OCVET Dr. Eugene Gornez at Dr. Geralson Navara ng BAI RQS 12 na nagmula ang kaso ng ASF sa mga tirang pagkain na itinapon sa mga basurahan.
Maaring nagmula sa mga ASF infected na mga bansa ang tira-tirang pagkain na itinapon sa mga dumpsite na malapit sa nabanggit na mga lalawigan.
Ang mga tira-tirang pagkain na ito na kinabibilangan ng mga infected meat products ay pinakain sa mga baboy na siyang nagdulot ng ASF.
Nilinaw ng mga otoridad na pawang sa mga baboy lamang maglalagi ang ASF virus at hindi sa taong nakakain ng karne nito.
Kasalukuyan na ring ipinatutupad ang 1-7-10 Protocol upang masegurong hindi kakalat ang ASF sa mga babuyan sa lungsod.
Ibig sabihin ay isang kilometrong quarantine zone para sa infected na mga baboy at pagbabawal sa paglalabas ng mga ito, seven kilometers na surveillance zone kung saan ay oobserbahan ang mga baboy kung may ASF at hindi ilalabas ang mga ito at 10 kilometers naman para control zone kung saan ay pwede ng ilabas ang mga baboy na negatibo sa ASF.
Makokontrol ang pagkalat ng ASF kung magtutulungan ang mga komunidad, giit pa ng mga otoridad.
Mahigit sa dalawang daan na mga hog raisers na taga Kidapawan City at karatig lugar ang nakilahok sa ASF Forum na ginanap sa Cooperative Training Center facility ng City Government.##(cio/lkoasay)
Photo caption – African Swine Forum ginawa sa lungsod: Nagbigay ng mahalagang impormasyon patungkol sa ASF si City Veterinarian Dr. Eugene Gornez sa mga dumalong hog raisers sa forum September 24, 2019. Lubhang nakakahawa ang ASF at napakataas ng mortality rate nito kung kaya ay marapat lamang na magtulungan ang mga komunidad para masawata ang pagkalat ng sakit.(cio photo)