NEWS | 2021/01/18 | LKRO
January 18, 2021
Php76 MILLION SUPPORT TO AGRICULTURE PROGRAM, IPATUTUPAD NG CITY GOVERNMENT NGAYONG 2021
KIDAPAWAN CITY – PAGTULONG SA KABUHAYAN NG MGA magsasaka sa lungsod ang pangunahing dahilan sa pagpapatupad ng mahigit sa Php 76 Million Support to Agriculture ng City Government.
Una na itong sinabi ni City Mayor Joseph Evangelista matapos ang pag-aapruba ng mahigit sa Php1 Billion annual budget ng City Government para sa taong 2021.
Sa pamamagitan ng programa, mabibigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka ng gulay, prutas, mais at palay, cutflowers, maging mga tilapia at freshwater fish producers at livestock, poultry growers na maibenta ng tama at sa saktong halaga ang kanilang mga produkto.
Ibibigay ng City Government ang nararapat na farm inputs para magamit ng mga magsasaka.
Gagawin ito sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng City Government at ng farmer sector upang masegurong magiging produktibo ang farm inputs gaya ng seeds, fertilizers, at iba pang gamit pang agrikultura.
Bibilhin ng City Government ang ani ng mga farmers sa kalaunan sa ‘current farm gate prices’ para masegurong sapat ang kikitain ng mga magsasaka.
Ang City Government na ang magbebenta ng mga produktong agrikulturang nagmula sa mga taniman ng lungsod sa ibang lugar, ayon pa kay City Agriculturist Marissa Aton.
Upang maisakatuparan ito, bibili ng backhoe ang City Government na eksklusibong gagamitin lamang sa paghuhukay ng mga fishponds; 3 units ng refrigerated vans para maibyahe ang mga produktong gulay, cutflowers, prutas, preskong isda at karne, pagpapatayo ng mga feed mills para sa poultry at livestock production.
Kalakip din ang produksiyon ng mga sumusunod: bigas at mais, gulay, prutas lalo na ng Pomelo at Kalamansi; cutflowers, tilapia, livestock and poultry.
Magpapatupad din ng dagdag na Demo Farms na kapapalooban ng Greenhouses at Hydrophonic facilities, Tilapia Breeding Stations at Dairy and Free Range Chicken Production.
Sa second quarter ng taong kasalukuyan ay target ng masisimulan ang pagpapatupad ng mga nabanggit, pagtataya pa ng City Agriculture Office.##(CIO/JPE/lkro)