NEWS | 2021/02/01 | LKRO
February 1, 2021
MAHIGIT LIMANG LIBONG EMERGENCY MEDICAL SERVICES NATUGUNAN NG CITY CALL 911 PARA SA TAONG 2020
KIDAPAWAN CITY – 5,733 NA EMERGENCY MEDICAL SERVICES ang nabigyang katugunan ng Kidapawan City Call 911 para sa taong 2020.
Nakapaloob sa 2020 Accomplishment Report ang nabanggit na kabuo-ang bilang ng nabigyang serbisyo ng City Call 911.
Kalakip dito ang 24/7 ambulance services sa panahon ng mga aksidente, medical emergency at OB cases, at request for medical transportation sa labas ng lungsod at karatig lugar.
Nasa ilalim ng supervision ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO ang City Call 911 na mahalagang kabahagi ng Public Safety at Peace and Order Program ni City Mayor Joseph Evangelista.
Bagamat at naging malaking hamon para sa lahat ang Covid19 pandemic, ipinaseguro ng City Government na 24/7 ang serbisyong ibibigay nito sa pamamagitan ng Call 911 sa mga Kidapawenyo.
Katunayan, aktibong taga pagpatupad ng mga Covid19 protocols ang Call 911 sa tulong ng CESU lalo na yaong nangangailangan ng ambulance services patungo sa mga Temporary Treatment at Isolation Facilities.
Sinusundo rin ng ambulansya ng Call 911 pahatid sa kanilang mga tahanan yaong mga gumaling na na mga pasyente ng Covid19.
Tiniyak naman ni Mayor Evangelista ang mismong kaligtasan ng mga kagawad ng Call 911 sa pamamagitan ng paglalaan ng mga Personal Protective Equipment at iba pang kagamitan tuwing mae-exposed sa mga pasyenteng suspected o confirmed Covid19 cases.
May angkop din na communication system na inilaan ang City Government para sa agarang pagtugon ng mga kagawad ng Call 911 sa panahon ng emergency.
Ang Kidapawan City Call 911 ay isa sa dalawang 24/7 Call 911 services sa buong Pilipinas maliban pa sa Davao City.
Ito ay itinatag ni Mayor Evangelista at nagsimulang mag-operate noong September 11, 2013.##(CIO/JPE)