NEWS | 2021/03/23 | LKRO
Ginanap ang kauna-unahang City Peace and Order Council meeting sa Convention Hall kahapon, araw ng Lunes, March 22, 2021. Pinangunahan ni Kidapawan City Mayor at CPOC Chairman Joseph A. Evangelista ang naturang pulong na dinaluhan ng mga heads of offices ng City Government of Kidapawan, mga government agencies na nakabase sa lungsod, AFP, PNP, BFP, BJMP, PDEA, DILG, DTI, at iba pa na pawang nagbigay ng mga ulat o update mula sa kanilang mga tanggapan kabilang na ang mga ipinatutupad na programa at inisyatiba.
Mahalaga naman ang CPOC meeting upang mapag-alaman ang kalagayan ng peace and order sa lungsod at mapalakas ang ugnayan ng bawat tanggapan, ayon kay Mayor Evangelista.
Sa naturang pagkakataon, ibinahagi ng 72nd IB ng Philippine Army sa pamamagitan ni Captain Jose Bernie H. Senobir ang kanilang patuloy na pagbabantay sa mga bayan na kabilang sa kanilang area of responsibility tulad ng President Roxas, Antipas, Arakan, at ang Kidapawan City.
Iniulat naman ng Kidapawan City PNP sa pamamagitan ni PLT. Col Ramel Hojilla ang mga programa ng kapulisan na magpapalakas ng ugnayan sa mga barangay gayan ng Kapehan sa Barangay at iba pa.
Ayon naman kay Kidapawan City Fire Marshall Leilani L. Bangelis, tuluy-tuloy lang ang BFP Kidapawan sa mga aktibidad na nakapaloob sa Fire Prevention Month ngayong Marso tulad ng information dissemination at regular inspection. Nagbigay din ng kanilang presentasyon ang PDEA sa pamamagitan ni PDEA Provincial Director Neil Liansing at BJMP mula naman kay SJ04 Roy C. Hernandez na nakatuon sa pagpapalakas ng kampanya laban sa illegal drugs at mga reporma upang maging mas maayos ang pagpapatakbo ng piitan.
Kaugnay nito, magdaragdag naman ng ponding abot sa P300,000 ang City Government para sa BFP Kidapawan na gagamitin sa pagbili ng gasolina at dagdag na pasilidad naman para makatulong sa operasyon ng PDEA. Partikular ding pinanawagan sa pulong ang pagpapanatili ng minimum health protocols sa lahat ng tanggapan upang makaiwas sa Covid-19 kahit pa nagsimula na ang rollout ng bakuna sa lungsod. (CIO-AJPME/jscj)