NEWS | 2021/04/06 | LKRO
KIDAPAWAN CITY, April 5, 2021 – UPANG mapalakas pa ang kaalaman at kakayahan ng mga local medical physician sa Lungsod ng Kidapawan sa pagharap sa iba’t-ibang uri ng sakit o karamdaman, sumasailalim sila ngayon sa Public Health and Services Improvement Webinar sa City Convention Hall mula April 5-9, 2021.
Mga espesyalista mula sa International Urban Training Center, Gangwon Province ng Republic of South Korea ang mga lecturers ng naturang webinar na naglalayon ding magpalitan ng mga best practices at ilang mga natatanging paraan sa pagsugpo ng Covid-19 at sama-samang pagkilos sa pagharap sa health crisis na dulot ng pandemiya ng Covid-19.
Ayon kay Kidapawan City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo, lubhang mahalaga para sa tulad niyang front liner ang nabanggit na 5-day seminar sa harap na rin ng pandemiyang kinakaharap ngayon ng bawat isa.
Mga Chiefs of Hospitals, Medical Officers, OB-GYNE Department Heads, Nephrologists, Infection Control Officers at iba pa mula sa public at private hospitals ang mga partisipante ng webinar na inaasahang magbibigay daan sa pagtamo ng dagdag na kaalaman para sa kanilang hanay.
Una ng inatasan ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista si Dr. Encienzo at si City Tourism Operations Officer Gillian Ray Lonzaga na makipag-ugnayan sa mga miyembro ng North Cotabato Medical Society para sa pagsasakatuparan ng webinar.
Ayon sa alkalde, walang dapat na sayanging pagkakataon ang Kidapawan City Government particular na sa mga hakbang sa paglaban sa Covid-19 at iba pang mga karamdaman.
Lubos naman ang ibinigay na suporta ng medical and health sector sa naturang webinar sa paniniwalang malaki ang magagawa nito sa pagpapaunlad pa ng kapasidad ng mga doktor sa pagharap sa kasalukuyang health crisis partikular na ang Covid-19. (CIO-AJPME/JSCJ)