City Vet patuloy sa pamamahagi ng livestock at poultry sa mga magsasakang apektado ng Covid-19 pandemic sa Kidapawan City

You are here: Home


NEWS | 2021/05/18 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 18, 2021) – HINDI tumitigil at tuloy-tuloy lang ang Office of the City Veterinarian o City Vet ng Kidapawan sa pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka sa lungsod na matinding naapektuhan ng pandemiya ng Covid-19.

Ayon kay City Veterinarian Dr. Eugene Gornez, kabilang sa ipinamahagi ng kanilang tanggapan para sa mga qualified beneficiaries sa ilalim ng 2021 Livestock and poultry Program ay ang mga sumusunod: 9 na baka at 32 kambing para sa buwan ng Pebrero; 6 na kambing at 30 free range chicken para sa Marso.

Abot naman sa 258 na mga baboy ang naipamahagi  noong Abril sa ilalim ng Food Security and Economic Resiliency Plan for Covid-19 at ngayong buwan ng Mayo ay nakapamahagi ang City Vet ng 200 free range chickens para sa mga benepisyaryo. 

Maliban rito ay nakatakda din ngayong buwan ang pamimigay ng abot sa 100 itik at 140 broiler chickens at 240 free range chicken sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development o SAAD Program, ayon pa Kay Dr. Gornez.

Sinabi ni Gornez na layon ng programa na mapatatag muli ang hanay ng mga magsasaka partikular na ang mga livestock at poultry raisers upang mapalakas din ang food sufficiency at sustainability sa lungsod.

“Hindi tayo humihinto sa pamimigay ng tulong sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng Livestock and poultry Program at patuloy natin silang aalalayan upang makabawi at makabangon sa negatibong epekto ng Covid-19 pandemic”, dagdag pa ni Gornez.

Alinsunod rin daw ito sa mandato ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista na tutukan ang agrikultura at pagtuunan ng ibayong pansin ang mga programang magpapabuti sa kalagayan ng mga magsasaka.

Samantala, tuloy-tuloy lang din ang operasyon ng Vegetable Trading Post o Bagsakan ng Gulay sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City tuwing Martes at Sabado na isa rin sa mga inisyatibang ginawa ng City Government upang matiyak ang benta ng produkto ng mga vegetable growers sa lungsod.

Sa ilalim ng naturang trading post ay wholesale ang bentahan ng produktong gulay na direkta namang binibili ng mga wholesalers sa mega market at iba pang palengke o talipapa sa lungsod. (CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio