NEWS | 2021/08/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – MABIBIYAYAAN na ng dagdag na serbisyong patubig ang abot sa labing-isang barangay ng lungsod matapos buksan ang dalawang malalaking Water Impounding Project sa Barangay Marbel at Kalaisan nitong August 24, 2021.
Proyekto ng Metro Kidapawan Water District o MKWD ang nabanggit na sinuportahan naman ng City Government of Kidapawan.
Direktang makikinabang dito ang mga residente ng mga barangay ng Marbel, Linangkob, San Isidro, Sikitan, Gayola at Katipunan ganundin ang mga barangay ng Kalaisan, Magsaysay, Sumbac, Junction at Macebolig ayon pa sa pamunuan ng MKWD.
Mahalagang maabot ng kanilang serbisyo ang mga residente lalo pa’t karamihan sa mga ito ay kumukuha ng tubig mula sa poso dahil malayo sa kanila ang linya ng MKWD.
Nagkakahalaga ng mahigit sa P19 million ang bawat water impounding project na may kapasidad na 300 cubic meters ang nabanggit na mga pasilidad kalakip ang pumping facility, piping system, treatment facility at iba pa.
Pinangunahan nina MKWD Board of Director Chair Dr. Alfredo Villarico, MKWD GM Stella Gonzales, City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista, at ng mga barangay officials ng Marbel at Kalaisan ang pormal na pagbubukas ng pasilidad sa naturang petsa.
Naipatupad ang mga proyektong nabanggit sa pamamagitan ng pondo mula sa Local Water Utilities Administration – LWUA at Asian Development Bank o ADB.
Maliban pa sa mayroon ng daloy ng tubig sa naturang mga lugar ay ligtas din itong inumin ng mga residente.
Kaugnay nito, ipatutupad naman ang joint venture ng City Government of Kidapawan at MKWD ang anim na underground water projects sa iba’t-ibang mga komunidad sa lungsod.
Layon ng proyekto na madagdagan pa ang pagkukunan ng tubig sa mga malalayong pamayanan sa Kidapawan City.
Hindi pa nasisimulan ang nabanggit na proyekto dahil na rin sa Covid19 pandemic.
Popondohan naman ng City Government of Kidapawan ang naturang underground water project. ##(CIO)