NEWS | 2021/08/31 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – PINASALAMATAN NG pamunuan ng City Schools Division si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa tulong na ipinaabot nito sa kagawaran sa nakaraang school year sa harap ng krisis na dulot ng Covid19.
Malaki ang naibahagi ng City Government sa pangunguna ni Mayor Evangelista upang mabigyan ng kalidad na edukasyon ang mga kabataan sa pamamaraan ng blended learning, ayon kay City Schools Division Superintendent Natividad Ocon, CESO VI.
Matatandaang wala munang ‘face to face’ learning na ipinatupad ang DepEd sa buong bansa dahil na rin sa bantam ng Covid-19.
Aniya, naisakatuparan ito dahil na rin sa paglalaan ng City Government ng mahigit sa apat na milyong pisong pondo para sa printing ng mga learning modules ng mga bata mula kindergarten hanggang senior high schools.
Nagmula ang nabanggit na pondo sa Special Education Fund o SEF at bahagi ng Parents Teachers Association o PTA subsidy na bigay ng City Government.
Nakatulong din ang suporta ng mga barangay at purok officials hindi lamang dito sa Kidapawan City kungdi sa mga kalapit lugar din kung saan ay may mga batang nakatira na nag-aaral sa lungsod, ayon pa kay Ocon.
Bukod rito ay naging matagumpay din ang partnership ng DepEd, City Government at With Love Jan Foundation, Incorporated sa pagpapatupad ng blended learning sa pamamagitan ng radio-based learning o programa sa radyo.
Tumaas naman ng hanggang 47,000 ang enrollees sa public schools ang naitala ng DepEd Kidapawan City kahit pa sa panahon ng pandemya noong school year 2020 – 2021, ayon pa rin kay Ocon.
Kaugnay nito ay handa na ang City Schools Division para sa pagbubukas ng klase sa September 13, 2021.
Pinasalamatan din ni Ocon ang City Government sa pagpapabakuna kontra Covid19 ng mahigit sa kalahati ng tinatayang 1,200 teaching and non-teaching personnel ng DepEd.
Hinikayat din niya ang iba pang mga guro at kawani ng DepEd Kidapawan City na magpabakuna na pagsapit ng kanilang schedules. ##(CIO)