NEWS | 2021/10/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – MAS PABIBILISAN pa ngayon City Government of Kidapawan ang pagbabakuna sa mga eligible population sa lungsod laban sa Covid19.
Napagkasunduan ng Local Inter Agency Task Force on Covid19 sa meeting nito ngayong Araw, October 25, 2021 na dagdagan pa ang kapasidad nito na magbakuna ng mula dating 1,000 ay abutin ang 4,000 vaccinees sa kada araw.
Ibinunyag ni City Mayor Joseph Evangelista, Chairperson ng LIATF na ito ay kayang gawin ng City Government dahil na rin sa isa ang Kidapawan City sa mga Local Government Units sa bansa na prayoridad na mabibigyan ng malaking alokasyon ng bakuna mula sa National Government na humigit-kumulang sa 36 milyong anti-Covid-19 vaccines na ipadadala sa maraming LGUs.
Sa pamamagitan ng isang zoom meeting ng mga identified LGU’s noong nakalipas na October 22, 2021, ay inihayag mismo ni NIATF Chair Carlito Galvez at DOH Secretary Francisco Duque na isa ang Kidapawan City sa tatlong LGU’s ng Region XII na kinabibilangan din ng General Santos City at Cotabato City na bibigyan ng prayoridad ng National Government sa Vaccination Roll Out nito.
Naging basehan nito ay ang mataas na performance rate ng lungsod sa pagbibigay ng bakuna at ang kapasidad nito na mag-imbak ng mga anti-Covid19 vaccines, ayon pa sa dalawang opisyal.
Nasa bilang na 180,000 naman ang posibleng ibibigay na bilang ng bakuna sa lungsod, ayon pa kay City Mayor Evangelista.
Sa pamamagitan ng malaking alokasyon ng bakuna ay makakaya ng City Government na mababakunahan ang may 110,000 o 70% ng mahigit sa 157,000 na populasyon ng Kidapawan City, kapag naipatupad ang 4,000 na vaccination jabs kada araw ng pamimigay nito, bago pa man matapos ang taon, ayon pa sa alkalde.
Naniniwala ang National Government sa kakayahan ng Kidapawan City na maabot ang 70% herd immunity at ng sa ganon ay una ring mabigyan ng ‘booster shots’ bilang dagdag na proteksyon laban sa Covid19 sa Rehiyon XII kung saka-sakali, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
Kaugnay nito, posible ng ipatupad ang Walk In Vaccination para sa iba pang mga eligible population lalo na ang mga nagtitinda sa Mega Market at mga business establishments, essential workers, mga tsuper ng tricycle at iba pang public utility vehicles na hindi pa nababakunahan sa mga susunod na araw.
Pumayag na rin si Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, DD. na pansamantalang ipagamit ang mismong Our Lady Mediatrix of All Graces Cathedral bilang dagdag na lugar kung saan isasagawa ang Walk In Vaccinations ng City Government.
Asahan na ng publiko na magpapatuloy ang mga ginagawang Walk In Vaccinations sa iba’t-ibang lugar sa lungsod para maabot ang inaasam na herd immunity laban sa Covid19, ani pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/LKRO)