NEWS | 2022/02/14 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – SINIMULAN NA NG City Government of Kidapawan ang pagbabakuna sa mga bata edad 5-11 years old laban sa Covid-19 ngayong araw ng Lunes, February 14, 2022.
Ginawa ang ceremonial vaccination sa Vargas Clinic sa Barangay Poblacion kasabay ang pagbabakuna sa tatlo pang mga ospital na nagsilbing vaccination hubs para sa edad 5-11 years old Pediatric Group.
Sinaksihan nina City Mayor Joseph Evangelista, Cotabato Vice Governor Emmylou Talińo – Mendoza at Department of Health Regional Office 12 Director Dr. Aristides Concepcion Tan ang pagbibigay ng specially formulated na Pfizer Anti-Covid-19 vaccines sa mga bata.
Sa kanilang mensahe, pinasalamatan ng mga opisyal ang mga magulang na tumugon sa panawagan ng pamahalaan na maproteksyonan laban sa Covid-19 ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Batid nina Mayor Evangelista at Vice Governor Mendoza ang sitwasyon ng mga bata sa panahon ng modular at blended learning kung kaya magiging daan ang pagbabakuna para sa kanilang kaligtasan at ang inaasam-asam na pagbabalik sa paaralan ng mga bata sakaling ipatupad na ng Department of Education ang face to face learning sa mas nakararaming eskwelahan.
Pinawi naman ni Director Tan ang pangamba ng mga magulang dahil ligtas at para talaga sa mga bata edad 5-11 years old ang Pfizer vaccines na ibinigay na unang dose ng mga vaccinee.
May nakaantabay naman na resident pediatrician sa bawat vaccination hub na siyang nakatutok sa mga bata bago at matapos silang mabakunahan.
Naglagay ng party set up at mga mascots ang City Government sa mga vaccination hubs para magbigay aliw sa mga bata habang naghihintay sa kanilang pagbabakuna.
Bilang dagdag na ayuda, tumanggap ng isang buong dressed chicken at dalawang kilong bigas ang bawat batang nagpabakuna.
Magpapatuloy ang vaccination para sa mga bata edad 5-11 years old pati na sa iba pang eligible priority group sa lungsod sa iba’t-ibang vaccination hubs ng City Government. ##(CIO/JSC/lkro)