NEWS | 2022/04/19 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – PORMAL NG BINUKSAN at sinimulan ang pagbibigay serbisyo ng kauna-unahang barangay-based Urban Health Center sa buong SOCCSKSARGEN o Region 12 na matatagpuan sa Barangay Mua-an sa Lungsod ng Kidapawan.
Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista at mga kagawad ng Department of Health Regional Office XII, City Government Officials kasama ang mga Barangay Officials and health workers ng Mua-an ang Blessing at Opening ng nasabing pasilidad nitong umaga ng Martes, April 19, 2022.
Naitayo ang bagong P10 Million na pasilidad bunga na rin sa pagsisikap ni Mayor Evangelista na mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno, partikular ang health services, sa mga residente ng malalayong lugar sa Kidapawan City at mga karatig na munisipyo.
Sa pamamagitan nito, ay mabibigyan na ng lunas ang mga health concerns ng mga residente ng Mua-an at mga kalapit barangay na nasa palibot ng Urban Health Center, ayon kay Mayor Evangelista.
Hindi na kasi kailangan pang lumuwas ng sentro ng Kidapawan City para magpagamot ang mga may simpleng karamdaman na residente ng lugar, pati na ang mga nakatira sa kalapit na barangay sa Munisipyo ng Magpet na malapit sa pasilidad, dagdag pa ng alkalde.
Naitayo ang Urban Health Center sa pakikipagtulungan ng DOH 12 na siyang nagbigay ng pondo para sa pagpapatayo ng gusali at medical equipment, City Government na siya namang maglalagay ng mga health workers na mangangasiwa sa operasyon at magbibigay serbisyo sa mamamayan at ng Barangay Council ng Mua-an na naglaan ng loteng pagtatayuan ng nasabing pasilidad.
Pinasalamatan ni Mua-an Brgy Chair Paterno Ganzo si Mayor Evangelista at si late Mua-an Chair Azer Perez sa pagtitiyak na maitatayo ang Urban Health Center sa kanilang barangay.
Maliban sa pagbibigay lunas sa mga maysakit, magsisilbi din na lying–in center para sa mga inang buntis na manganganak ang Urban Health Center.
May laboratory, dental, maternal health at pharmaceutical services, pati na mga duktor at nurse ang Urban Health Center ng Barangay Mua-an.
Binasbasan ni Father Gerardo Tacdoro, DCK ang bagong pasilidad bago buksan para sa publiko.
Ilan lamang sa mga bisita sa okasyon ay sina City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo, MD, Engr. Rey Santella DOH XII HFEP Coordinator na representante ni DOH XII Regional Director Aristides Concepcion Tan, Cotabato Provincial Health Officer Dr. Eva Rabaya MD, Cotabato DOH Officer Dr. Rubelita Aggalut MD, SP Health Committee Chair Marites Malaluan, mga kasapi ng konseho ng Mua-an, at mga department heads ng City Government.
Sa April 27, 2022 ay pangungunahan naman ni Mayor Evangelista at mga opisyal ng DOH XII ang groundbreaking ng mga itatayong Urban Health Centers sa mga barangay ng Kalaisan, San Isidro at Balindog.
Sa pamamagitan nito ay mas mailalapit pa sa mga taga kanayunan ang health services and programs ng City Government at ng DOH, paliwanag pa ng alkalde. ##(CIO)