PROJECT ANGEL TREE MAGBIBIGAY NG BAGONG GAMIT PANG ESKWELA SA MGA MAHIHIRAP NA BATA SA LUNGSOD

You are here: Home


NEWS | 2022/05/25 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – ABOT sa 100 mga bata mula sa dalawang mga barangay ng lungsod ang mabibigyan ng bagong gamit pang eskwela sa pamamagitan ng Project Angel tree ng City Government. Sa June 25, 2022 ay pangungunahan nina City Mayor Joseph Evangelista at incoming City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang pamimigay ng regalo sa mga bata sa lobby ng City Hall kung saan matatagpuan ang Angel Tree. Proyekto ng City Government ang Angel Tree na naglalayong mabigyan ng tulong at matugunan ang kahilingan ng mga mahihirap na bata sa lungsod, ayon kay Aida Labina, ang focal person ng proyekto. May nakasabit na mga papel sa Angel Tree kung saan doon isinulat ng mga bata ang kanilang ‘wishes’ na karamihan ay mga bagay na kanilang kinakailangan. Pipili naman ang mga city officials sa mga nakasabit na papel at sila ang magigingn sponsor at magbibigay ng gamit na ninanais ng bawat bata. Pwede rin ang mga pribadong indibidwal o business establishments ang mag-sponsor ng mga kahilingan ng mga bata sa pamamagitan ng pagsali sa Project Angel Tree kung saan ay pwede silang pumili sa mga papel na nakasabit sa puno. Ngayong araw ng Miyerkules, May 25, 2022 ganap na alas 10 ng umaga ay bubuksan na sa publiko ang Angel Tree sa lobby ng City Hall. Maaring pumili ang sino man sa mga ‘wishes’ sa Angel Tree at maibigay ang hiling ng mga bata. Kung sakaling hindi maubos ang mga papel na nakasabit sa Angel Tree, ay mismong ang City Government of Kidapawan na ang mag-i-sponsor sa mga nalalabing wishes ng mga bata at ibibigay kaagad ang mga ito. Mga bata na na-validate ng City Government mula sa mga barangay ng Indangan at Nuangan ang target na mabigyan ng bagong gamit pang eskwela sa ilalim ng proyekto. Ilulunsad muli ang Angel Tree Project para naman sa iba pang mga bata sa mga nalalabing barangay ng Kidapawan City sa susunod na mga araw.##(CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio