NEWS | 2022/09/28 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (September 28, 2022) – BILANG pakikiisa sa pagdiriwang ng World Rabies Day ngayong araw na ito ng Miyerkules, Sep 28, 2022, naglungsad ng massive anti-rabies vaccination ang Office of the City Veterinarian (OCVET) sa mga purok na matatagpuan sa Barangay Poblacion, Kidapawan City.
Bandang alas-otso ng umaga ay tinungo na ng mga vaccination teams na binuo ng OCVET ang mga purok kung saan gagawin ang pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa, ayon kay Dr. Eugene Gornez, City Veterinarian.
Maliban rito, naglagay din ng vaccination hub ang OCVET sa City Pavilion kung saan maliban sa anti-rabbies vaccination ay nagsagawa din ng ligation, neutering, at pamimigay ng vitamins, antibiotics at wound spray, sinabi ni Dr. Gornez.
Abot naman 10 mga vaccination stations para sa 31 na mga purok ang itinalaga ng OCVET para mas mabilis at mas maraming alagang aso at pusa ang mabakunahan.
Kabilang dito ang Tisa, Cacao, Peras, Black Berry (Mundog Subdivision at Lumogdang Subdivision), Dalandanan, Golden Yellow, Coco, Ponkana, Kalubi (Taran Subdivision, Angie Subdivision, Madrid Subdivision, Villanueva Subdivision), Mansanitas, Apple Mango, Passion Fruit, Camansi, Dragon Fruit (Mendoza Subd., Bolong Subd., Mundog Subd. Beltran Subd., Oliveros Subd).
Dagdag pa rito ang Macapuno, Dalanghita (Lapu-Lapu Street, Baluyot Street), Nangka, Ponkan, Pomelo (Nursery Phase 1 and Phase 2, Encarnacion Subd), Lansones, Manga Pico, Singkamas (Rizal Street, Laurel Street, COTELCO Village), Sampalok, Sunkist, Banana (Bautista Street, Gov. Brynt Street, Carpenter Street), Granada, Papaya (Lola Delang Subd., Icdang Village), Guyabano, Strawberry, (J.I.L Subd., Salandanan Subd.,), Marang, Pilinut (Mt. Apo Village, Lamban Subv).
Nais naman ng OCVET na mabakunahan ng anti-rabies ang mula 500-1,000 na mga aso’t -pusa at 80-100 na mga alaga para sa ligation at neutering ngayong araw na ito.
Tema ng World Rabies Day ngayong taon ay “One Health, Zero Deaths kung saan binibigyang-diin ang malawakang impormasyon at adbokasiya patungkol sa nakamamatay rabies sa buong mundo.
Kaugnay nito, nanawagan ang OCVET sa mga dog at cat owners na samantalahin ang pagkakataon at dalhin ang kanilang mga alaga upang mabakunahan ang mga ito.
Patuloy din ang paghimok ng tanggapan sa mga mamamayan na maging responsible pet owners kung saan dapat na alagaan at tiyaking hindi makakapaminsala ang kanilang mga aso, pusa at iba pang alaga. (CIO-jscj//if//nl)