MGA POSTE NG KURYENTE SA NATIONAL HIGHWAY NA ITINUTURING NA HAZARD ILILIPAT NG COTELCO SA GILID NG KALSADA SA PAKIKIPAGTULUNGAN NG DPWH

You are here: Home


NEWS | 2022/10/28 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (October 27, 2022) – MATAPOS matanggap ang sulat mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO patungkol sa hazard o panganib na dulot nga mga electric poles na nakatayo sa bahagi ng national highway ng Barangay Poblacion ay agad ding tumugon dito ang Cotabato Electric Cooperative, Inc. o COTELCO.

Ayon kay COTELCO OIC General Manager Cresmasita L. Golosino, nagagalak silang ipaalam ang planong ilipat ang abot sa 24 electric poles o poste ng kuryente mula sa highway patungo sa tabi o road shoulder.

Sinabi ni Golosino na sa pamamagitan ng General Services Section at Safety Office ng COTELCO ay isinagawa nila ang Pole and Onsite Inspection nitong October 24, 2022 upang matiyak ang eksaktong kinatatayuan ng naturang mga poste at magkaroon ng agarang rekomendasyon na mailipat ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Kaugnay nito, ipinabatid na rin daw ng COTELCO sa Dept of Public Works and Highways o DPWH 1st Engineering District na nakabase sa lungsod ang paglilipat ng nabanggit na mga electric poles dahil nasa ilalim ng departamento ang road widening project kung saan matatagpuan ang mga nabanggit na poste ng kuryente.

Subalit habang hinihintay pa ang pondo mula sa DPWH na gagamitin upang mailipat ang mga nakaharang na poste ng kuryente ay tutugunan ng COTELCO ang rekomendasyo ng CDRRMO na maglagay muna ng mga early warning signages sa harap ng mga ito. 

Sa pamamagitan nito ay makakaiwas sa aksidente at matitiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Una ng binanggit ni CDRRM Officer Psalmer Bernalte sa kanyang sulat sa COTELCO na lubhang delikado ang mga nakatayong poste ng kuryente sa sementadong kalsada o highway dahil maaaring madisgrasya dito ang mga motorista at maging sanhi ng matinding pinsala o kamatayan.

Maliban rito, ay maraming mga mamamayan na rin daw ang humiling na matugunan o mabigyan ng aksyon ang concern na ito, ayon pa kay Bernalte, kaya naman agad ding nilagyan ng warning signs Ng City Government ang ilang mga electric poles.

Samantala, nilinaw ni Golosino na hindi lahat ng poste na sumailalim sa Pole and Onsite Inspection ay pag-aari ng COTELCO. Katunayan, abot sa pito (7) na mga poste ay pag-aari ng mga internet providers kaya’t kailangang ipaalam din ito sa mga kinauukulan upang mailipat din sa takdang oras.

Kapwa namang nanawagan ang CDRRMO at COTELCO sa mamamayan lalo na sa driving public na manatiling maingat at maging alerto sa pagmamaneho sa lahat ng oras upang makaiwas sa aksidente sa daan. (CIO-jscj//if//nl)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio