NEWS | 2022/11/08 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (November 8, 2022) – ISANG daang sako ng bigas na naglalaman ng 25 kilos premium rice bawat sako ang inihatid ng City Government of Kidapawan sa Maguindanao del Norte, partikular na sa Barangay Kusiong, Municipality of Datu Odin Sinsuat kung saan naganap ang matinding landslide at flashflood dulot ng bagyong “Paeng” nitong nakalipas na linggo.
Sa pangunguna ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer Psalmer Bernalte ay naihatid ang naturang tulong sa Barangay Hall na personal namang tinanggap ni Jaffer Sinsuat, Punong Barangay ng Kusiong.
Ang mga barangay officials na ang namahagi ng mga bigas sa mga lumikas na pamilya mula sa naturang barangay dahil hindi na maaaring pasukin ang lugar matapos na masira ang mga tulay na dadaanan papasok sa Barangay Kusiong.
Itinuturing na ground zero ngayon ang Barangay Kusiong matapos masawi ang abot sa 21 katao dahil sa matinding landslide at 20 iba pa ang namatay dahil sa flashflood habang 14 ang nawawala.
Isa ang munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat sa Lalawigan ng Maguindanao del Norte sa pinakamatinding hinagupit ng bagyong “Paeng”. Matinding naapektuhan din ang mga bayan ng Datu Blah Sinsuat, Upi, Barira, South Up isa kaparehong lalawigan.
Sa pinakahuling tala, abot sa 398 barangays ang sinalanta ng bagyong “Paeng” sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM kung saan 202, 598 pamilya ang apektado o katumbas ng 582,884 na mga indibidwal. (CIO-jscj//if//photos by CDRRMO)