NEWS | 2023/06/06 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Hunyo 6, 2023) – MAHALAGA ang paglalagay ng box culvert sa kanal upang maging maayos ang daloy at maiwasan ang overflowing o pag-apaw ng tubig.
Kaya naman isang magandang balita para sa mga residente ng Purok 1 ng Barangay Indangan sa Kidapawan City ang isinagawang groundbreaking ng box culvert project (one barrel box culvert, slope protection and PCCP) ngayong araw ng Martes, Hunyo 6, 2023, alas-siyete y media ng umaga.
Nagkakahalaga ng P2,260,219.00 ang nabanggit na proyekto na nanggaling sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund o LDRRMF of 2023 at tinatayang matatapos sa loob ng 90 araw, ayon kay Engr. Lito Hernandez, ang City Engineer ng Kidapawan.
Bahagi naman ito ng priority infrastructure projects ng City Government of Kidapawan para sa mga barangay tulad ng Indangan at iba pang mga lugar na nangangailangan ng makabuluhang proyektong magpapaangat ng kanilang pamumuhay.
Matatandaang bago lamang ay nagkaroon din ng groundbreaking ceremony ng mga proyekto sa iba pang mga barangay tulad ng Manongol, Perez, at Sibawan kung saan mismong si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang nanguna kasama ang mga konsehal, key personnel mula sa City Engineering, OCBO, at iba pang opisina.
Ayon kay Mayor Evangelista, ibinabalik lamang ng City Government of Kidapawan ang buwis na kanilang binabayaran sa pamamagitan ng proyekto tulad ng box culvert na lubhang mahalaga para sa Purok 1 ng Indangan.
Dapat raw ingatan ng mga residente ang proyekto sa pangunguna ni Punong Barangay Sedinio Alilian at mga barangay kagawad dahil ito ay inilaan para sa kaayusan ng barangay.
Kabilang sa pag-iingat na gagawin ay huwag silang magtapon ng basura sa kanal upang hindi bumara at hindi agad masira ang box culvert.
Sa ginanap na groundbreaking sa Indangan ay dumalo naman ang mga Konsehal ng lungsod na sina Airene Claire Pagal, Judith Navarra, Aljo Cris Dizon, Michael Earving Ablang, at Galen Ray Lonzaga na pawang nagpahayag ng kasiyahan at suporta sa barangay.
Buo din ang suporta na ibinigay ng mga Department Heads na sina Engr. Hernandez, Engr. Jicylle Merin (OCBO) at Acting City Administrator Janice V. Garcia sa naturang aktibidad. (CIO)