NEWS | 2023/09/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (August 18, 2023) MAS PANGALAGAAN PA ANG KALIKASAN upang may maa-aning prutas at biyaya galing sa Poong Maykapal.
Ito ang ipinabatid ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kung saan siya ang panauhing pandangal sa culmination program ng Kasadya sa Timpupo 2023.
Saganang ani ng prutas, sari saring gulay, at iba pang pananim ay resulta umano ng pangangalaga ng mga Kidapawenyo sa kalikasan, ani pa ng senador.
Likas ang lungsod sa magandang klima, masarap at malinis na tubig at higit sa lahat ay mataba ang mga lupaing nasa paanan ng Bundok Apo kung kaya at sagana ito sa matatamis na prutas, wika pa ni Dela Rosa.
Pinuri din niya si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa mahusay at maayos na pamamalakad sa lungsod kung kaya at patuloy pa ang pag-unlad nito sa kasalukuyan at sa hinaharap. Batid ng lahat ang pangunguna ng City Government sa pangangalaga ng kalikasan at isa rito ang itinatag ni Mayor Pao Evangelista na Canopy 25 project na kasalukuyang pagtatanim ng 2.5 Million trees.
Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni Mayor Evangelista na noon pa niya pinapangarap na gawing mas makulay ang pagdiriwang ng Timpupo para sa lahat. Pinasalamatan din ng butihing alkalde ang mga fruit growers at producers ng lungsod sa kanilang malaking nai-ambag sa tagumpay ng pagdiriwang.
Matapos ang culmination program ay pinangunahan nina Senador Dela Rosa, Mayor Evangelista, at lahat ng mga lumahok na mga local officials ang pinakatampok sa Kasadya sa Timpupo, ang halos isang kilometro at libreng Fruits Eat All You Can sa islands ng Quezon Boulevard na pinagsaluhan ng libo-libong mamamayan.##(CIO/lkro)