NEWS | 2024/02/15 | LKRO
KIDAPAWAN CITY ( February 9, 2024) – TINUPAD NI City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang kanyang pangakong mas mailapit pa ang mga serbisyo at programa ng City Government sa mga residente ng barangay.
Nitong umaga ng Biyernes, February 9 ay pormal ng binuksan ng alkalde ang Mayor’s Satellite Office sa Barangay San Isidro at Barangay Ginatilan dito sa lungsod.
Sa pamamagitan ng Mayor’s Satellite Office hindi na kinakailangan pang pumunta sa City Hall ang mga residente ng barangay dahil, tatanggapin at ipo-proseso ng mga nakatalagang empleyado ang request para makatanggap ng kaukulang serbisyo.
Ipinapaabot naman ng mga taga San Isidro sa pamamagitan ni Punong Barangay Dionisio A. Wanal at ng mga taga Ginatilan sa pamamagitan din ni Punong Barangay Nesiolin G. Malinao, Jr. ang pagpapasalamat ng kanilang mga constituents kay Mayor Evangelista sa pagpapalapit pa ng serbisyo ng City Government sa kanila.
Maliban kay Mayor Evangelista ay dumalo din sa opening ng Satellite Offices sina City Vice Mayor Melvin E. Lamata, Jr. at mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod, iba pang mga Punong Barangay, mga department managers ng City Government at mga residente ng San Isidro at Ginatilan habang si Father Fred P. Palomar, Jr. DCK naman ang nagsagawa ng blessing ng pasilidad.
Pinaplano ng alkalde na magtatayo pa ng Satellite Offices sa lima (5) pang mga barangay sa taong ito.