NEWS | 2024/03/04 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (March 1, 2024) Tuwing buwan ng Marso bawat taon ay ginugunita sa buong bansa ang Fire Prevention Month.
Kaya naman, patuloy ang panawagan ng City Government of Kidapawan at ng Bureau of Fire Protection o BFP sa lahat na maging alerto para maiwasan ang mga insidente ng sunog.
Ilan lamang sa panawagan ng otoridad ay ang mga sumusunod:
Ugaliin dapat na tanggalin din sa saksakan ang mga appliances kapag brown out, lalo na kung walang tao sa bahay.
Dapat din na suriin kung napupunit na rin ba ang wirings ng mga ito dahil pwedeng makasanhi ng sunog o di kaya ay makakuryente sa gumagamit. Kapag bibili naman ng gamit de kuryente, tiyaking makapal ang wire nito at sertipikado ng Department of Trade and Industry o DTI para ligtas gamitin.
I-switch Off din ang mga regulator ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) o electric stove kung hindi ginagamit. Kung uling o kahoy naman ang ginagamit panggatong sa pagluluto, buhusan ito ng tubig pagkatapos magluto para matiyak na wala na itong apoy.
Ilayo din ang mga bagay na madaling magliyab tulad ng posporo, lighter, mga kemikal, tela, papel, plastic at iba pa sa mga bata dahil pwedeng paglaruan nila ang mga ito na magreresulta sa sunog.
Patayin din ang mga kandila o gasera kapag matutulog na.
Iwasan din ang magsunog ng mga tuyong damo o basura para maka-iwas sa insidente ng grass fire lalo na at mainit ang panahon.
Sa mga business establishment dapat tiyakin na gumagana ang inyong mga fire extinguisher at pagkakaroon ng angkop na fire emergency exit.
Mangyaring makipag-ugnayan sa inyong mga opisyal sa purok o barangay kapag may mga bagay na posibleng maglikha ng sunog sa mga komunidad tulad ng mga nakahambalang na linya ng kuryente.
Hinihikayat naman ang lahat na suportahan ang panawagan at mga aktibidad ng Fire Prevention Month sa kampanya ng otoridad laban sa sunog.
Tema ng 2024 Fire Prevention Month ay “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa”.