NEWS | 2024/03/04 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (March 1, 2024) ISANG LIBONG PISONG (P1,000) transportation allowance ang ibinigay ng City Government sa bawat isa sa mahigit dalawang daang (262) guro ng private pre-school, elementary, junior at senior high school sa lungsod.
Ayon kay City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, ang pamimigay ng transportation allowance sa mga guro ng private schools ay bilang pasasalamat ng City Government sa maayos na pagtuturo sa mga bata na naka enroll sa kanilang eskwelahan upang maging produktibong mamamayan.
Maliban sa pagpapasalamat, batid din ng City Government ang mahahalagang kontribusyon ng mga private schools sa pagpapa-unlad ng sektor ng edukasyon sa Kidapawan City.
Ito ay first tranche pa lamang ng pamimigay ng transportation allowances sa mga private school teachers, wika pa ng alkalde.
Magbibigay muli para sa second tranche ng transportation allowances sa mga private school teachers ang City Government sa mga susunod na buwan.
Ang pamimigay ng transportation allowances sa mga guro sa private school ay ginanap sa City Gymnasium ngayong araw, March 1, 2024.
Maliban kay Mayor Evangelista, naroon din ang presensya ni DepEd Schools Division Superintendent Miguel Fillalan, Jr., mga opisyal ng DepEd at ilang Department Heads ng City Government.
May labingsiyam(19) na pre-school, elementary, junior at senior high schools sa Kidapawan City.