NEWS | 2024/03/12 | LKRO
Kidapawan City — (March 7, 2024) Handog ng Lokal na Pamahalaan sa tatlong mga Barangay sa Lungsod ng Kidapawan ang mga proyektong siguradong mapakikinabangan ng mga residente dito.
Ngayong araw, March 7, unang ipinagkaloob ang limang milyong (5M) halaga ng Road Concreting Project sa Purok 6, Brgy. Marbel na halos pitumpong taon ng hinihintay ng mga residente doon.
Hindi ininda ng mga residenteng dumalo sa nasabing programa ang mainit na panahon, dahil personal mismo nilang sinaksihan ang proyektong ipagkakaloob sa kanila.
Sinundan ito ng dalawang magkasunod na ground breaking ceremony na isinagawa sa Brgy. Paco at Brgy. Sikitan, kung saan nasa mahigit 10.2M halaga ng proyekto ang iginawad sa nabanggit na mga barangay.
Ang Slope Protection Project sa Purok Rambutan sa Brgy. Paco ang sagot sa nakakabahalang insidente ng pagbaha rito, lalo pa at may naiulat na rin na inanod ng rumaragasang tubig sa ilog.
Sa pamamagitan ng proyektong ibibigay sa kanila ngayon, mas magiging kampante na ang mga opisyales at residente sa kaligtasan ng mga nakatira doon.
Tugon naman para sa kahilingan ng mga taga Sikitan ang pagsasaayos ng daan sa Purok 3.
Sa ganitong paraan din kasi mas mapapadali na ang transportasyon ng mga nakatira dito, lalo pa at may kalayuan na ito sa National Highway.
Sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, Vice Mayor Melvin E. Lamata, Jr., kasamahan nito sa Sangguniang Panglungsod at mga Department Heads, buong puso itong ibinigay sa kanila.
Bilang ganti, ang pangangalaga lamang sa proyekto at ang pagpapahalaga dito ang nais ng Alkalde.