Day Care Centers malaki ang nai-ambag sa tamang paglaki ng mga bata sa lungsod

You are here: Home


NEWS | 2018/11/23 | LKRO


thumb image

 

PRESS RELEASE

November 22, 2018

Day Care Centers malaki ang nai-ambag sa tamang paglaki ng mga bata sa lungsod

KIDAPAWAN CITY – BINIGYANG PAGPUPUGAY NG CITY Government ang mahahalagang papel ng isandaan at pitong day care centers ng lungsod sa pagdiriwang ng Children’s Month.

Sa day care center pa lang kasi ay natuturuan na ng magandang asal ang bawat bata para sa kanyang tamang paglaki, mensahe pa ni City Mayor Joseph Evangelista sa okasyon.

Ipinarating niya ito sa pamamagitan ni City Councilor Marites Malaluan na Chair ng SP Committee on Health na panauhing pandangal sa ginanap na Children’s Congress November 22, 2018.

Malaki ang naging ambag ng mga day care workers sa pagsegurong nahuhubog ng tama ang mga bata edad 3 -4 years old bago pa man sila makatungtong sa formal schooling na nagsisimula sa kindergarten.

Nakapaloob ang pagkakaroon ng day care centers sa Right to Development and Participation ng mga bata.

Pinagtuto-unan din ng ibayong pansin ng City Government ang Right to Survival ng mga bata sa pamamagitan ng mga supplemental feeding programs sa mga public schools upang masawata ang suliranin sa malnutrisyon.

Katunayan, may mga libreng programa ang City Government para sa mga inang buntis upang masegurong malusog at ligtas ang mga bata habang ipinagbubuntis pa lang sa ilalim ng Maternal and Child Care and Wellness Program.

Sa usapin naman ng Right to Protection, saklaw nito ang pagpo-protekta sa mga bata laban sa alin mang uri ng pananakit, pang-aabuso at eksploytasyon.

Nariyan ang mga Barangay Councils for the Protection of Children na siyang inatasan na pagsegurong protektado ang mga bata sa komunidad.

Sa usapin naman ng mga Children in Conflict with the Law o CICL, may inilaang Drop In Center ang City Government na nagsisilbing pansamantala nilang tirahan.

Dito ay tinuturuan ang mga CICL na magbago at maging produktibo sa nabanggit na pasilidad sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office.##(CIO/LKOasay)

Photo Caption – CHILDREN’S MONTH IPINAGDIRIWANG SA LUNGSOD: Ipinarating ni City Councilor Marites Malaluan, SP Committee Chair on Health ang mensahe ni City Mayor Joseph Evangelista sa okasyon.Pangunahing adhikain ng City Government ang pagsusulong ng mga programang pambata sa layuning gawing Child Friendly ang Kidapawan City.(CIO Photo)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio