NEWS | 2018/11/27 | LKRO
PRESS RELEASE
November 27, 2018
MKWD-Magpet Boundary road maliwanag na pagsapit ng gabi
KIDAPAWAN CITY – MALIWANAG AT LIGTAS NA PARA SA LAHAT ang pagdaan sa Metro Kidapawan Water District –Kidapawan City Magpet Boundary road pagsapit ng gabi.
November 26 ng gabi ng i-switch on ni City Mayor Joseph Evangelista at ng COTELCO ang may 135 units ng streetlights sa lugar.
Bahagi ng Public Safety Program ang nabanggit na pet project ni Mayor Evangelista.
Makakatulong ng malaki ang streetlights sa kampanya kontra krimininalidad at kaligtasan ng mga motorista sa daan.
Nagkakahalaga ng mahigit sa P6.7 Million ang isangdaan at tatlumpo’t limang 110 Watts LED streetlights na inilagay ng City Government sa lugar.
Ilan lamang ito sa iba pang streetlighting projects na ipinatutupad ng City Government sa kasalukuyan.
Nariyan ang P3M na streetlight project sa Barangay Magsaysay to Barangay Junction na proyektong magbibigay liwanag sa gabi sa daan patungo ng munisipyo ng M’lang.
Naipatayo na ang may 58 poste ng ilaw sa nabanggit na lugar.
Sa katapusan ng buwan ng Disyembre 2018 ay inaasahang sisindi na ang lahat ng pailaw mula Magsaysay hanggang Junction.
Patuloy naman ang paghuhukay sa pagtatayuan ng poste ng may 131 streetlights na ilalagay ng City Government mula Crossing Binoligan hanggang sa hangganan ng Kidapawan City at President Roxas.
Nagkakahalaga ng mahigit sa anim na milyong piso ang nabanggit na proyektong pailaw.
Pinondohan ng 20% Economic Development Fund ang mga nabanggit na streetlighting projects.
Samantala, magsasagawa na ng public bidding ang City Government para naman sa mahigit P5 Million na streetlighting project na magkokonekta mula Barangay Balindog tungo sa boundary ng Kidapawan-City-Matalam sa Barangay Patadon.
Nagmula ang P5 Million sa Performance Challenge Fund na premyo ng City Government sa pagkamit nito ng Seal of Good Local Governance o SGLG mula sa Department of the Interior and Local Government.
115 units ng streetlights ang ilalagay sa nabanggit na lugar.
Sa pamamagitan nito ay magliliwanag na ang buong kahabaan ng National Highway ng Kidapawan City mula sa Landmark sa boundary nito sa Munisipyo ng Makilala hanggang sa hangganan sa bayan ng Matalam sa Barangay Patadon simula sa 2019.##(CIO/LKOasay)