NEWS | 2022/11/04 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (November 4, 2022) – NGAYON pa lamang ay natitiyak na ang paglago ng fish farming industry sa lungsod partikular na ang tilapia raising.
Ito ay matapos ang ginawang pamamahagi ng abot sa 110,000 sexually reversed red tilapia fingerlings sa 56 recipients o mga fish farmers na nagpapalago ng mga fishpond sa iba’t-ibang barangay.
Ginanap ang distribution sa Mega Tent, City Pavilion sa pangunguna ni City Agriculturist Marissa Aton at mga personnel ng kanyang tanggapan.
Nakapaloob sa Cost Recovery Program ang naturang distribution kung saan kalahati lamang ng halaga ng proyekto ang kanilang babayaran at ang City Government of Kidapawan na mismo ang bibili ng kanilang harvest sa pamamagitan ng City Agricultural Market and Trading Center.
Sa ganitong paraan ay matitiyak ang benta at kita ng mga fish farmers at malaki ang oportunidad na mas lumago pa ang kanilang mga negosyo, tulad na lamang ng mga local rice, fruit and vegetable farmers na nakikinabang din sa kahalintulad na programa, ayon kay Aton.
Nagmula naman sa mga sumusunod na barangay ang mga fish farmers – Balabag, Perez, Binoligan, Indangan, Singao, Kalaisan, Indangan, San Isidro, Ilomavis, Balindog, San Roque, Mua-an, at Ginatilan.
Nakapaloob sa Executive Order No. 053 series of 2022 – “An Order establishing the Kidapawan City Agricultural Market and Trading Center and Creating its Technical Working Group for the Development of Policies and Guidelines Governing its Operations” ang pagbibigay ng kaukulang ayuda sa mga local rice, veghetable, fruit and fish farmers.
Kaugnay nito, hinikayat ni City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista ang mga fish farmers na lalo pang pagbutihin ang kanilang livelihood project dahil makatutulong ito sa pag-angat ng antas ng pamumuhay at sa pag-unlad ng buong komunidad. (CIO-jscj//if/aa)