NEWS | 2022/12/22 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (December 22, 2022) – PINATUNAYAN ng mga Persons with Disabilities o PWD mula sa Lungsod ng Kidapawan na hindi hadlang ang kanilang kapansanan upang sila ay maging kabalikat ng pamahalaan sa pagpapatupad ng programa at proyekto.
Katunayan, naging aktibo ang abot sa 294 na mga PWDs mula sa 40 barangay ng lungsod sa Buhay at Bayanihan para sa Mamamayan o “BUHAYNIHAN” Cash-for-Work program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pinangangasiwaan naman ng Dept of Social and Welfare Office o DSWDO.
Nagtrabaho sa loob ng 10 araw mga PWD sa kani-kanilang barangay kung saan binayaran sila ng P352.00 bawat araw o kabuong sweldo na P3,520 bawat isa, ayon kay Daisy P. Gaviola, ang City Social Welfare Officer ng Kidapawan.
Layon ng “BUHAYNIHAN” na tulungan ang mga PWD sa buong bansa na maging produktibo at maging kapaki-pakinabang sa komunidad sa kabila ng kanilang kalagayan.
Nagpahayag din ng kagustuhan ang Pangulong Marcos na magkaroon ng malaking partisipasyon ang mga PWD sa pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng oportunidad na makapagtrabaho o maibahagi ang kanilang kakayahan sa mismong mga barangay kung saan sila naninirahan.
Kaugnay nito, masayang ipinarating ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang kanyang pasasalamat sa mga PWD at hinimok ang mga ito na ipagpatuloy ang mga mabubuting simulain na magpapaangat sa kanilang sektor kasabay ang pahayag na suportado niya ang mga hakbang para mapabuti pang lalo ang kalagayan ng mga PWD sa lungsod. (CIO-jscj//if)