NEWS | 2022/07/07 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (July 7, 2022) – MASAYANG tinanggap ng abot sa 382 na mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD beneficiaries ang kanilang sahod mula sa pagtatrabaho (clean-up drive) sa mga elementary at high schools sa loob ng 10 araw.
Nanguna sa release ng sweldo ng mga TUPAD workers sa halagang P360 bawat araw (sa pamamagitan ng mga courier/tracking numbers) si Public Employment Service Office o PESO Manager Herminia Infanta kasama ang mga personnel ng tanggapan.
Dumalo sa aktibidad sina Dept of Labor and Employment o DOLE Senior LEO Ernesto Coloso at DepEd Kidapawan Schools Division Superintendent na kapwa pinasalamatan ang mga TUPAD beneficiaries sa kanilang pagtugon sa naturang programa.
Layon ng TUPAD na matulungan o maalalayan ang mga vulnerable workers o sectors na matinding naapektuhan ng mga kalamidad lalon ng COVID-19 pandemic kung saan DOLE ang magbabayad ng kanilang sahod.
Partikular na nilinis ng mga TUPAD beneficiaries ang abot sa 25 paaralan upang masugpo ang lamok na nagdadala ng dengue virus at maiwasan ang pagtaas pa ng bilang ng mga nagkakasakit nito. Kabilang dito ang Upper Singao Elementary School, RBA Sabulao ES, F. Suerte ES, Kidapawan City Pilot ES, Nuangan Integrated School, Malinan ES, Amas Central ES, Onica ES, Patadon ES, San Roque ES, Katipunan ES, Amazion ES, at Mateo ES.
Sumailalim din sa clean-up drive ang Kalasuyan ES, Lanao CES, Singao IS, Amas National HS, Juan L. Gantuangco School of Arts and Trade, Spottswood NHS, Kalaisan NHS, Manongol NHS, Ginatilan NHS, Mt. Apo NHS – Balabag Extension, at Mt. Apo NHS.
Nagbigay naman ng kanyang mensahe si City Administrator Janice Valdevieso-Garcia bilang kinatawan ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.
“Natutuwa si Mayor Pao Evangelista sa mainit na pagtugon ng ating mga TUPAD workers sa kampanya laban sa dengue at para sa kaligtasan ng mga mag-aaral”, ayon kay Garcia. “Umaasa ang ating alkalde na mas marami pang indibidwal na apektado ng kalamidad ang matutulungan sa pamamagitan ng TUPAD”, dagdag pa niya.
Samantala, naka-schedule na rin para sa release ng kanilang 10 day-salary ang mga traysikel at “habal-habal” drivers na lumahok sa clean-up drive laban sa dengue sa mga Purok at Sitio ng iba’t-ibang barangay sa Kidapawan City, ayon sa PESO Kidapawan. (CIO-jscj/vb)