NEWS | 2022/11/03 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Nov. 3, 2022) – BILANG bahagi ng benepisyo ng mga Senior Citizens ay maayos na natanggap ng mga pensioners mula sa Lungsod ng Kidapawan ang kanilang Social Pension para sa ikatlong quarter ng 2022.
Abot sa 8,804 Social Pensioners ang masayang nakatanggap ng naturang benepisyo at nagmula sila sa 40 barangay sa Kidapawan City, ayon kay Daisy G. Perez, City Social Welfare and Development Officer.
Katumbas ito ng 95.55% ng target pensioners mula sa kabuuang bilang na 9,214 kung saan mayroong 410 o katumbas ng 4.45% ang hindi nakatanggap dahil sa iba’t-ibang kadahilanan tulad ng namatay o namayapang pensioner, double entry, on vacation, transfer of residence at iba pa.
Bawat pensioner ay tumanggap ng P1,500 o P500 bawat buwan sa loob ng 3rd quarter (July-Sep), 2022.
Mula October24-28, 2022 isinagawa ng CSWD ang payout sa mga Barangay Halls at iba pang pasilidad kung saan naging matagumpay ang pamamahagi ng pension sa mga senior citizens sa pamamagitan ng CSWDO personnel at sa tulong ng Office of the Senior Citizen Affairs o OSCA, Kidapawan City Police Station o KCPS, AFP, at mga opisyal ng bawat barangay, ayon pa kay Perez.
Samantala, magtatakda pa ng petsa o schedule ang CSWD para sa mga pensioner na hindi pa nakukuha ang benepisyo at posibleng ito ay gawin sa huling linggo ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre 2022.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Perez ang mga social pensioners/senior citizens sa kanilang suporta at kooperasyon na nagresulta sa mahusay na payout o pamamahagi ng monthly pension ganundin ang bawat sektor na naging bahagi ng programa ng DSWD. (CIO-jscj//if/photos CSWDO)