NEWS | 2021/10/06 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ANIM na mga barangay sa lungsod ang makatatanggap ng abot sa P119M na development programs and projects sa ilalim ng Retooled Community Support Program o RCSP ng pamahalaan.
Bahagi ito ng Whole-of-Nation Approach ng Duterte Administration na naglalayong mabigyan ng programa at proyektong pangkaunlaran, mahusay na serbisyo publiko at pangmatagalang kapayapaan ang mga kanayunan.
Pinangunahan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang kinakailangang Capacity Building Activity para sa mga opisyal ng anim na barangay ngayong araw ng Miyerkules, October 6, 2021 sa Mega Tent ng City Hall.
Ang nabanggit na mga barangay ay kinabibilangan ng Sto Nińo, San Roque, San Isidro, Malinan, Katipunan at Gayola.
Ilan lamang sa mga na-identify na mga programa at proyekto sa ilalim ng RCSP ay ang mga sumusunod: concreting ng farm to market roads, cash for work assistance, pagpapatayo ng school buildings, solar dryers, expansion ng water potable water system, at capacity development for agriculture and livelihood.
Sa tulong din ng RCSP, mabubuksan na ang mga rural areas sa pakikipagkalakalan ng kanilang mga produkto sa sentro ng lungsod at iba pang mga lugar.
Sa pamamagitan nito ay madagdagan ang kita ng mga magsasaka at mas lalago pa ang kanilang kabuhayan.
Ipapasa ng City DILG ang naturang mga proyekto sa national government para mapondohan at agad na maipatupad sa susunod na taon bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. ##(CIO)