ADOPTION NG MGA NAHULING STRAY DOGS NG OCVET PINAPAYAGAN NA NG CITY GOVERNMENT

You are here: Home

[tfg_social_share]


NEWS | 2021/02/01 | LKRO


thumb image

February 1, 2021

ADOPTION NG MGA NAHULING STRAY DOGS NG OCVET PINAPAYAGAN NA NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – PINAPAYAGAN NA NG City Government ang pag-aampon ng mga asong gala mula sa City Dog Pound ngayong 2021.

Sa pamamagitan ng Executive Order number 001 s. 2021 na nilagdaan at inilabas kamakailan lang ni City Mayor Joseph Evangelista, pwede ng mag-ampon ang mga nagnanais mag-alaga ng aso mula sa mga nahuling stray dogs ng City Veterinary Office.

Ito ang sinabi ni Dr. Elaine May Mahusay, Veterinarian II ng OCVET sa programa ng City Government sa himpilan ng radyo nitong January 29.

Aniya, pamamaraan ito ng City Government na mabigyan ng tamang pangangalaga ang mga asong gala na nasa dog pound ng OCVET.

Hinuhuli ng mga kagawad ng OCVET ang mga asong gala sa iba’t-ibang lugar ng lungsod bilang pamamaraan na hindi ito makapangagat at makaperwisyo sa iba at makontrol ang pagkalat ng nakamamatay na rabies sa mga komunidad.

May pito hanggang sampung araw na binibigay na palugit sa mga may-ari ang OCVET para tubosin ang kanilang alaga.

Sa mga nagnanais umampon ng aso, mangyaring makipag ugnayan lamang sa OCVET.

Bago pa man ang adoption, dadaan muna sa kaukulang proseso ang mag-aampon upang malaman kung sapat ba ang kanyang kakayahan na mag-adopt, maliban pa sa mga screening at  interview na kalakip dito.

Dadaan sa Responsible Pet Ownership ang mag-aampon. May Application Form siya na dapat I fill-up na kasali sa proseso.

Kung pumasa sa screening at interview, saka pa lamang niya personal na makikita ang asong aamponin.

Pipirma sa Affidavit of Undertaking ang mag-aampon at ang City Government kung saan ay nakasaad dito ang mga dapat sundin ng bagong may-ari.

Tanging impounding fee ng aso ang babayaran ng bagong may-ari bago ang adoption.

Imo-monitor ng OCVET ang asong inampon at obligado ang bagong may-ari na magsumite ng progress report sa kalagayan ng aso.

Hihimukin ni Mayor Evangelista ang Sangguniang Panlungsod na magpasa ng Ordinansa para sa adoption ng mga aso. ##(CIO/JPE)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio