KIDAPAWAN (July 12, 2022) – ISANG kautusan ang nilagdaan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista na nagbabawal sa mga local elected public officials na tulad niya na maglagay ng larawan sa mga tarpaulin, poster, at iba pang printed materials na ginagamit sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Ito ang Executive Order No. 05 (Series of 2022) na nilagdaan ni Mayor Evangelista sa ikalawang araw ng kanyang pag-upo bilang alkalde ng Lungsod ng Kidapawan noong July 1, 2022.
Nakasaad sa Section 2 ng Republic Act No. 6713 ang pagsusulong ng mataas na etika (ethics) sa hanay ng opisyal at mga manggagawa ng gobyerno at ipinapaalala na sila ay may pananagutan sa publiko kung saan kailangang maging responsible at tapat, simple o payak at laging mangibabaw ang interes ng mamamayan.
Nakasaad din sa Section 18 ng General Appropriations Act of 2022 ang pagbabawal sa paggamit ng mga pangalan, larawan, logo, at pirma ng mga elected o appointed public officials sa programa, proyekto at iba pang aktibidad ng gobyerno.
Ganito din ang nakasaad sa Section 2.2.6 ng Commission on Audit Memorandum Circular No. 2013-004 kung saan malinaw na ipinagbabawal ang paggamit o paglalagay ng litrato, motto, kulay o logo at iba pang pagkakakilanlan ng mga lokal na opisyal.
Kaugnay nito, mahigpit ng ipinagbabawal sa lahat ng mga lokal na opisyal (elected at appointed) ng Kidapawan ang paglalagay ng kanilang mga larawan sa mga poster, tarpaulin at iba pang gamit na may kaugnayan sa mga proyekto at programa, pati na aktibidad ng gobyerno.
Mapapatawan naman kaukulang reklamo at penalidad ang sinumang opisyal na lalabag sa nabanggit na kautusan ganundin ang mga printing shops na hindi susunod sa kautusan.
Ang Executive Order No. 05 ay epektibo mula July 1, 2022 sa Lungsod ng Kidapawan. (CMO/CIO-jscj)
KIDAPAWAN CITY (11 July 2022) NAIS NI CITY MAYOR Atty Jose Paolo Evangelista na mabigyan ng angkop na ‘mental health support’ ang mga opisyal at empleyado ng City Government of Kidapawan.
Ito ay sa pamamagitan ng partnership ng City Government at ng Globe Telecom sa ilalim ng KonsultaMD kung saan ay magbibigay ito ng libreng mental health consultation para sa mga opisyal at kawani.
Bahagi ng mabuting kalusugan ng mga opisyal at empleyado ang pagkakaroon ng malusog na pag-iisip para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa mamamayan, sinabi ni Mayor Evangelista sa mga opisyal at empleyado sa paglulunsad ng KonsultaMD sa ginanap na flag raising ceremony sa City Hall nitong umaga ng July 11, 2022.
On-line o gagamit ng mobile phone ang opisyal at kawani sa pagpapakonsulta sa mga licensed psychologist sa ilalim ng KonsultaMD.
Kukuha ng voucher code ang opisyal o empleyado mula sa tanggapan ni Mayor Evangelista saka ida-download ang KonsultaMD app sa pamamagitan ng Google playstore sa kanilang cellular phone.
Makakatulong ng malaki sa performance sa trabaho at pagbibigay ng wastong serbisyo publiko ng mga opisyal at empleyado ang nasabing programa kung kaya at hinihikayat ng alkalde na samantalahin ang libreng mental consultation ng KonsultaMD, ayon pa Mayor Evangelista.##(CMO-cio)
P3M HALAGA NG FERTILIZER NAIPAMAHAGI SA MGA FRUIT, CACAO, AND COFFEE FARMERS SA LUNGSOD NG KIDAPAWAN
(KIDAPAWAN CITY – July 8, 2022) – ABOT sa P3M halaga ng mga fertilizers ang naipamahagi sa mga nagtatanim ng prutas (fruit growers), cacao and coffee farmers sa lungsod.
Ito ay sa ginawang distribution of complete fertilizers ng Office of the City Agriculturist o OCA kung saan nakabiyaya ang 34 farmers association, 1 coffee grower’s association, at 1 fruit grower’s association o kabuuang 37 beneficiary-farmer associations.
Nakapaloob ito sa High Value Crops Program ng OCA na ang pondo ay mula sa 20% Economic Development Fund (EDF) ng City Government, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton.
Matatandaang isa ito sa major programs ni dating Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista upang makabawi ang sektor ng agrikultura mula sa negatibong dulot ng COVID-19 pandemic na ipinagpapatuloy naman ng bagong upong alkalde na si Atty. Jose Paolo Evangelista.
Kaugnay nito, abot naman sa 1,364 bags ng fertilizers ang ipamamahagi sa mga farmer-beneficiaries at sa bilang na ito ay abot na din sa 840 ang na-withdraw ng mga benepisyaryo, ayon sa OCA.
Samantala, nagpapatuloy pa ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA sa ginagawa nitong registration ng mga farmers sa iba’t-ibang barangay sa Kidapawan City upang maisama ang mga ito at makinabang sa mga programa at proyekto ng OCA at ng Department of Agriculture o DA.
Sa pinakahuling data, abot na sa 34 barangays sa Lungsod ng Kidapawan ang matagumpay na na-enroll sa RSBA, dagdagpa ng OCA. (CIO-jscj/Photos by Office of the City Agriculturist)
(KIDAPAWAN CITY- July 7, 2022) – NAMAHAGI ng abot sa 1,000 grafted cacao seedlings ang Office of the City Agriculturist (OCA) kasama ang University of Southern (USM) Mindanao – Kabacan para sa 10 benepisyaryo mula sa Barangay Ginatilan, Kidapawan City.
Ito ang first batch ng release ng naturang binhi na binubuo ng 500 UF18 seedlings at 500 BR25 seedlings, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton.
Nakapaloob naman ito sa “Future Thinking Project” ng Barangay Ginatilan na pinamumunuan ni Tamie C. Solpot, ayon pa kay Aton.
Layon ng pamamahagi na mabigyan ng kalidad na seedlings ang mga nagtatanim ng cacao kasama na ang pamimigay ng iba pang mapakikinabangang planting materials.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Solpot sa ayudang ibinigay ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng OCA dahil malaki ang magagawa nito sa tagumpay ng kanilang proyekto. (CIO-jscj/Photos by Office of the City Agriculturist)
KIDAPAWAN CITY (July 7, 2022) – MASAYANG tinanggap ng abot sa 382 na mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD beneficiaries ang kanilang sahod mula sa pagtatrabaho (clean-up drive) sa mga elementary at high schools sa loob ng 10 araw.
Nanguna sa release ng sweldo ng mga TUPAD workers sa halagang P360 bawat araw (sa pamamagitan ng mga courier/tracking numbers) si Public Employment Service Office o PESO Manager Herminia Infanta kasama ang mga personnel ng tanggapan.
Dumalo sa aktibidad sina Dept of Labor and Employment o DOLE Senior LEO Ernesto Coloso at DepEd Kidapawan Schools Division Superintendent na kapwa pinasalamatan ang mga TUPAD beneficiaries sa kanilang pagtugon sa naturang programa.
Layon ng TUPAD na matulungan o maalalayan ang mga vulnerable workers o sectors na matinding naapektuhan ng mga kalamidad lalon ng COVID-19 pandemic kung saan DOLE ang magbabayad ng kanilang sahod.
Partikular na nilinis ng mga TUPAD beneficiaries ang abot sa 25 paaralan upang masugpo ang lamok na nagdadala ng dengue virus at maiwasan ang pagtaas pa ng bilang ng mga nagkakasakit nito. Kabilang dito ang Upper Singao Elementary School, RBA Sabulao ES, F. Suerte ES, Kidapawan City Pilot ES, Nuangan Integrated School, Malinan ES, Amas Central ES, Onica ES, Patadon ES, San Roque ES, Katipunan ES, Amazion ES, at Mateo ES.
Sumailalim din sa clean-up drive ang Kalasuyan ES, Lanao CES, Singao IS, Amas National HS, Juan L. Gantuangco School of Arts and Trade, Spottswood NHS, Kalaisan NHS, Manongol NHS, Ginatilan NHS, Mt. Apo NHS – Balabag Extension, at Mt. Apo NHS.
Nagbigay naman ng kanyang mensahe si City Administrator Janice Valdevieso-Garcia bilang kinatawan ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.
“Natutuwa si Mayor Pao Evangelista sa mainit na pagtugon ng ating mga TUPAD workers sa kampanya laban sa dengue at para sa kaligtasan ng mga mag-aaral”, ayon kay Garcia. “Umaasa ang ating alkalde na mas marami pang indibidwal na apektado ng kalamidad ang matutulungan sa pamamagitan ng TUPAD”, dagdag pa niya.
Samantala, naka-schedule na rin para sa release ng kanilang 10 day-salary ang mga traysikel at “habal-habal” drivers na lumahok sa clean-up drive laban sa dengue sa mga Purok at Sitio ng iba’t-ibang barangay sa Kidapawan City, ayon sa PESO Kidapawan. (CIO-jscj/vb)
KIDAPAWAN CITY (July 6, 2022) – GINANAP ang Oath-taking Program ng mga bagong halal na opisyal ng Pederasyon ng Kapisanan ng mga Senior Citizens ng Kidapawan City, Inc. at Barangay Senior Citizens Association o BSCA sa Kidapawan City Gymnasium noong Martes, July 5, 2022.
Nanguna sa nasabing mass oath taking si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kung saan pinasalamatan niya ang bawat Senior Citizen na dumalo at nakiisa sa mahalagang aktibidad.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Mayor Evangelista ang malaking kontribusyon ng mga senior citizens para sa kaunlarang tinatamasa ng lungsod ngayon.
Tiniyak din niya ang buong suporta sa lahat ng mga proyekto at programa para sa kapakanan ng mga lolo at lola ng lungsod.
Pinangasiwaan naman ni Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) Head Susana L. Llerin ang nabanggit na aktibidad.
Ang mga bagong halal na opisyal ng PKSCKCI ay ang sumusunod: President – Renato B. Torralba, Vice-President – Dominador G. Cabrera, Secretary – Lucy L. Occeña, Treasurer – Gloria Sarce, PIO – Lucia J. Omallano, Social Manager – Morita D. Gayotin, at Auditor – Dionesia L. Bulawan.
Kabilang naman sa Board of Trustees sina Rogelio M. Genosas, Exeqiel L. Apoluna, Carlito S. Lanaja, Mary Joeralyn F. Eda, Constancio B. Vilvestre, Arturo A. Alquiza, at Damian M. Gasatan.
Kaugnay nito, lubos ang naging pasasalamat ni PKSCKCI Outgoing President Adelaida M. Letada sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng mga senior citizen upang pamunuan ang PKSCKCI sa loob ng isang taon.
Dagdag pa ni Letada na naghahangad sya na mas lalo pang pagbubutihin ng mga bagong opisyal ang katungkulan bilang mga kinatawan ng PKSCKI at BSCA.
Samantala, dumalo naman sa naturang pagtitipon si Assistant City Social Welfare and Development Officer Amy Espinoza na nagpahayag ng kanyang paghanga sa aktibong partisipasyon ng mga senior citizen sa mga gawain ng OSCA.
Sinabi din niya na maraming programa pa ang inihahanda ng CSWDO para sa mga senior citizens.
Dumalo din sa mahalagang okasyon si City Councilor at Hon. Judge Francis E. Palmones, Jr. bilang isa mga panauhing pandangal.
Sinabi ni Palmones na tututukan nya ang mga programa para sa mga senior citizens ng lungsod at sisikaping maipagpatuloy ang mga hakbang na nasimulan nina dating City Mayor Joseph Evangelista partikular ang panukala na taasan ang halaga ng monthly pension ng mga senior citizens na una ng tinalakay ngunit naantala dahil sa COVID-19 pandemic. (CIO-vh/aa)
(KIDAPAWAN CITY – July 6, 2022) MATAGUMPAY NA isinagawa ang operational dry run at inspection para sa pagiging handang magbigay serbisyo ng Department of Foreign Affairs o DFA Consular Office Cotabato-Kidapawan.
Magkatuwang na isinagawa ng team mula sa National Economic Development Authority o NEDA, DFA at ng City Government of Kidapawan nitong nakalipas lamang na June 29-30, 2022 ang isang operational dry run at inspection upang malaman ang mga kakulangan at mapunan agad ang mga ito sa pagbubukas ng pasilidad ngayong third quarter ng taong kasalukuyan.
Bago pa man ang operational dry run and inspection ay personal munang nakipagkita ang team kay City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista kung saan nakakuha sila ng ibayong suporta mula sa alkalde.
Ang gusali ng DFA Consular Office ay ipinatayo ng City Government katuwang ang tanggapan ni Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan para bigyan ng serbisyo ang mga kababayang Overseas Filipino Workers at mga indibidwal mula sa lungsod at iba pang munisipyo na nais makakuha ng passport ganundin mga mamamayan mula sa kalapit na mga probinsiya.
Bago pa man ang naturang gawain, ay na-install na sa loob ng P25 Million DFA Consular building na matatagpuan sa dulong bahagi ng Alim Street sa may City Overland Terminal, ang mga kagamitan para sa operasyon nito.
Kinabibilangan ito ng information and communications technology o ICT equipment gaya ng laptops, desktop computers, camera, keyboard, fingerprint scanners, document scanners, signature pads , closed circuit television camera o cctv at iba pang kagamitan na nagmula sa DFA Home Office at ibinyahe patungo sa lungsod.
Inilagay naman ang mga ito sa mga passport processing counters ng DFA Consular Office Cotabato-Kidapawan.
Kasabay din nito ang pagsuri sa internet connectivity at speed assessment patungo sa koneksyon sa DFA Office of the Consular Affairs portal ang nasabing pasilidad.
Bawat computer unit ay nagsagawa ng mock pass porting activity upang malaman ang kahandaan nito na magproseso ng pasaporte.
Maayos na rin ang mismong gusali at gumagana na rin ang drainage, septic at plumbing system nito, ayon pa sa team.
Patunay lamang ito na handang -handa na ang tanggapan na tumugon at magbigay serbisyo sa oras na magbukas ito sa publiko.
Kaugnay nito ay ipinag-utos na rin ni Mayor Pao Evangelista sa City Planning and Development Office o CPDO na alalayan at ibigay ang mga kinakailangan ng DFA Consular Office Cotabato-Kidapawan para na rin sa nakatakdang pagbubukas nito para sa mamamayan. ##(CIO/PFPD-NEDA XII/jpo/lkro/jcsc/iff)
KIDAPAWAN CITY (July 4, 2022) SIMULA ngayong buwan ng Hulyo 2022 ay direkta ng makikinabang sa mga serbisyo ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan at mga partner national line agencies na nakabase sa lungsod ang mga mamamayan ng 40 barangay ng lungsod.
Mismong si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang nagpahayag nito sa kauna-unahang Flag Raising at Convocation Program ng City Government sa ilalim ng kanyang liderato nitong umaga ng Lunes, July 4, 2022.
Kaugnay into, tuwing may Barangay Foundation Day ay magsasagawa ng Serbisyo Caravan ang City Government kasama ang national line agencies sa pamamagitan ng KDAPS Program o ‘Kabaranggayan, Dad-an og Proyekto ug Serbisyo’ kung saan pagsapit ng July 29, 2022 sa foundation day ng Barangay New Bohol ay unang gagawin ito.
Layon ng KDAPS na lalo pang mailapit at maibigay ang mga programa ng pamahalaan sa mga mamamayan sa mga malalayong barangay ng lungsod ng Kidapawan.
Sa tulong ng KDAPS Program ay magiging ‘One Stop Shop’ na ang mga serbisyo gaya ng libreng birth certificate, late registration, health and social services mula sa City Health at City Social Welfare and Development, Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA mula sa City Agriculture Office at iba pang mga kahalintulad na programa, proyekto, at serbisyo mula sa mga national line agencies ang ibibigay sa mga mamamayan bilang pakikiisa sa foundation day ng mga barangay.
Isa ang KDAPS sa mga pagbabagong aasahan ng mga Kidapawenyo mula sa City Government sa pamumuno ni Mayor Pao Evangelista.
Kaugnay nito, ay tinupad din ng bagong alkalde ang kanyang pinangakong ‘tarpaulin bags’ na mula sa recycled campaign materials na nakatakdang ipamimigay sa lahat ng day care pupils ng lungsod ng Kidapawan.
Abot sa isang libong tarpaulin bags na may lamang anti-Covid19 hygiene kits ang ibibigay ni Mayor Pao Evangelista sa mga bata sa day care centers sa pagbubukas ng panibagong school year sa buwan ng Agosto 2022. ##(CIO/lkro/aca/iff)
KIDAPAWAN CITY – MISMONG si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang nanguna sa ‘Panunumpa ng Lingkod Bayan’ sa unang flag raising and convocation program ng City Government sa ilalim ng kanyang liderato.
Sabayang binibigkas ang Panunumpa ng Lingkod Bayan alinsunod sa Civil Service Memorandum Circular No. 15 na nag-uutos sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan na magbigay ng wastong serbisyo at paggalang sa publiko.
Nanguna ang bagong alkalde sa nabanggit na aktibidad sa harapan ng City Hall kung saan ay dumalo ang lahat ng opisyal at mga empleyado ng City Government, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection.
Hinikayat din ni Mayor Evangelista na maging magalang ang lahat ng opisyal at empleyado sa pakikitungo sa mamamayan na naghahangad ng serbisyo mula sa City Government dahil ito naman ang inaasahan sa kanila.
Magkakaroon na rin ng mga pagbabago sa City Government gaya na lamang ng weekly convocation program na gaganapin tuwing araw ng Lunes at Flag Retreat ceremony naman tuwing araw ng Biyernes. Layon ng mga pagbabagong ito na lalong palakasin ang serbisyo publiko sa hanay ng mga City Government employees mula araw ng Lunes hanggang matapos ang gawain sa loob ng isang linggo. ##(CIO/lkro/aca/iff)
KIDAPAWAN CITY (July 1, 2022) – PORMAL na binuksan ang Nutrition Month celebration sa Barangay Manongol, Kidapawan City na may temang “New Normal na Nutrisyon Sama-Samang Gawan ng Solusyon!”
Tampok sa akatibidad ang human breast milk extraction na nilahukan ng mga lactating mothers na handang magdonate ng kanilang breast milk para sa mga kapwa nilang mga ina na walang kakayahang magbigay ng gatas para sa kanilang mga sanggol.
Ang mga nabanggit na mga gatas na makukuha mula sa breast milk donors ay ilalagay sa freezer na may kakayahang mag-preserve ng gatas ng hanggang sa anim na buwan.
Nagbigay naman ng lecture para sa breastmilk donors si Tessa Mae Saguindan ng CHO, sa Blood Screening ay si Alexus Jane Malaluan, sa Maternal Nutritioni habang si City Nutrition
Action Officer Melanie Espinas naman ang nanguna sa usaping Infant Young Child Feeding.
Maliban sa mga breast milk donors, dumalo rin sa launching ang mga Child Development Workers, Barangay Health Workers at Barangay Midwives.
Nakiisa din sina DepEd Kidapawan Schools Division Nurses Teresita Bustamante at Maria Cristina Rico at kinatawan ng Office of the City Agriculturist na si Elpidio Gaspan, at Punong Barangay Morgan A. Melodias.
Samantala, nagbigay naman ng kanyang mensahe si Dr.Nerissa Paalan, CESU Head; kung saan binigyang-diin nya ang pangangalaga sa kalusugan at ang pagpapanatili ng wastong nutrisyon.
Dagdag pa rito ay hinimok din niya ang lahat na magpabakuna na laban sa sakit na Covid-19.
Ibinahagi naman ni Espinas ang line-up of activities para sa pagdiriwang ng Nutrition Month na kinabibilangan ng Nutri-quiz on-the-air, Online Nutri-Jingle contest, Online Buntis Tiktok Challenge, Online Nutri-Ad Contest at Gulayan sa Tugkaran.
Samantala, ang final judging naman para sa mga mananalo sa mga nabanggit na patimpalak ay gagawin sa July 25-26, 2022 at ang Culmination Program na gaganapin sa July 27, 2022 sa Kidapawan City Convention Hall. (CIO-vh/if)