Author: Ian Famulagan

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 25, 2022) – SA layuning mapahusay at mapalawak pa ang serbisyo para sa mamamayan ng lungsod, ilalaan ng City Government of Kidapawan ang abot sa P23.5M na hindi nagamit (unexpended appropriation) na pondo mula sa 20% Economic Development Fund para sa 2020-2022.

Ito ang napagkasunduan sa ginanap na City Development Council (CDC) Meeting na pinangunahan ni City Mayor Joseph A. Evangelista (CDC Chairperson)  sa Mega Tent, City Hall alas 9 ngayong umaga.

Mula sa naturang halaga na P23.5M ay ilalaan ang abot sa P4M sa street lighting project sa kahabaan ng national highway, P 6M para sa Sibawan-Mua-an Farm-to-Market Road, at para sa concreting of barangay roads ay P.13.5M na counterpart fund ng city government para sa Philippine Rural Development Projects o PRDP(8 to 10 barangays).

Nais ni Mayor Evangelista na makinabang ang mga mamamayan sa nabanggit na pondo sa pamamagitan ng reprogramming ng pondo tungo sa malinaw at makatotohanang implementasyon ng mga mahahalagang proyekto.

Dadaan naman sa pagtalakay ng Sangguniang Panglungsod ang hakbang na ito ng CDC at sa oras na maaprubahan ay agad ding sisimulan ang mga proposed projects.

Magiging bahagi naman ng flagship projects ni incoming Mayor Atty. Jose Pao Evangelista ang road concreting project kung saan target ng kanyang administrasyon na mapa-semento ang abot sa 100 meters na kalsada sa bawat barangay sa bawat taon at ang paglalagay ng mga solar lights upang ganap na magliwanag ang mga barangay.

Sa kabilang dako, naaprubahan din ang reprogramming ng pondo ng Barangay Ginatilan for CY 2022 na abot sa P200,000 para sa pagsasagawa ng road concreting project ng Purok 4 ng nasabing barangay dati ay laan para sa water system project.

Lahat ng ito ay nakapaloob sa presentation na ibinahagi ni City Planning and Development Office o CPDO Head Engr.  Divina Fuentes sa CDC meeting.

Samantala, ikinatuwa naman ng mga miyembro ng CDC ang anunsiyo ni Mayor Evangelista ang dagdag na honorarium mula P500 ay magiging P1,000 na ito bawat pagpupulong.

Pagpapakita ito konsiderasyon at pagkilala sa suporta at matibay na koordinasyon sa mga Punong-Barangay, Civil Society Organizations, at iba pang miyembro ng CDC. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 24, 2022) – ISINAGAWA ang Orientation and Organization para sa 158 na mga Person Who Used Drugs (PWUD) bilang benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development o DSWD noong Lunes, May 23, 2022.

Pinangasiwaan ito ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at ng DSWD12. Ang mga PWUD ay isa sa tatlong priority sectors ng proyekto na kinabibilangan din ng mga Solo Parents at Persons with Disability (PWD) mula sa apat na priority barangays ng lungsod na binubuo ng Poblacion, Nuangan, Mua-an, at Amas.

Layon ng programang ito na mabigyan ang mga PWUD ng pagkakataon na makapagsimulang muli at maturuan ng iba’t ibang pamamaraan upang i-manage ng maayos ang kanilang puhunan sa negosyo paghahanap na rin ng trabaho.

Sasailalim sila sa apat na sessions kabilang ang sumusunod, -Orientation and Organization, Leadership and Team Building, Financial Literacy and Entrepreneurship ng Department of Trade and Industry (DTI), at Capability Building on Occupational Safety and Health Standards and Development Values Formation na pangungunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nanguna sa orientation ang kinatawan DSWD SLP 12 na si Michael Joseph Salera. Dumalo din sa naturang aktibidad ang focal person for PWUD na si Jenny Lynne Langoyan.

Ang nabanggit na programa ay isasagawa mula May 23 hanggang July 1, 2022 sa Lungsod ng Kidapawan.

Labis naman ang tuwa at pasasalamat ng mga benepisyaryo dahil sa tulong na kanilang natanggap lalo na’t isa sila sa mga sektor na hindi masyado nabibigyan ng mga pagkakataon sa ating lipunan nitong nagdaang mga panahon.

Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang programa para sa mga PWUD dahil ito ay alinsunod naman sa Balik Pangarap Program Ng City Government of Kidapawan para sa mga dating nalulong sa droga na ngayon ay tuloy-tuloy na sa pagbabagong buhay. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 24, 2022) – MAPALAD ang abot sa 63 aplikante sa ginanap na JOB FAIR for Local Employment na isinabay sa Diskwento Caravan ng Dept of Trade and Industry o DTI noong May 20-22, 2022.

Ito ay matapos na agad silang mag qualify sa mga job vacancies na binuksan ng mga partner establishment/agencies, ayon kay Public Employment Service Officeo PESO Manager Herminia Infanta.

Kabilang naman ang mga sumusunod na mga partners ng PESO Kidapawan sa nabanggit na Job Fair – Hari Royal Marketing (2 qualified applicants), Toyota Kidapawan (15), Comcare (17), Sebo Massage (2), MDSI Midsayap (4), Gaisano Mall (19), at Sky Go Marketing (4) o 63 successful applicants mula naman sa kabuuang 131 aplikante na dumagsa sa aktibidad.

Malaking tulong ito sa mga naghahanap ng trabaho at sa local economy ayon pa kay Infanta dahil malaki ang pag-asa na sila ay makakapasok sa trabaho partikular na sa mga nabanggit na local establishments matapos na ma-comply ang mga required documents at final interview. 

Matatandaang bago lamang o nitong May 5, 2022 ay nagsagawa din ng Job Fair for local and overseas employment ang PESO Kidapawan sa pakikipagtulungan ng ilang mga local at national agencies at ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Sa naturang aktibidad ay nabigyan din ng pagkakataon ang ilang mga job seekers matapos na sila ay agad na matanggap o Hired On The Spot (HOTS) habang ang ibang applicants naman ay isinalang sa final interview. (CIO-jscj/aa/vh/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – HINIHIKAYAT NG City Government of Kidapawan ang lahat na magkaroon ng healthy lifestyle para maiwasang magkaroon ng Hypertension o High Blood pressure.

Ngayong buwan ng Mayo ay ginugunita ang National Hypertension Awareness Month kung saan nanguna ang City Health Office o CHO sa pagbibigay ng adbokasiya at impormasyon sa mga mamamayan laban sa mapanganib na sakit.

Kaugnay nito, nagbigay ang CHO ng isang lecture patungkol sa hypertension sa mga mamamayan ng Barangay Paco nitong May 20, 2022 na bahagi naman ng adbokasiya at pagbibigay ng mahalagang impormasyon.

Nabanggit sa naturang lecture na lubhang mapanganib ang hypertension o alta presyon lalo na kapag hindi naagapan o naipagamot.

Maari itong magresulta sa sakit sa puso at kidneys, stroke o pagbara ng ugat patungo sa utak na maaring ikamatay o ikaparalisa ng pasyente.

Maaring maiwasan ang pagkakaroon ng hypertension sa mga sumusunod na pamamaraan:

Ugaliing imonitor ng regular ang blood pressure na hindi lalagpas sa mahigit 120/80.

Kapag may hypertension na ang pasyente, dapat huwag kaligtaang uminom ng maintenance medicine para iwas atake.

Mas mainam na kumain ng maraming gulay, fiber, uminom ng maraming tubig at iwasan o limitahan ang karne, mga matataba at process food dahil ito ay lubhang matatamis, mamantika at maalat na maaring magpataas ng presyon ng dugo.

Iwasan din ang stress o matinding pagkapagod, pagpupuyat at mas mainam na mag ehersisyo ng tatlumpong minuto tatlo o apat na beses sa isang linggo.

Dapat magkaroon din ng tamang timbang ng pangangatawan.

Bawal din ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga taong may hypertension.

Mas madaling magkaroon ng hypertension ang mga nagkakaedad na, hindi physically active, overweight at kung may kapamilyang may hypertension.

Resource person ng aktibidad sina Honey Bee Sarillo, RN ng Human Resource for Health at si Marilou Capilitan, Nutrition Program Coordinator ng CHO kung saan ay ipinaliwanag nila ang medical at nutritional na aspeto sa pag-iwas sa hypertension.

Magkatuwang ang City Health Office at partner nitong With Love Jan Foundation Incorporated sa mga adbokasiya kontra hypertension at iba pang mga programang pangkalusugan.

Nagbibigay ng libreng gamot para sa hypertension ang With Love Jan lalo na sa mga senior citizens sa mga barangay.

Mismong ang CHO, Office of the City Mayor, at ang Office of the Senior Citizens Affairs o OSCA ang naghahatid nito sa mismong tahanan ng mga senior citizens.

Kaugnay nito ay pinapayuhan naman ang mga mamamayan na magpatingin agad sa kanilang mga rural health centers kung nakakaranas na ng simtomas ng hypertension gaya ng pananakit ng ulo, pagkahilo, paglabo ng paningin at pananamlay ng katawan ng maiwasan ang komplikasyon.

Ito ay libre kaya at dapat samantalahin na ng mga mamamayan ang panawagan. Dagdag pa SA lecture, isa ang alta presyon sa may mataas na morbidity cases o karaniwang mga sakit ng mamamayan hindi lamang sa lungsod, kung di sa buong bansa ayon pa sa CHO. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – IPINATUTUPAD na ng City Government of Kidapawan ang pagbibigay ng bagong pailaw sa iba’t-ibang mga barangay ng lungsod.

Abot sa 400 na mga Solar Lights ang nakapaloob sa unang batch ng pagbibigay pailaw lalo na sa mga malalayong barangay ng lungsod, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista.

May lakas na 100 watts ang bawat solar light kasama na ang bakal na poste ang sinimulang ilagay sa mga barangay ng lungsod nitong kalagitnaan ng buwan ng Abril 2022.

Magkatuwang ang City Engineering Office at Task Force Kahayag ng City Mayor’s Office sa pagpapatupad ng programa.

Sa ganitong paraan ay mapapailawan ang maraming komunidad partikular na sa gabi at di maantala kahit na sa panahon ng mga power interruption.

Mahalaga rin ang mga solar light dahil nakakatulong ito sa pagpapanatili ng peace and order sa mga kanayunan, dagdag pa ni Mayor Evangelista. 

Kaugnay nito, ay may dagdag pang 1,200 na mga Solar Lights ang ilalagay ng City Government sa darating na mga buwan.

Nagkakahalaga ng P8M ang naturang proyektong pailaw sa mga barangay.

Lahat ng barangay ay mabibigyang pailaw, tiniyak ni Mayor Evangelista.

Tanging gagawin lamang ng mga opisyal ng barangay na makipag-ugnayan sa City Government para mabigyan ng serbisyong pailaw sa kanilang mga komunidad, wika pa ng alkalde ng lungsod.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 18, 2022) – UPANG mabigyan sila ng wastong kasanayan sa paggawa ng tsokolate, abot sa 20 mga cacao growers mula sa lungsod ang sumailalim sa 1-day Hands-on Training on Basic Chocolate making.

Ginanap ang naturang aktibidad sa University of Southern Mindanao (USM) – Extension Service Office sa Kabacan, North Cotabato ngayong araw na ito ng Miyerkules, May 18, 2022.

Bahagi ito ng mga inisyatiba ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng Office of the City Agriculturist (OCA) na palakasin ang produksyon ng cacao at matulungan ang mga cacao growers na mas maging produktibo lalo na sa paggawa ng tsokolate.

Ibinahagi din sa kanila ang ilang mga mahahalagang konsepto sa pagbebenta at paghahanap ng market sa kanilang produkto.

Mga miyembro ng ESO Kidapawan Cacao Growers and Producers, Inc. ang mga lumahok na cacao farmers kasama ang project coordinator.

Naging resource person sa training si Ma. Joy Canolas, ang Director of Community Extension ng USM.

Sa kabilang dako, nagsagawa naman nitong nakaraang lingo ang OCA ng delivery at test run ng mga mushroom equipment na gagamitin ng mga kasapi ng Kidapawan City Mushroom Growers Association sa ialim ng Agricultural Production and Food Sufficiency Program ng City Government of Kidapawan. (CIO/jscj//photos by ESO KCGPI/OCA)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 16, 2022) –  NANAWAGAN ngayon si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa lahat ng sektor na magkaisa at magtulungan sa paglaban sa sakit na dengue.

Ito ay sa harap ng tumataas na kaso ng dengue sa lungsod kung saan mula January 1 – May 13, 2022 ay nakapagtala na ng abot sa 206 cases kumapara sa naitala noong 2021 na abot sa 18 lamang.

Katumbas naman ito ng 1,066% na pagtaas ng kaso ng dengue, kung saan dalawa na ang namatay.

Lahat ng ito ay nakapaloob sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU na inilabas bago lamang.

Limang mga barangay sa lungsod ang nakapagtala ng mataas na dengue cases at ito ay kinabibilangan ng Poblacion (54), Sudapin (26), Balindog (17), Amas (15), Lanao (15) habang ang iba pa ay nakapagtala na rin ng mula 1 hanggang dalawang kaso.

Sa ginawang Health Cluster Meeting ngayong araw na ito ng Lunes, May 16, 2022, nanawagan si Mayor Evangelista sa bawat sektor at lahat ng mamamayan na magtulungan at magkaisa sa pagsugpo sa dengue.

Ito ay sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran o ng bawat tahanan upang maiwasan ang pagkalat pa ng naturang sakit.

“Kailangan nating sugpuin ang dengue dahil mapanganib ito sa buhay ng tao at posibleng ikamatay pa kapag hindi naagapan”, sinabi ni Mayor Evangelista.

Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Joyce Encienzo na walang pinipili ang sakit na dengue. Katunayan, base sa pinakahuling CESU Dengue Bulletin ay mula 0-90 years old ang mga tinamaan ng dengue at karamihan ay nasa age bracket na 0-10 years old (median)sa lungsod.

Mas nakararami naman ang mga lalaking pasyente kumpara sa mga babae, ayon pa sa nabanggit na report.

Kaugnay nito ay ipinag-utos ni Mayor Evangelista sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO na ituloy ang ginagawang fogging lalo na sa mga highly affected areas.

Matatandaang nagsagawa ng fogging ang CDRRMO sa mga Barangay ng Poblacion, Balindog, Sudapin, Patadon kung saan may naitalang kaso ng sakit na dengue. Nakapaloob rito ang fogging sa abot sa 75 high schools at elementary schools.

Samantala, napagkasunduan din sa health cluster meeting na maliban sa free o libreng test para sa dengue patients ay may ilalaan ding financial assistance package and City Government of Kidapawan para sa mga maa-admit sa pagamutan, ayon muli kay Mayor Evangelista.

Nanawagan din ang alkalde sa mga nakakaranas ng sintomas ng dengue tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, at skin rashes na agad na magpatingin sa doctor.

Maliban rito, palalakasin din ng City Health Office ang Information, Education and Communication campaign sa mga barangay upang maiparating ng mahusay sa mga mamamayan ang tamang impormasyon patungkol sa dengue kabilang dito ang lalo na sa wastong pag-iingat, pag-iwas at sama-samang pagkilos laban sa dengue.

Nagsasagawa naman ngayon malawakang clean up drive sa mga purok sa pangunguna ng kanilang mga barangay officials.  Halimbawa nito ay ang Barangay Manongol na nagsagawa ng clean up kahapon, May 15, 2022 sa pangunguna ng mga barangay officials kasama ang mga Sangguniang Kabataan, Barangay Health Workers, at maging mga BPAT. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – BILANG TULONG NG City Government of Kidapawan at serbisyo na rin ng sector ng LGBTQ, ay isasagawa ang Libreng Gupit handog  sa publiko simula May 16 hanggang May 26, 2022.

Venue ng aktibidad ang City Convention Center sa may JP Laurel Street ng barangay Poblacion.

Bahagi ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment ang libreng gupit.

Isa ang sector ng LGBTQ na apektado ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic kaya at marapat lamang na mabigyan din sila ng tulong pangkabuhayan ng pamahalaan sa loob ng 10 araw na libreng serbisyo sa mga mamamayan ng lungsod.

Babayaran ng City Government ang kanilang sweldo sa loob ng sampung araw na trabaho, ayon pa sa Public Employment Services Office o PESO Kidapawan City.

May iba naman namang kasapi ng LGBTQ na nagsasagawa din ng libreng gupit sa ilang piling barangay ng Kidapawan City na mga beneficiaries din ng TUPAD.

Mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon ang libreng gupit.

Maliban sa LGBTQ, ay nabigyan din ng DOLE at City Government ng TUPAD livelihood programs ang mga driver ng tricycle at habal-habal sa lungsod ng Kidapawan.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 13, 2022) – ISINAGAWA ang orientation at contract signing para sa first batch ng TUPAD beneficiaries sa pangkat ng mga Skylab at Tricycle Operators sa Mega Tent ng City Hall nitong Huwebes, May 13, 2022.

Ito ay pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dinaluhan ng mga miyembro ng Magpet- Mlang -Makilala Skylab Operators Drivers Association, Inc. (KIMMMSODAI) Federation at Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association (FKITA) na binubuo ng 58 na iba’t-ibang mga asosasyon at may humigit-kumulang 1,000 na mga miyembro.

Ang mga nabanggit na mga benepisyaryo ay magtatatrabaho bilang mga Contract of Service (COS) workers sa ilalim ng Kidapawan City LGU, sa loob ng 10 araw. Tatanggap ang bawat isa sa kanila ng daily minimum wage at kailangan lamang nilang maglaan ng apat na oras bawat araw sa gawain na itatakda ng LGU.

Alinsunod ito sa DOLE Department Order No. 219, s. 2020 o “Guidelines on the Implementation of Tulong Panghanapbuhay Para Sa Ating Disadvantaged Displaced Workers o TUPAD under the Bayanihan to Recover as One Act”.

Maliban sa mga nabanggit na benepisyo ay may accident insurance coverage din sila sa ilalim ng GSIS na di bababa sa P5,000 na medical reimbursement at P50,000 na death claim.

Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang pakikiisa ng mga Skylab at Tricycle Operators dahil malaking tulong ito para sa mga drivers at kanilang pamilya.

Dumalo sa naturang aktibidad ang kinatawan ng DOLE na si Engr. Jayson Aro at si PESO Manager Herminia Infanta.

Inaasahan naman ang mas marami pang mga benepisyaryo sa pangalawang batch ng kaparehang aktibidad.

Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa naturang programa lalo na at napapanahon ang tulong na ito sa gitna ng pandemya ng COVID19 at patuloy na pagtaas ng mga presyo ng petrolyo at diesel. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – PINURI KAPWA NG World Health Organization -WHO Western Pacific Region at ng United Nations International Children’s Emergency Fund o UNICEF ang matagumpay na vaccination roll out kontra Covid19 na ipinatutupad ng City Government of Kidapawan.

Resulta ito sa nasaksihan at nalaman na mga ‘good vaccination practices ng City Government’ ng mga kinatawan mula sa WHO at UNICEF sa kanilang ginawang Covid Vaccine Post Introduction Evaluation sa lungsod kahapon, April 20, 2022.

Personal na ipinaabot ng team mula sa WHO at UNICEF ang pagbibigay puri kay City Mayor Joseph Evangelista at sa mga Local Health Officials ng City Government sa matagumpay na pagpapatupad ng pagbabakuna kontra Covid19 na anila, ay dapat ding pamarisan ng iba pang Local Government Units ng bansa na kung saan ay nananatiling mababa ang vaccination rate sa kasalukuyan.

Napatunayan ng WHO at ng UNICEF ang husay ng sistema ng City Government of Kidapawan sa Covid19 Vaccination matapos na manguna ang lungsod sa may pinakamataas na vaccination rate sa buong SOCCSKSARGEN o Region XII na lagpas sa 90%.

Ibig sabihin nito ay abot sa 9 mula sa 10 ang bilang ng mga bakunado sa Kidapawan City laban sa Covid19 na lubhang napakataas kung ikukumpara sa iba pang mga lugar sa Lalawigan ng Cotabato at sa buong Rehiyon dose.

Ipinaliwanag ng personal ni Mayor Evangelista ang maayos na sistema kung bakit nakamit ng lungsod ang napakataas na vaccination rate at kung papaanong nakontrol ng City Government ang pagtaas ng kaso ng sakit sa team ng WHO at UNICEF.

Ilan lamang dito ay ang pagbibigay ng food assistance sa mga magpapabakuna, pagbibigay insentibo sa mga tsuper ng tricycle at pampublikong sasakyan na maghahatid sundo sa mga vaccinees patungo sa mga vaccination hubs, clustering ng mga barangay kung saan ay inilapit ang vaccination sa mga mamamayan, pagbibigay cash assistance sa mga magkakasakit ng covid, partnership sa mga pribado at pampublikong ospital para maipagamot ang mga nagkasakit ng covid, agarang paglalagay ng isolation at quarantine facilities, mahigipt na pagpapatupad ng mga quarantine protocols at ang pagbabakuna sa mga bata edad 5-11 at 12-17 years old.

Ang magkatuwang na WHO at UNICEF team ay kinabibilangan nina Dr. Sukadeo Neupene, Dr. John Manuel Flores, Mr. Woody Apa, Mr. Albert John Enrico Dominguez, Mr. Juan Paolo Tonolete at mga kinatawan ng DOH Region XII at ng Cotabato Provincial Integrated Health Office.

Kanilang sinuri ang mga dokumentong inihanda ng City Government kaugnay ng pagbabakuna, random interview sa ilan sa mga nabakunahan sa mga barangay, at on-site documentation sa ginagawang pagbabakuna ng City Government.

Ang mga Covid19 vaccination good practices ng City Government of Kidapawan ay irerekomenda nila sa iba pang mga LGU o maging sa iba pang mga bansa na kanilang pupuntahan upang makamit na ang tuluyang pagkontrol sa dami ng nahahawaan ng Covid19, pagtitiyak pa ng WHO at UNICEF. ##(CIO)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio