Author: Ian Famulagan

You are here: Home


thumb image

Mayor Evangelista nag-abot ng P100K cash assistance sa 103 taong gulang na centenarian

KIDAPAWAN CITY – PERSONAL NA INIABOT NI City Mayor Joseph Evangelista at ng DSWD ang P100,000 cash assistance kay Ginang Edem Date Sumalnap, edad 103 years old bilang parangal sa kanyang naabot na edad.

Residente ng Barangay Manongol ang nabanggit na centenarian, ayon na rin sa City Social Welfare and Development Office.

Ipinanganak noong March 15, 1915 sa isang sitio ng kasalukuyang Barangay Bacong sa Bayan ng Tulunan ang Ilokana-B’laan na si Ginang Sumalnap.

Nag-usap sila ni Mayor Evangelista sa salitang Ilokano kung saan sinabi niya ang kanyang sikreto sa pag-abot ng kanyang edad.

Halos araw-araw na pagkain ng gulay at gawaing bahay ang sikreto niya sa pagkaka-abot ng isangdaan at tatlong taon, pagbubunyag pa ng centenarian sa alkalde.

Sinabi din niya kay Mayor Evangelista na gagamitin niya ang P100,000 para sa pagsasa-ayos ng kanyang bahay sa Barangay Manongol.

Bago ang pagbibigay ng P100,000 ay may personal na liham din siyang natanggap mula naman kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagkilala sa kanyang naabot na milestone.

Kagaya ni Mayor Evangelista, ipinapaabot ng Pangulo ang pagpupugay at pagdarasal para sa marami pang taon ng kanyang buhay.

Ginanap ang simpleng programa at turn-over ng cash assistance January 16, 2019 pasado alas otso ng umaga sa lobby ng City Hall.##(CIO/LKOasay)

thumb image

Listahan ng mga botante ilalabas na bago matapos ang Enero 2019

KIDAPAWAN CITY – IPAPALABAS na ng City Comelec ang opisyal na listahan ng mga rehistradong botante sa lungsod bago matapos ang Enero 2019.

Ito ay kinumpirma mismo ni City Election Officer Diosdado Javier ng tanungin ukol sa mga ginagawang paghahanda ng kanyang opisina sa Mid Term Elections sa Mayo 2019.

Makatutulong ang listahan para malaman ng mga voters kung saang presinto sila buboto sa eleksyon, wika pa ni Javier na bago lang muling itinalaga sa Comelec Kidapawan City.

Ang nakalimbag na listahan ng botante ay ipapaskil ng Comelec sa labas ng kanilang opisina sa likurang bahagi ng City Gymnasium.

84,651 ang opisyal na bilang ng rehistradong botante sa Kidapawan City kung saan ay hinati sa 110 precincts ang apatnapung barangay nito, ayon na rin sa datos ni Javier.

Dahil nagsimula na rin ang Election period noong January 13, 2019, may mga panuntunan na dapat sundin ang lahat ng mga kumakandidato sa iba’t-ibang posisyong lokal pati na rin ang mga botante.

Una na rito ang pagbabawal sa pagdadala ng baril o ano mang uri ng sandata alinsunod na rin sa pinaiiral na Comelec Gun Ban.

May inilagay na check points ang PNP at AFP para sa pagpapatupad ng gun ban, wika pa ng opisyal.

Pwedeng maglagay ng posters ng pagbati ang mga kumakandidato basta’t hindi nakalagay ang “vote for” para sa kanya.

Ganito rin ang panuntunan kung gumagamit ng Facebook o alin mang social media ang kumakandidato, paliwanag pa ni Javier.

Magsisimula ang campaign period para sa mga national candidates sa Pebrero 12 habang Marso 30 naman sa local positions.

Mula Enero 12 hanggang Hunyo 12, 2019 ang election period. ##(CIO/LKOasay)

thumb image

PRC Mobile Services muling gagawin sa lungsod sa January 28-Feb 8, 2019

KIDAPAWAN CITY – MULING GAGAWIN ANG Professional Regulations Commission PRC Mobile Services sa lungsod sa January 28- February 8, 2019.

Kinumpirma mismo ni City Mayor Joseph Evangelista ang nabanggit na development matapos siyang dumalaw sa PRC Manila patungkol sa Mobile Services.

Tatanggap ng mga kliyente ang PRC sa mga petsang nabanggit kasali na ang weekends.

Muling gagawin ang Mobile Services sa PRC Satellite Office sa City overland Terminal.

Ngunit, pinapayuhan ang lahat na mag on line registration muna bago pupunta sa PRC Mobile Services.

Hinggil naman sa naka schedule na Licensure Examination for Teachers sa March 24, 2019, extended ang filing ng applications for exams sa PRC Mobile Services.

Isa ang Kidapawan City sa mga testing centers ng LET sa petsang nabanggit.

Mangyaring makipag ugnayan lamang sa Opisina ng City Overland Terminal sa telepono bilang (064)572-7048 o di kaya ay bisitahin ang Kidapawan City information Office Facebook page.

Bukas mula 8am-5PM ang PRC Mobile Services.##(CIO/LKOasay)

thumb image

Insurance para sa pasahero mandatory na sa mga operators ng tricycle ngayong 2019

KIDAPAWAN CITY –MANDATORY NA SIMULA NGAYONG 2019 para sa lahat ng tricycle operators na kumuha ng insurance para sa kanilang mga pasahero.

Direktiba na rin ng City Tricycle Franchising Regulatory Board o CTRFB ang pagbabago.

Layun nito na ma-protektahan ang mga pasahero kung sakaling maaksidente ang kanilang sinasakyan na tricycle habang bumibyahe.

Sa pamamagitan nito ay may ayudang aasahan ang pasahero dahil mismong operator ang mananagot sa kanyang pagpapagamot bunga ng pagkaka-aksidente.

Ang insurance ay isa lamang sa rekisitos para makapag-renew ng permit to operate ang mismong operator o driver.

Sa January 15, 2019 na lamang ang huling deadline ng seminar sa tinatayang mahigit sa pitong daang operators at drivers na hindi pa sumasailalim sa seminar ng renewal ng kani-kanilang permit to operate.

Una ng isinagawa ang seminar noon pang December 4-7, 2018.

Gaganapin ang huling seminar ganap na ala-una ng hapon sa City gymnasium sa January 15, 2019.

Saka naman isasagawa ang inspection ng mga units ng tricycle upang malaman kung ligtas bang bumiyahe ang mga ito at sumusunod na itinatakda ng tricycle ordinance ng lungsod.

Tatlong libo at limang daan ang kabuo-ang bilang ng mga lehitimong operators ng tricycle na bumibyahe sa Kidapawan City. .##(CIO/LKOasay)

thumb image

 

Business One Stop Shop ng City Gov’t bukas kahit Sabado, Linggo at holidays

KIDAPAWAN CITY – BUKAS SA MGA ARAW NG Sabado, Linggo at holidays ang Business One Stop Shop o BOSS ng City Government.

Ipinag-utos ni City Mayor Joseph Evangelista na magbigay serbisyo ang iba’t-ibang tanggapan ng Lokal na Pamahalaan sa mga araw na nabanggit upang masegurong mapapadali ang renewal ng business permits and licenses ng mga nagnenegosyo para sa taong 2019.

Nasa City Gymnasium ang venue ng BOSS kung saan ay dito na ang processing ng mga business permits and licenses mula sa pag-fill up ng Business Application form; pagkuha ng cedula; clearances gaya ng fire, barangay at sanitation; assessment kung magkano ang babayaran ng business owner; zoning at building permit; at iba pang kahalintulad na transaction.

Magiging mabilis na ang pagpo-proseso ng business permit lalo pa at dinidikta ng National Government sa lahat ng Local Government Units na dapat ay hindi na lalagpas pa ng tatlong araw ang tagal ng processing.

Bukas ang BOSS 8AM-5PM mula January 3-20, 2019.

Wala ng palugit pang ibibigay ang City Government pagkatapos ng deadline.

Pwede pa rin namang magrenew ang mga dati ng business owners and operators ngunit may penalidad na silang babayaran kapag lumagpas sa itinakdang deadline. ##(CIO.LKOasay)

thumb image

PRESS RELEASE

December 28, 2018

Drop out rate sa public schools bumaba-Mayor Evangelista

KIDAPAWAN CITY-MULA SA MAHIGIT PITONG DAANG Drop Outs sa Public Schools noong 2017-2018, naibaba na ito sa pitumpo at pito ngayong school year.

Mismong si City Mayor Joseph Evangelista ang nagkumpirma nito sa kanyang taunang State of the Children’s Address kamakailan lang.

Ito ay bunga na rin sa pagbibigay halaga ng kanyang liderato sa kapakanan ng mga batang nag-aaral sa public schools.

Nakatulong na maibaba ang drop out rate ang P300 PTA subsidy mula sa City Government.

Naglaan ng mahigit sa P12 Million ang City Government para dito.

Halos nailibre na nito ang pag-aaral ng mga bata mula kindergarten hanggang high school sa mga pampublikong paaralan.

Magpapatuloy ang PTA subsidy sa hinaharap wika pa ni Mayor Evangelista.

Dagdag pa rito ang supplemental feeding program na nakatulong naman sa kalusugan ng mga bata.

Sa pamamagitan ng programa ay napakain ng masusustansyang pagkain ang mga bata bagay na nakatulong sa kanila na maisaayos ang performance sa paaralan at tamang paglaki.##(CIO/LKOasay)

Photo Caption – STATE OF THE CHILDREN’S ADDRESS: December 18, 2018 ng ibigay ni City Mayor Joseph Evangelista ang kanyang taunang State of the Children’s Address. Dito iniulat ng alkalde ang mga programang naipatupad para sa kapakanan ng mga bata sa lungsod kasali na rin ang kanyang mga plano sa hinaharap para maitaguyod ang mga programang pambata.(CIO Photo)

thumb image

PRESS RELEASE

December 28, 2018

January 15, 2019 huling palugit sa seminar ng mga operator at tsuper ng tricycle

KIDAPAWAN CITY – HANGGANG JANUARY 15, 2019 na lamang ang palugit na ibinibigay ng City Government sa lahat ng hindi pa nakaka seminar na operator at tsuper ng tricycle.

Una ng isinagawa ang seminar simula December 4-7, 2018.

Pangunahing rekisito para sa renewal ng permit to operate ng tricycle ang seminar, ayon pa sa City Tricycle Franchising Regulatory Board o CTFRB.

Para sa kaalaman ng mga operator at driver, mangyaring dalhin ang original at photocopy ng franchise, OR/CR ng motor at professional driver’s license ng driver sa seminar.

Magkatuwang ang CTFRB at Traffic Management Unit sa naturang aktibidad.

Pagkatapos ng seminar ay isasailalim sa masusing inspection ang bawat tricycle upang malaman kung ito ba ay ligtas bumiyahe at sumusunod sa palisiya ng City Government.

Kinakailangan din na kulay off white ang unit alinsunod na rin sa Unified Color Coding Scheme na ipatutupad na sa lahat ng tricycle sa lungsod pagsapit ng taong 2020.##( LKOasay)

Photo Caption – UNIFIED COLOR CODING SCHEME SA 2020: Dapat kulay ‘off white’ na ang lahat ng tricycle na bumibyahe sa lungsod pagsapit ng taong 2020.Ito ay pangunahing rekisito bago makapag-renew ng permit ang operator at driver ng tricycle.(CIO Photo)

thumb image

PRESS RELEASE

December 27, 2018

Kidapawan City athletes tumanggap ng training allowances mula sa City Government

KIDAPAWAN CITY – BINIGAY na ng City Government ang November-December allowances ng mga manlalaro ng Kidapawan City Team na lalahok sa Regional Meet sa buwan ng Pebrero 2019.

Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista ang allowances ng mga atleta at ng kanilang mga coaches December 27, 2018 sa isang simpleng seremonya sa City Gymnasium.

Bahagi ng One City, One Team One Goal Sports Development Program ang pamimigay ng allowances bilang solidong suporta sa mga manlalaro at coaches na kakatawan sa Kidapawan City sa mga Sporting events.

Isang libong piso o P500 sa buwan ng Nobyembre at Disyembre ang halaga ng ayudang tinanggap ng mga atleta at coaches.

Una na nilang tinanggap ang P500 na monthly allowance noong Oktubre 2018.

May ibinigay din ang City LGU na mga bagong ‘training uniforms at sports equipments’ na gagamitin ng mga manlalaro habang nagsasanay para sa Regional Meet.

Saka naman ibibigay ang mga bagong ‘actual uniforms’ bago pa man tumulak ang Kidapawan City Team sa Regional Meet.

527 ang kabuo-ang bilang ng mga atleta ng Kidapawan City na maglalaro sa labinlimang events sa SOCCSKSARGEN Regional meet sa Pebrero 17-23, 2019.

Host ng Regional Meet ang Kiamba Saranggani Province at General Santos City.

Kumpiyansang mahihigitan ng Team ang seventh place finish na nakamit nito sa Regional Meet 2018.##(CIO/LKOasay)

Photo caption – BAGONG UNIPORME AT SPORTS EQUIPMENT BINIGAY NG CITY GOVERNMENT SA MGA MANLALARO NG KIDAPAWAN CITY – Iniabot ni City mayor Joseph Evangelista(orange shirt) at DepEd Schools Division Head Romelito Flores(red shirt) ang bagong training uniform at sports equipment sa isang atleta at kanyang coach na gagamitin nila sa paghahanda sa gaganaping Regional Meet sa February 17-23, 2018 sa Lalawigan ng Saranggani.(CIO Photo)

thumb image

PRESS RELEASE
December 17, 2018

Sen. Zubiri magbibigay ng P2.5 M para sa itatayong Tribal Hall and Training Center

KIDAPAWAN CITY – P2.5 Million na karagdagang pondo para sa itatayong Tribal Hall and Training Center ang tatanggapin ng mga tribo mula kay Senator Juan Miguel Zubiri.

Inanunsyo ni City Mayor Joseph Evangelista ang naturang development sa Christmas Party ng mga IP Women Federation at IP leaders ng Kidapawan City December 14, 2018.

Mismong opisina ng butihing Senador ang tumawag at nagkumpirma kay Mayor Evangelista na magbibigay ito ng tulong pinansyal para sa itatayong pasilidad na magagamit ng mga indigenous people.

Dagdag na ang pondo ni Zubiri sa isang milyong pisong una ng inilaan ni Mayor Evangelista para sa pagtatayo ng gusali na matatagpuan sa bahagi ng City Plaza.

Sa halip na isang palapag lang na unang pinlano ng alkalde, magiging dalawang palapag na ang Tribal Hall and Training Center sa tulong na rin ng senador.

Dahil dito ay mas mabibigyang serbisyo pa ng gusali ang mga tribong pupunta sa lugar.

Sa kaugnay na balita, namigay na rin ng pamasko si Mayor Evangelista sa mga IP tribal chieftains at women leaders na dumalo sa okasyon.

Tumanggap sila ng mga gift certificates mula sa City Government.

Pasasalamat na rin ito ni Mayor Evangelista sa mga mahahalagang kontribusyon ng tribo partikular ang pagkaka-tanggap ng lungsod ng Seal of Good Local Governance o SGLG mula sa National Government sa tatlong magkakasunod na taon. ##(CIO/LKOasay)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio