Author: Ian Famulagan

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 9, 2022) – MAGPAPALABAS ng isang Executive Order si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista hinggil sa energy conservation measures na ipatutupad ng City Government.Layunin ng EO na gawing maayos at tama ang paggamit ng kuryente sa mga opisina at tanggapan ng City Government pati na rin ang gasolina sa mga sasakyan nito ng mabawasan ang negatibong epekto sa kapaligiran, alinsunod na Rin sa isinasaad ng Republic Act number 11285 o ang Efficient Energy Conservation Act. “Makakatulong ang wasto at matipid na paggamit ng nako-konsumong kuryente at gasolina ng City Government hindi lamang sa environmental protection, kundi para mababawasan din nito ang bayarin natin sa kuryente at gasolina na pwede nating ilaan sa iba pang makahulugang programa at proyekto ng City Government”, ayon pa kay Mayor Evangelista. Sa pamamagitan nito ay mahihikayat din ang mga Kidapawenyo na maging conscious at aware sa matipid at wastong paggamit ng kuryente lalo na at tumataas na rin ang singil nito sa kasalukuyan. Sa ilalim ng batas, mandato para sa bawat Local Government Unit na ipatupad ang RA 11285 sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang Energy Efficiency Conservation o EEC Officer na tututok sa implementation ng batas sa level ng City Government.Sa ilalim ng EO na ipapalabas ni Mayor Evangelista, tungkulin ng EEO Officer na gumawa ng monthly report sa pamamagitan ng monthly inventory ng kuryente at gasolinang nakokonsumo ng City Government at magrekomenda sa City Mayor sa kung papano ito mababawasan at magagamit ng wasto habang nagbibigay serbisyo publiko sa lahat. Isusumite ang nasabing monthly report sa Office of the City Mayor at maging sa Department of Energy o DOE base na rin sa itinatakda ng RA 11285. Bagama’t ipapatupad pa ang nasabing EO, pansamantala munang itatalaga ang General Services Office o GSO sa implementation ng Energy Efficiency and Conservation sa mga tanggapan at pasilidad na pinatatakbo ng City Government.May kautusan man o wala, hinikayat naman ang mga opisyal at empleyado ng City Government na gawin ang wasto at pagtitipid sa konsumo ng kuryente sa kanilang mga opisina na bahagi ng efficient energy conservation efforts nito sa kasalukuyan, paliwanag pa ni Mayor Evangelista. ##(CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 9, 2022) – BILANG pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-122 Anibersaryo ng Civil Service Commission o CSC ngayong buwan ng Setyembre, ginanap ang isang bamboo planting activity sa bahagi ng Barangay Sumbac, Kidapawan City 5:30 ng madaling-araw ngayong Biyernes, September 9, 2022.

Kinabibilangan ng mga personnel ng City Government of Kidapawan bilang volunteers sa pangunguna ng Human Resource Management Office o HRMO, City Environment and Natural Resources o CENRO at City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO kasama ang iba pang mga tanggapan.

Ayon kay HRMO Head/Officer Maria Magdalen Bernabe, sabay-sabay na tinungo ng abot sa 100 na mga empleyado ang tabing-ilog na dumadaloy sa Barangay Sumbac mula sa Lika River ng Barangay Lika hanggang sa bahagi ng Barangay Poblacion, Kidapawan City.

Pagpapakita ito ng suporta at pakikiisa sa month-long celebration ng CSC 122nd Anniversary ng Philippine Civil Service na nagsimula noong Sep 2, 2022 sa pamamagitan ng “Race to Serve: Fun Run 2022” at kick-off ceremony sa City Hall lobby.

Nakapaloob ang aktibidad sa Riverbank Rehabilitation Development Project na naglalayong protektahan ang ilog at ang mga naninirahan malapit sa lugar laban sa flashfloods at landslides, sinabi ni CENRO Head/Officer Edgar Paalan.

Abot naman sa 500 iron bamboo strips ang matagumpay na naitanim ng mga empleyado sa tabing-ilog na dumadaloy sa Barangay Sumbac na konektado sa Lika River sa bayan ng M’lang, Cotabato at dumadaloy hanggang sa bahagi ng Poblacion, Kidapawan City, ayon kay CDRRM Officer Psalmer Bernalte.

Hindi naman magtatapos sa pagtatanim ang naturang aktibidad dahil babalikan ito ng mga volunteers sa takdang panahon at tityaking mabubuhay ang kanilang mga itinanim na iron bamboo at di masasayang ang kanilang pagsisikap na protektahan ang kalikasan.

Sa kabuuan ay naging maayos at makabuluhan ang aktibidad kung saan ipinakita ng mga empleyado ng City Government of Kidapawan ang mabuting halimbawa o gawain bilang kawani ng pamahalaan at ang kanilang mainit na suporta sa mga adhikain ng Civil Service Commission o CSC. (CIO//-iscj/if/vb/aa)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (September 6, 2022) –PORMAL ng binuksan sa publiko ngayong araw na ito ng Martes, Sep 6,2022 ang libreng Wifi sa Kidapawan City Plaza.

Layon ng hakbang na ito na magkaroon ng libreng access ang mga namamasyal sa City Plaza lalo na ng mga estudyante na walang internet connection sa kanilang tahanan na makapag-research at makatulong sa nagpapatuloy na face-to-face classes, ayon Kay Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista.

Mayroong apat na itinalagang Wifi stations sa loob ng City Plaza na kinabibilangan ng LUNTIAN KIDAPAWAN 1, LUNTIAN KIDAPAWAN 2, LUNTIAN KIDAPAWAN 3, at LUNTIAN KIDAPAWAN 4.

Kailangan lamang i-click ang Wifi network na pinakamalakas ang signal at mag log-in na.

Nilagayan naman ng limit ang paggamit ng bawat indibidwal /bawat gadget ng hanggang isang oras bawat araw upang mabigyan din ang ibang namamasyal ng pagkakataong gumamit ng naturang mga Wifi. (CIO-vh/jscj)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (Sep 5, 2022)– PORMAL ng nagbukas sa publiko ang Department of Foreign Affairs – Kidapawan Consular Office ngayong araw ng Lunes, September 5, 2022.

Pinangunahan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at mga opisyal ng DFA, National Economic Development Authority, Cotabato 2nd District Congressional Office, Cotabato Provincial Government, at City Government ang ginanap na opening at blessing ng bagong gusali na matatagpuan sa Alim Street, Barangay Población katabi lamang ng City Overland Terminal.

Itinayo ang DFA Consular Office sa pamamagitan ni former City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd District Senior Board Member Joseph Evangelista at Cotabato 2nd Congressional District Representative Rudy Caogdan, DFA, NEDA Regional Development Council XII at Ng Dept. of Public Works and Highways o DPWH.

“Malaki ang pakinabang ng DFA Consular Office dahil hindi lamang nito matutulungan ang mga kababayan nating nangangailangan ng passport at iba pang serbisyo ng DFA, kungdi, makakatulong din ito na mabuksan ang Kidapawan City sa larangan ng tourism and investment na magbibigay ng dagdag na kaunlaran sa lungsod”, ayon kay Mayor Pao Evangelista.

Bukas na para magbigay ng serbisyo ang DFA Kidapawan Consular Office simula ngayong araw na ito pero kailangang online ang magiging appointment ng mga kliyente.

Panauhing pandangal ng okasyon sina DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Jesus Domingo, DFA Asst. Secretary for Consular Affairs Henry Bensurto, Jr. at si NEDA 12 Regional Director at Chair ng Regional Development Council Teresita Socorro Ramos.

Pinuri ng nabanggit na mga opsiyal ang ginawang inisyatibo ng mga local officials sa pamumuno nina BM Evangelista at City Mayor Evangelista na nagkaisa at nagtulungan upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng DFA Consular Office.

Maliban pa sa passporting services, magbibigay din ng assistance to nationals and distressed Overseas Workers, at Civil Registry para ma-update ang status ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, ayon naman kay USEC Domingo.

Malaking tulong din ang DFA Consular Office Cotabato -Kidapawan lalo na sa mga Overseas Workers ng Kidapawan at Cotabato province na siyang pinakamaraming bilang sa buong SOCCSKSARGEN Region, sinabi naman ni NEDA 12 Director Socorro-Ramos.

Bukas para magbigay ng serbisyo ang pasilidad para sa mga taga lungsod at mga karatig bayan sa lalawigan ng Cotabato at kalapit na mga rehiyon mula araw ng lunes hanggang biyernes , sinabi ni DFA Consular Office Cotabato – Kidapawan Head Nadjefah Acampong – Mangondaya.

Binasbasan naman ni Rev Fr. Jay Virador, OMI ang bagong gusali bago ito opisyal na nagbukas para bigyang serbisyo ang unang 30 na mga walk-in-clients na nag-aaply online para makatanggap o makapag-renew ng pasaporte. ##(CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – September 5, 2022 SUMAILALIM sa Seal of Good Local Governance o SGLG National Evaluation ang City Government of Kidapawan ngayong araw ng Lunes, September 5, 2022.

Layuninng evaluation na masukat ang kagalingan o kahusayan ng City Government sa maayos na pamamahala at pagbibigay ng serbisyo publiko sa mamamayan, pagpapatupad ng mga programa at proyekto, at pangangalaga at wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Kinakailangang makakuha ng mataas na marka ang City Government sa apat na mga SGLG core areas gaya ng financial administration, disaster preparedness, social protection, at peace and order.

Samantala, dapat maipasa din ng City Government ang isa sa alin mang dagdag na core areas na mga sumusunod upang makamit ang selyo ng mabuting pamamahala gaya ng business friendliness and competitiveness; tourism, culture and the arts; at environmental protection.

Bagama’t Hall of Famer na ang Kidapawan City sa SGLG award matapos nitong mapagawaran ng SGLG sa apat na magkakasunod na taon mula 2017-2020, nais pa rin ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na makamit ito sa ikalimang pagkakataon magkasunod limang taon.

“Hindi lamang ito accomplishment ng ating mga local officials, ngunit pati na rin ng lahat ng mga kawani o empleyado na nagtulong-tulong para makamit ang SGLG”, pahayag ni Mayor Evangelista.

Mga National Evaluators ng Department of Interior and Local Government kabilang DILG Region 3 ang magsasagawa ng evaluation kung saan ay kanilang kakapanayamin ang mga Department Heads ng City Government of Kidapawan at susuriin na ang mga reports at mga  dokumentong may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga nasabing core areas ng SGLG.

Kung papalaring makuhang muli ang SGLG sa ikalimang magkasunod na taon, mabibigyan ulit ng proyekto ang City Government mula sa DILG sa pamamagitan ng Performance Challenge Fund at patio na technical assistance para sa pagpapatupad ng mga pangunahing programa at proyektong makakatulong na mai-angat ang kabuhayan ng mga mamamayan ng Kidapawan City.##(CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY September 2, 2022 PORMAL ng sinimulan ang pagdiriwang ng  ika -122 Civil Service Month sa Lungsod ng Kidapawan. 

Ginugunita ng pagdiriwang ang kahalagahan ng serbisyo sibil o pagbibigay ng serbisyo publiko ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan para sa mga mamamayan.

Nagsimula ang pagdiriwang ng CS Month 2022 na may temang : “Transforming Public Service in the Next Decade, Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes” sa pamamagitan ng Zumba at Fun Run Race to Serve 2022 na nilahukan ng about sa 831 runners mula sa local government, state university at government line agencies na nakabase sa lungsod ng Kidapawan umaga nitong Biyernes, September 2, 2022 sa tapat ng City Hall.

Panauhing pandangal ng aktibidad si Civil Service Commission 12 Director IV Resurreccion Pueyo na siyang opisyal na nagbukas ng Kick Off Program samantalang ipinaliwanag naman ni Cotabato CSC Field Office Director Glenda Foronda – Lasaga ang rationale ng aktibidad ng CS Month.

Sa kanyang mensahe na ipinarating sa pamamagitan ni Acting City Administrator Janice V. Garcia, ipinaala-ala ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa lahat ng kapwa niya opisyal at mga empleyado ng City Government na maglingkod ng may buong katapatan at kahusayan sa mamamayan sa lahat ng pagkakataon.

Dagdag pa rito ang pagiging mabuting halimbawa sa lahat sa pamamagitan ng kagandahang asal sa pakikiharap sa mamamayan at pagkakaroon ng simpleng pamumuhay alinsunod na rin sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Government Officials and Employees.

Maliban pa sa Zumba at Fun Run Race to Serve, magsasagawa din ng ilan pang aktibidad ang City Government of Kidapawan sa buwan ng Serbisyo Civil.

Sa darating na September 9, 2022 ay gagawin ang isang bamboo Planting Activity ganap na 5:30 ng umaga ang mga opisyal at kawani ng City Government sa Barangay Sumbac bilang kontribusyon sa pangangalaga sa kalikasan.

Isasagawa naman ng City Human Resource Management Office ang Paglinang ng Yamang Tao o orientation para sa mga ‘newly hired employees’ ng City Government sa darating na September 23, 2022 alas 9:00 ng umaga.##(CMO-cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 31, 2022) – IPINAGDIWANG ng Kalipunan ng Liping Pilipina – Nasyonal, Inc. o KALIPI sa Lungsod ng Kidapawan ang kanilang ika-22 taon o anibersaryo ngayong araw na ito ng Huwebes, August 31, 2022 kung saan humigit-kumulang sa 400 kababaihan ang nakiisa sa aktibidad na ginanap sa City Gymnasium.

Sa temang “Babae Ako, Kakayahan Ko, Kailangan ng Bayan Ko” ay isinagawa ang iba’t-ibang aktibidad na makatutulong sa pag-unlad mga miyembro tulad ng simple bookkeeping workshop, seminar on mental health wellness, ganundin ang pagpapakita ng kakayahan sa pagsayaw ng modern song and dance (KALIPI Linangkob at Balindog Chapters) intermission and contest at parlor games.

Nagbigay ng kanyang welcome address si Assistant City Social Welfare and Development Officer Aimee S. Espinosa, RSW habang ipinakilala naman ni KALIPI Federation President Clarita L. Bringas ang mga panauhing pandangal kabilang sina Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista at Senior Board Member Joseph A. Evangelista.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Evangelista ang malaking papel ng mga kababaihan at ang kahalagahan ng pagkakaisa upang makamit ang layunin ng samahan. Malugod din niyang ibinahagi sa mga miyembro ng KALIPI na suportado niya ang mga programa at proyekto na ang mga livelihood o income generating projects para sa mga kababaihan.

Naging resource person naman si DSWD 12 Project Development Officer Michael Joseph Salera at nagbigay ng lecture sa mga kababaihan kasabay ang paghikayat sa kanila na pagbutihin ang mga proyektong natanggap mula sa pamahalaan.

Naging bisita din ng okasyon si Kidapawan City Vice Mayor Melvin Lamata, Jr. at ang mga City Councilors na sina Rosheil Gantuangco-Zoreta, Galen Ray Lonzaga, Airene Claire Pagal, Judith Navarra, at Michael Ablang.

Naging Board of Judges naman sina PDO Salera, Janika Erikka Navaja, RSW; at Geraldine Domantay, RPM sa mga patimpalak.

Lahat sila ay nagpahayag ng suporta sa samahan upang mapatatag pang lalo ang mga kababaihan at maging mas mahusay na instrumento para sa kaunlaran ng lungsod at ng lalawigan sa pangkalahatan. (CIO- jscj//if/vb)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 30, 2022) – UPANG ganap na maihanda ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan o SK sa pagharap sa iba’t-ibang hamon at pagsubok, sumasailalim sila ngayon sa 3-day Peer Counselor’s Training sa City Convention Center mula August 29-31, 2022.

Ayon kay SK Kidapawan Federation President Cenn Teena Taynan, mahalaga ang mga bagay na matututunan ng mga kabataan sa naturang training dahil magiging gabay nila ito sa pagpapatakbo ng kanilang samahan at maging ng kani-kanilang personal na buhay.

Nakapaloob sa 3-day training ang mga sumusunod – Adolescent and Reproductive Health, Mental Health, STI/HIV and AIDS, Sex, Gender, and Sexuality, “Usapang Barkadahan”, Integrated Counselling, at Preparation of Adolescent Health Development Plan o AHDP na inaasahang mabubuo nila bilang output sa susunod na mga araw.

Lahat ng ito ay kapaki-pakinabang para sa SK kung saan mas magiging handa sila para gampanan ang tungkulin bilang mga kabataang lider, dagdag pa ni Taynan.

Nagmula naman sa iba’t-ibang secondary at tertiary schools ang mga partisipante na kinabibilangan ng Colegio de Kidapawan, Kidapawan Doctors College, Inc., St. Mary’s Academy of Kidapawan, Spottswood National High School, Saniel Cruz National High School, Linangkob National High School, Singao Integrated School, at Perez National High School.

Kabilang sa mga resource persons at facilitators ng 3-day training sina Population Commission Office o POPCOM Coordinator Virginia Ablang, Leicel Siaotong, Assistant Coordinator; at DJ Zabala Orias, Nurse II; nakatalaga sa DepEd Kidapawan Schools Division. 

Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng programa ng SK Federation of Kidapawan na naglalayong iangat pa ang kaalaman at kahusayan ng kanilang hanay. (CIO/jscj//vb/if

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 30, 2022) – MULING nagwagiang Kidapawan City sa Agri-Fair Best Booth Competition na isa sa highlights ng Kalivungan Festival 2022 ng Lalawigan ng Cotabato.

Iginawad ang parangal nitong August 26, 2022 kung saan idineklara din ang Lungsod ng Kidapawan bilang Hall of Famer matapos na magwagi sa nabanggit na competition ng tatlong magkakasunod na pagkakataon mula 2017-2019 at sa ika-apat na pagkakataon ngayong 2022.

Nakapaloob sa criteria ng Best Booth Competition ang Product Display and Volume (40%), Visual or Video Presentation (20%), Agri-Tourism Attractiveness (15%), Variety of display and Sustainability (10%), at Over-all Booth Presentation (15%).

Tumanggap ng Certificate of Recognition mula sa Provincial Government of Cotabato ang City Government of Kidapawan kung saan ito ay iginawad kay City Agriculturist Marissa Aton. 

Bilang Best Booth at Hall of Famer, taglay ng Kidapawan City booth ang mahusay na arrangement at presentasyon ng mga preskong gulay, prutas, organic products, kakanin, souvenir items at iba pang mga produktong yari o gawa sa lungsod.

Pinalalakas din nito ang konsepto ng buy local, support local sa mga mamamayan.

At dahil sa husay, dinaig ng Kidapawan City ang display booth ng iba pang mga munisipyo mula sa tatlong distrito ng Cotabato Province na lumahok din sa competition.

Kaugnay nito, sinabi ni Aton na magsisilbing inspirasyon ang kanilang panalo at lalo pang pagbubutihin ng Office of the City Agriculturist ang bawat patimpalak o aktibidad na lalahukan.

Samantala, ang Kalivungan Festival o “Gathering of People” ay magtatagal ng 7 araw mula August 26-Sep 1, 2022 kung saan ipinakikita ang pagkakaisa ng bawat tribo o grupo ganundin ang masaganang ani ng 17 bayan at ang Lungsod ng Kidapawan (lone city) sa Lalawigan ng Cotabato.

Tampok din sa Kalivungan Festival ang iba’t-ibang socio-cultural, sports, agricultural and economic activities kung saan dadagsa naman ang mga mamamayan sa Provincial Capitol, Barangay Amas, Kidapawan City sa September 1, 2022 bilang Culmination Day. (CIO/jscj//photos by Office of the City Agriculturist)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 26, 2022) – SA kabila ng pananatili ng Alert Level 1 at pagluwag ng mga restrictions sa COVID19 sa lungsod, hindi pa rin tumitigil ang City Government of Kidapawan sa mga hakbang nito laban sa naturang sakit.

Katunayan, ay agad nitong ipamamahagi sa mga frontliners sa City Hospital, City Health Office, at City Epidemiology Surveillance Unit ang mga Personal Protective Equipment o PPE sets na natanggap mula sa Department of Health o DOH12 bilang suporta ng departamento sa kampanya ng lungsod laban sa COVI19.

Kahapon, August 25, 2022 ay dumating sa City Health Office ang abot sa 10,000 PPE sets mula sa DOH12 bilang first batch of delivery habang ang second batch ay inaasahang darating sa susunod na mga araw, ayon kay Dr. Jocelyn E. Encienzo, ang City Health Officer ng Kidapawan.

Kabilang sa mga dumating na PPE sets ay mga face o surgical masks, latex gloves, head cover, aprons, surgical gowns, at shoe cover na pawang mga standard o dumaan sa quality assurance, dagdag pa ni Encienzo.

Malaking tulong naman ito para sa mga frontliners na nakatalaga sa government hospital, health and isolation facilities kabilang na ang mga doktor, nurses, technicians, laboratory, maintenance personnel at maging ang mga nagtatrabaho sa iba’t-ibang departamento ng pampublikong pagamutan.

Ikinatuwa ito ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista dahil alinsunod ito sa kanyang mandato na panatilihing ligtas ang mamamayan sa pamamagitan ng bakuna laban sa COVID19 at panatilihin ang pinaiiral na minimum health standards.

Sa panig naman ng DOH12, naglaan ito ng sapat na pondo mula sa national government para sa pamamahagi ng mg PPE sa iba’t-ibang government hospitals and health care facilities upang mapanatili ang ibayong kampanya laban sa COVID19 at iba pang mga sakit o karamdaman. (CIO-jscj/aa)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio