Author: Ian Famulagan

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 31, 2022) – MAITUTURING na malaking biyaya sa mga residente ng Barangay New Bohol sa Lungsod ng Kidapawan ang launching ng Kabaranggayan, Dad-an og Proyekto ug Serbisyo (KDAPS) na ginanap noong Biyernes, July 29, 2022.

Nakapaloob sa KDAPS ang pagtungo ng mga tanggapan o departamento sa City Government of Kidapawan upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan tulad ng City Health Office, Office of the City Agriculturist, Office of the City Veterinarian, Office of the City Engineer, Office of the City Treasurer, Office of the City Assessor, Office of the City Budget Officer, Office of the City Accountant, Office of the Building Official, Office of the Barangay Affairs.

Kasama ding nagbigay ng serbisyo ang Public Employment Service Office, City Social Welfare and Development Office, City Legal Office, City Tourism and Investment Promotions, Office of the Senior Citizen Affairs at ang mismong Office of the City Mayor sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.

Nakiisa din ang Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan sa pamamagitan nina City Councilors former Hon. Judge Francis Palmones at Atty. Dina Espina-Chua.

MGA AHENSIYA NG GOBYERNONG LUMAHOK SA KIDAPS

Maliban sa mga departamento ng City Government of Kidapawan ay lumahok din sa KDAPS ang mga ahensiya ng gobyerno na nasa Kidapawan City tulad ng Philhealth, DOLE, DTI, PNP, BFP, COMELEC, DOST, DAR, LTO, TESDA, BIR, NBI, PSA at ang COTELCO at MKWD na pawang naghatid ng serbisyo sa mga residente ng nabanggit na barangay tulad ng clearance, certifications, information dissemination, queries, job application, service assistance to clients at iba pa.

Itinaon ang pagsasagawa ng kauna-unahang KDAPS sa ika-25 Anibersaryo ng Barangay New Bohol kaya’t maraming residente doon ang nakiisa at sumuporta sa programa ng City Government of Kidapawan.

Kabilang ang KDAPS sa mga nangungunang programa ng City Government of Kidapawan kung saan binigyang-diin ni Mayor Evangelista ang kahalagahan ng pagtungo sa mismong mga barangay upang mas mabilis na maihatid at maibigay ang mga programa at proyekto para sa mga mamamayan.

Highlight din ng KDAPS ang siyam na couples o pares mula sa lugar na ikinasal sa “Kasalan ng Barangay” na pinangunahan ni Mayor Evangelista.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Pepito G. Iremedio kasama ang kanyang mga Kagawad dahil sa kanyang barangay unang naipatupad ang KDAPS.

MGA SERBISYONG HATID NG KDAPS

Kabilang naman sa mga benepisyong naipagkaloob sa mga mamamayan ng Barangay  New Bohol sa pamamagitan ng KDAPS ay medical service mula sa City Health Office – Ekonsulta registration (27), ultrasound for pregnant women (5), circumcision (15), pharmacy services provision of medicines(24), family planning counseling (12), family planning implant insertion (1), dental services for children with fluoride varnish plus toothbrush distribution (25), dental check-up pregnant woman(2)at laboratory services tulad ng urinalysis (4), blood typing (3), Hepatitis B (2), at Syphilis (3). 

Nakapagbigay naman ang Office of the City Agriculturist ng sumusunod na serbisyo – farm consultation, distribution of Information Education Campaign o IEC materials, distribution of quality vegetable seeds, Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA)at maging crop insurance.

Mula naman sa Office of the City Veterinarian, ay nakapagsagawa ng castration o kapon – (6 dogs, 6 cats), provision of multi-vitamins, deworming, disinfectant for livestock and poultry at nagbigay din ng consultation at animal dispersal briefing.

Sa kaparehong okasyon ay nagbigay ng tulong ang CSWDO para sa mga Person with Disability (PWD) at kabilang dito sina Alvin Naces (wheelchair at stipend), Maria Theresa Tedio at Wella Quilaton (stipend).  

MGA TANGGAPAN/AHENSIYA AT BILANG NG NABIGYAN NG SERBISYO

CCR-9 (kasalan), PSA- 58 verification, CSWDO- 61, OSCA- 35, CHO- 123, CDRRMO- standby, Philhealth- 28, City Agri- 148, DAR 12, OCVET – 30, BPLO- 1, City Assesor- 4, BFP-50, PNP 7, NBI- 4, LTO- 20, DOLE/TESDA/PESO- 119, DOST- verification for starbooks, DTI- 80 (P11,000 sales), OCBO- 2, City Treasury, City Tourism- interview with Punong Barangay, City Legal- 5, MKWD- 2, COMELEC- 15, SP Kidapawan – 10, Haircut- 28, Hair color- 25, Manicure/pedicure- 34 o kabuuang bilang na 910 na mga indibidwal.  

Muling isasagawa ang KDAPS sa iba pang mga barangay ng Kidapawan City at itataon ito sa kanilang mga foundation anniversaries kung kaya’t ngayon pa lamang ay naghahanda na ang mga tanggapan at ahensiya upang muling magbigay ng karampatang serbisyo publiko sa mamamayan ng lungsod. (CIO-jscj/if/aa/vb)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 28, 2022) – TIYAK na mas magiging aktibo at produktibo pa ngayon ang isang farmers/laborers association na nakabase sa Barangay Malinan, Kidapawan City.

Ito ay Malinan Farmers and Laborers Association o MAFALA na nakatanggap ng biyaya mula sa DOLE Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment.

Abot sa P363,905 na halaga ng bakery starter kits (materials and equipment) ang naipagkaloob sa MAFALA sa turn-over ceremony na bago lamang ginanap sa Malinan Covered Court.

Nakapaloob rito ang oven 8 plates, break rack, working table, flour mixing, refrigerator ganundin ang dough kneader bakery, baking trays, display cabinet, bread molder at iba pang baking equipment kalakip ang mga raw materials.

Layon nito na mabigyan ng karagdagang kita ang mga miyembro ng MAFALA  sa pamamagitan ng bakery livelihood project na una ng pinili ng mga kasapi ng asosasyon, ayon kay Public Service Employment Office o PESO Manager Herminia C. infanta.

Mga dating miyembro at dating sympathizer ng armadong grupo ang bumubuo ng MAFALA at ngayon ay tuloy-tuloy na sa kanilang pagbabagong buhay sa pamamagitan ng programang alok ng gobyerno, dagdag pa ni Infanta.

Panauhing pandangal sa turn-over ceremony si DOLE 12 Regional Director Raymundo G. Agravante na nagbigay ng katiyakan sa mga benepisyaro na madadagdagan pa ang kanilang biyaya basta’t gawing mabunga ang napiling livelihood project.

Dumalo din sa aktibidad sina Field Office Head Marjorie P. Latoja, TSG Ricky Suares ng 39th IB, Jane Buaya ng TESDA North Cotabato, at Malinan Punong Barangay Gemma D. Pajes.

Mula naman sa hanay ng City Government of Kidapawan ay dumalo si Acting City Administrator Janice V. Garcia bilang kinatawan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.

Ipinarating ni Garcia ang mensahe ni Mayor Evangelista na humihimok sa mga ng MAFALA na palaguin ang kanilang samahan ganundin ang kanilang kabuhayan.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni MAFALA President Emmanuel Vega ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng DOLE 12, AFP, TESDA at ang City Government of Kidapawan sa programa at proyektong ipinagkaloob sa kanilang samahan.

Tiniyak niya na aalagaan at mapakikinabangan ito ng mga kasapi o benepisyaryo at magiging instrumento rin sa pag-unlad ng kanilang samahan. (CIO-jscj/photos by PESO Kidapawan)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – “24/7 MAGTA-TRABAHO ang City Government para sa kapakanan ng mga bata sa eskwelahan.”

Ito ang siyang naging commitment ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa nangyaring turn-over ceremony ng Php 9 Million na bagong silid aralan na pinondohan ng Embassy of Japan sa Barangay Sto Niño Elementary School.

Isa lamang ang nabanggit na proyekto sa mga ginagawa ng City Government para matugunan ang pangangailangan sa silid aralan ng mga mag-aaral sa public schools bago pa man magbukas ang panibagong school year sa August 22, wika pa ni Mayor Evangelista. 

Gumagawa ng paraan ang City Government, dagdag pa ng alkalde, na mabigyan ng angkop na tulong ang mga public schools lalo na at inaasahang ipatutupad na ng Department of Education ang face-to-face classes.

Pinondohan sa pamamagitan ng Grant Assistance for Grass-roots Human Security Projects o GGP mula sa Embassy of Japan ang bagong two storey 4 classroom building na nai turn-over na nitong July 26, 2022 para sa mga mag-aaral at guro ng nabanggit na paaralan.

Panauhing pandangal sa okasyon si Embassy of Japan Consul General Yoshihisa Ishikawa, DepEd XII Regional Director Carlito Rocafort,  at si City Mayor Pao Evangelista.

Nagmula ang proyekto sa hiling noon ni dating City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd District Senior Board Member Joseph Evangelista sa Japanese Government sa pamamagitan ng embahada nito sa Davao City na matulungan ang City Government of Kidapawan na maipatupad ang ilang mga proyekto sa malalayung kanayunan sa lungsod.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga magulang at guro sa embahada ng Japan at sa City Government of Kidapawan sa pagtutulungan ng mga ito na mabigyan ng bagong silid aralan ang mga mag-aaral ng naturang paaralan.

Sinabi pa ni Mayor Evangelista na plano rin ng City Government na magpatayo ng kahalintulad na proyekto sa barangay Perez ng lungsod katuwang ang Embassy of Japan. ##(CMO-cio/lkro)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 26, 2022) – MISMONG si Japanese Consul-General Yoshihisa Ishikawa ng Consulate-General ng Japan ang nanguna sa turn-over ceremony ng isang 2-storey (4-classrooms) Building sa Sto. Nino Elementary School, Barangay Sto. Nino, Kidapawan City, alas-dos ng hapon, ngayong araw ng Martes, July 26, 2022.

Nagkakahalaga ng P9,416, 828 ang naturang gusali na itinayo sa ilalim ng Grant Assistance for Grass-roots Human Security Project o GGP ng Embassy of Japan. Sinimulan ang konstruksiyon ng proyekto noong May 25, 2020 at natapos makaraan ang pitong buwan.  Magagamit na rin ito ng mga mag-aaral ng Sto. Nino Elementary School sa darating na pasukan sa August 22, 2022.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Ishikawa na ikinagagalak ng bansang Japan ang pagtulong sa Brgy Sto Nino sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na proyekto para sa edukasyon ng kabataan.

Layon rin daw ng kanilang bansa na palakasin ang ugnayan sa Pilipinas at ito ay makakamtan sa pakikipagtulungan at maayos na koordinasyon ng bawat panig.

Maliban sa dalawang palapag na gusali na gagamitin ng mga mag-aaral ng Grades 3,4,5, at 6, taglay din ng gusali ang mga pasilidad at mga component tulad ng stairwell, steel casement windows, security grills, sewer line, water and power supply.

Makikita din sa proyekto ang storm drainage and downspout, sanitary and plumbing fixtures, septic vault, catch basin, fire protection system, overhead tank and cistern, lighting fixtures, at fire alarm system.

Bilang counterpart, nagbigay naman ang City Government of Kidapawan ng furniture and fixtures na kinapapalooban ng 180 pcs armchairs, 4 sets tables and chairs (for teachers), blackboards at mga kaukulang bayarin tulad ng buwis at iba pang gastos na hindi na sakop ng GGP.

Ang City Planning and Development Office o CPDO at Office of the City Engineer o OCE ang nangasiwa sa construction ng proyekto.

Kaugnay nito, ipinarating ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista ang pasasalamat kay Consul-General Ishiwara sa aniya ay napakalaking tulong sa pag-unlad ng kabataan sa pamamagitan ng makabuluhang proyekto.

Pinuri din niya ang pagsisikap ng school officials at mga guro ng Sto. Nino Elementary School na nagresulta sa pagkakatayo ng nabanggit na 2-storey classroom building.

Dumalo din sa mahalagang okasyon sina Sto. Nino Elem School Principal jaime S. Gualdalquiver na nagbigay ng background ng proyekto, DepEd 12 Regional Director Carlito D. Rocafort, Head Techer III Mary Jane G. Tapere, na kapwa nagbigay ng mensahe ng pasasalamat at City Planning and Development Officer Engr. Divina M. Fuentes at mga personnel ng CPDO.

Kabilang din sa mga panauhin sina Kidapawan Schools Division Superintendent Dr. Natividad Ocon, School Supervisor Shirley Dua at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan na sina Rosheil S. Gantuangco-Zoreta, Francis Palmones, Jr., Galen Ray T. Lonzaga, Michael C. Ablang, Jason Roy T. Sibug, at Aljo Cris Dizon kasama si Atty. Faith Lamata, kinatawan ni Vice-Mayor Melvin Lamata, Jr.

Matapos ang maikling programa kung saan nakapaloob ang Ceremonial Turnover of Key ay sinundan agad ito ng Ribbon Cutting at Unveiling of Marker na pinangunahan nina Consul-General Ishikawa, Mayor Evangelista, RD Rocafort, Punong Barangay Espina, at iba pang mga panauhin kabilang na ang ilang mga mag-aaral ng Sto. Nino Elementary School. (CIO-jscj/vb)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 26, 2022) – MAHIGPIT ng ipagbabawal ng City Government of Kidapawan ang operasyon ng sabong at iba pang mga illegal na sugal sa Lungsod ng Kidapawan simula ngayong araw ng Martes, July 26, 2022. Nakapaloob ang pagbabawal sa Executive Order Number 07 series of 2022 na nilagdaan at inilabas ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.Hindi umano makabubuti sa pamilya ang pagsusugal ng mga padre de familia o kahit sinong miyembro ng tahanan, ayon kay Mayor Evangelista.“Imbes na isugal ang pera, mas mainam na ilaan na lamang ito sa pangangailangan ng pamilya”, sinabi pa ni Mayor Evangelista.Sa ilalim ng EO Number 7 series of 2022, indefinitely closed o hindi magbibigay ang City Government ng palugit sa kung hanggang kailan isasara ang mga sabungan sa lungsod.Nakarating sa kaalaman ng alkalde na may ilang sabungan o cockpit ang nag-ooperate mula araw ng Lunes hanggang Biyernes na hindi Naman pinapayagan ng City Government. Sa lumang polisiya, tanging mga araw lamang ng Sabado at Linggo pinapayagang magpa sabong ang mga operators.“Kung hindi mapagkakatiwalaan ang mga operators ng sabong sa simpleng polisiya, ay hindi rin sila mapagkakatiwalaan sa mas komplikadong polisiya gaya ng pagpapanatili ng napag-usapang minimum health standards na dapat gawin sa loob ng sabungan”, giit pa ng alkalde. Bunga nito kasama na ring ipinagbabawal ang ano mang uri ng illegal na sugal.Papatawan ng karampatang parusa ang sino mang makikisali o di kaya ay tutungo sa mga lugar pasugalan kapag nahuli ng mga otoridad. Kaugnay nito, nagbabala si Mayor Evangelista sa lahat ng mga opisyal at kawani ng City Government of Kidapawan na maari silang mapatawan ng suspension o matanggal sa serbisyo kapag nahuling nagsusugal. ##(CMO-cio/lkro)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 26, 2022) – MAS mapapalakas pa ang produksyon ng dalawang farmer’s organization mula sa Barangay Linangkob at Barangay Sikitan sa Lungsod ng Kidapawan matapos silang makatanggap ng biyaya mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC at City Government of Kidapawan.

Ito ay sa ilalim ng Capacity Development Related to Agriculture Development na naglalayong tulungan ang mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan at makikinabang sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Nakapaloob dito ang pamamahagi ng mga farm equipment at facility at maging training programs upang magtuloy-tuloy na ang mga rebel returnees o mga benepisyaryo sa kanilang pagbabagong-buhay.

Kabilang sila sa Nagkahiusang Barangay Linangkob sa Kaunlaran (NABALIK) at Sikitan Multi-Sectoral Association (SMSA), mga farmer organization na itinatag ng naturang mga returnees.

Isang unit ng travelling Rice Mill ang natanggap ng NABALIK at nagkakahalaga ito ng P954,000 habang ang SMSA naman ay nakatanggap ng 114 units ng shovel at 114 units ng sprayer, na may kabuuang halagang abot sa P280,000, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton. 

Ginanap ang turn-over ng nabanggit na mga kagamitan sa City Hall Lobby, ganap na alas-9:30 ng umaga sa presensiya ni Kidapawan City Mayor Atty. Paolo M. Evangelista.

Malugod namang tinanggap ng mga opisyales ng dalawang NTF-ELCAC farmer-beneficiary groups ang naturang mga ayuda at nagpasalamat sa proyektong ilaan sa kanila ng pamahalaan. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – SA layuning makatipid o maging masinop sa paggamit ng papel, ay lumagda sa ng isang Administrative Order si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.

Bahagi ito ng austerity measures at maging pangangalaga sa kalikasan sa hanay ng mga empleyado na ipinatutupad ng City Government na nakapaloob

sa Administrative Order Number 02 series of 2022.

Hindi bababa sa 20 punong kahoy ang pinuputol para lamang makagawa ng isang ream ng bond paper o katumbas ng 500 piraso ng bond paper at inaabot pa sa 100,000 litro ng tubig para iproseso ito mula sa puno hanggang maging papel.

Kaugnay nito, inaasahan ang lahat ng City Government officials and employees na sundin ang nakapaloob sa AO number 02 ni Mayor Evangelista.

Para makamit ito,

hinihikayat ni Mayor Evangelista ang pag-recycle ng mga papel sa lahat ng opisina.

Gagamit na ng ‘scratch paper’ o nagamit nang papel ang lahat ng departamento para sa kanilang internal communications at documentation. 

Magpapatupad na rin ng One Page Policy ang City Government sa lahat ng inter-office communication kung saan ay direct to the point ang mensahe nito at mababa lang ang pagkakasulat sa isang pahinang papel.

Sa mga communication letters naman, ay uniform na gagamit ang lahat ng opisina ng ‘Century Gothic’ font size 12 sa kanilang pagsusulat at ito ay single space bawat paragraph at double space naman sa pagitan ng mga paragraph o talata.

Sa ganitong pamamaraan ay mas makatitipid sa ink ng computer printer ang lahat ng opisina, ayon pa kay Mayor Evangelista.

Digital o sa pamamagitan na rin ng email ang pagsusumite ng accomplishment reports ng mga empleyado tungo sa City Mayor o City Administrator.##(CMO-cio/lkro)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 22, 2022) – MATAPOS na maitatag ang abot sa 52 na mga Sustainable Livelihood Program Associations o SLPA sa Lungsod ng Kidapawan ay sinundan agad ito ng Pre-Registration Seminar o PMS ng Cooperative Development Authority o CDA Region 12.

Ginanap ang PMS sa Mega Tent ng City Pavilion ngayong umaga ng Biyernes, July 22, 2022.

Ayon kay City Social welfare and Development Officer Daisy G. Perez, mahalaga ang Pre-Registration Seminar ng SLPA upang sila ay mapabilang sa mga serbisyong ibinibigay ng CDA.

Maari namang mapabilang ang nabanggit na SLPA sa apat na mga kategorya – Credit Cooperative, Service Cooperative, Agriculture Cooperative, at Consumer Cooperative, ayon kay Cooperative Development Specialist II Ruth N. Alendajao.

Si Alendajao ang nangasiwa sa PMS sa pakikipagtulungan ng CSWD at mga Sustainable Livelihood Program PDOs mula sa Department of Social Welfare and Development Office o DSWDO 12 na sina Rofhel Joy Garcia Pilano, James Lu, Michael Joseph Salera, Christian Gil Duque, at alvin Ryan Binan. Kaugnay nito, ipinarating ni Kidapawan City Mayor Atty Paolo M. Evangelista ang kanyang pasasalamat sa mga personnel ng CDA12 at DSWD12 sa maayos na Pre-Registration Seminar at sa patuloy na koordinasyon sa City Government of Kidapawan upang maipatupad ng mahusay ang mga programa ng gobyerno. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 22, 2022) – MULING nabigyan ng dagdag kaalaman patungkol sa organic agriculture production ang mga organic producers at mga organic practitioners sa Lungsod ng Kidapawan.

Nakatuon sa standard organic production ng National Standard for Organic Agriculture ang naturang orientation, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton na siyang nangasiwa sa aktibidad.

Abot sa 30 ang naging partisipante na pawang mga miyembro ng Kidapawan City Organic Producers and Practitioners, dagdag ni Aton.

Nakapaloob sa orientation ang pagpapalakas ng organic agriculture, pamamaraan upang matamo ang market competitiveness, makabagong teknolohiya ng organic farming para sa crop production, conversion livestock, special products, at iba pa.

Ginanap ang aktibidad bago lamang sa Heaven’s Bounty Farm, Barangay Binoligan, Kidapawan City.

Samantala, namigay naman kahapon, July 21, 2022 ng mga fertilizer discount voucher ang Office of the City Agriculturist para sa mga rice-farmer beneficiaries sa lungsod.

Abot sa 233 ang mga nakabiyaya ng fertilizer discount voucher na nagmula naman sa Department of Agriculture 12 sa ilalim ng programang nakatutok sa Wet Season 2022 na nagkakahalaga ng P285,490.96.

Ginanap ang pamamahagi sa City Agriculturist Office sa pangangasiwa ng mga personnel ng tanggapan mula 8:00AM hanggang 5:00PM. (CIO-jscj/photos by OCA)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (July 21, 2022) – GINANAP ngayong araw ng Huwebes, July 21, 2022 ang payout para sa Emergency Shelter Assistance o ESA para sa mga pamilyang ang mga bahay ay malubhang naapektuhan ng lindol noong 2019.

Ito na ang pangatlong batch ng mga benipisyaryong nabiyayaan ng nasabing tulong mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na sinimulan noong taong 2021.

Mula naman sa 14 na mga barangay na binubuo ng Sibawan, Meohao, Sudapin, San Isidro, Lanao, Ilomavis, New Bohol, Poblacion, Kalasuyan, Singao, Birada, Linangkob, Balindog at Mua-an ang mga tumanggap ng nabanggit na tulong.

Humigit-kumulang Naman sa 300 na mga benepisyaryo ang nabiyayaan mula sa nabanggit na mga barangay.

Depende sa natamong pinsala ng bahay ang halaga ng assistance na matatanggap ng bawat pamilya ay depende sa assessment ng pinsala na natamo ng kanilang tahanan.

Ang mga patially damaged ay tatanggap ng P10,000  at cash for work na magsisilbi bilang kabayaran sa kanilang manual labor na gagawin sa kani-kanilang mga tahanan na nagkakahalaga ng P1,260.

Abot naman sa P30,000 naman ang tatanggapin ng mga bahay na totally damaged at cash for work na nagkakahalaga ng P2,520.

Personal na pinangasiwaan ni Special Disbursing Officer Julieta F. Clavel at ng iba pang mga kasamahan mula sa DSWD 12 katuwang ang City Social Welfare and Development Office o CSWD ang naturang payout na ginanap sa Kidapawan City Pavilion.

Bakas naman sa mukha ng mga dumalo ang labis na tuwa sa pagtanggap ng cash assistance mula sa gobyerno.

Ito ay dahil sa maiibsan na ang kanilang problema sa pagpapaayos o pagpapagawa ng kanilang mga tahanan na sinira ng lindol.

Ipinagpasalamat din ni City  Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang tulong na natanggap ng mga earthquake victims at hiningi ang kanilang pang-unawa dahil sa naantala din ang distribusyon ng ayuda dahil sa pananantala ng COVID-19 pandemic. (CIO-vh/vb)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio