KIDAPAWAN CITY – (November 10, 2023)
Nanumpa kanina sa harap ni Presidential Assistant for Eastern Mindanao Sec. Leo Tereso A. Magno at City Government Officials, sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, sa City Gymnasium, ang anim na raan at apatnapong (640) mga bagong halal na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Officials sa lungsod.
Ayon sa COMELEC, nung December 31, 2022 pa natapos ang termino ng kanilang mga papalitang opisyal sa barangay, kaya pagkatapos ng kanilang proklamasyon at pagsusumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE, maaari na kaagad silang umupo sa kani-kanilang posisyon.
Sa pinakahuling Supreme Court Ruling, uupo ang mga bagong halal na mga opisyal ng barangay hanggang sa taong 2025.
Ang barangay ay tinaguriang pinakamaliit na administrative division sa ating bansa.
KIDAPAWAN CITY – (November 9, 2023) Sabay-sabay na nag Duck, Cover, and Hold at maayos na nagsilabasan mula sa kani-kanilang mga opisina ang mga empleyado ng City Hall bilang pagtupad sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o NSED kanina.
Alas 9:00 kanina, tumunog ang Siren, bilang hudyat ng pagsisimula ng earthquake drill.
Kasali sa NSED ang mga pampublikong paaralan, maging ang mga tanggapan ng gobyerno at pribado.
Panawagan ng Office of the Civil Defense at City Government, mas paigtingin pa ang kaalaman patungkol sa lindol at iba pang kalamidad ng maiwasan ang malawakang kasiraan at posibleng pagkawala ng buhay, sa pamamagitan ng seryosong pakikiisa sa mga isinasagawang simulation drills gaya ng NSED.
KIDAPAWAN CITY — (November 8, 2023)
Walumpu’t isang (81) mga magsasaka ng Barangay San Roque dito sa lungsod ang tumanggap ng abono, mula sa Department of Agriculture (DA) Regional Office XII, para sa kanilang palayan, kahapon.
Pinamahalaan ng City Agriculture Office (CAO) ang pamamahagi ng complete fertilizer at Urea, sa mga magsasaka na mayroong sinasaka na kalahating ektarya pataas.
Ayon kay Deliea Roldan, ang Rice Coordinator ng CAO, 119 na magsasaka ang benepisyaryo, pero 81 lang ang dumating. Kaya naman, ngayong araw ay ipagpapatuloy nila ang pamamahagi ng binhi ng palay sa mga ito sa Irrigator’s Association sa Barangay San Roque.
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), namamahagi ng abono at binhi ang pamahalaan sa mga magsasaka sa bansa tuwing Wet Season (mula March 16 hanggang September 15) at Dry Season (mula September 16 hanggang March 15) bilang tulong sa kanila.
Dito sa lungsod, mayroong 1,236 na magsasaka, na nagsasaka sa 1,033.79 na ektaryang palayan, mula sa 23 rice barangays, na benepisyaryo ng programa.
KIDAPAWAN CITY โ (November 7, 2023)
Opisyal nang binuksan ng Lokal na Pamahalaan, sa pangunguna ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista, kasama si DepEd Kidapawan City Schools Division Sports Supervisor Eliezer Elman, at PWD Federation President Reynaldo Herrera, ang Chess Academy sa Regional Evacuation Center, Estaรฑol Subdivision dito sa lungsod nitong Sabado, November 4.
Ito ang pinakauna sa buong probinsya, na ang layunin ay maghulma ng mga mahuhusay na manlalaro sa larong Chess hindi lamang pambansa, kundi sa pandaigdigan.
Sa kasalukuyan, mayroong 42 na mga estudyante ang Academy na binubuo ng mga mag-aaral mula sa elementarya at high school na sasailalim sa classes o sessions tuwing hapon pagkatapos ng kanilang pasok sa eskwelahan upang magsanay, sa pangangasiwa ng Rated Chess players. Ang pagsasanay ay libre sa lahat ng mga interesadong sumali.
Nagpaabot ng pinansyal na suporta ang alkalde sa Chess Academy, lalo pa’t naniniwala ito na malaking bagay ang laro upang iiwas ang atensyon ng mga bata sa gadget at mas mapagyaman ang kanilang social, strategic at intelektuwal na kapasidad.
KIDAPAWAN CITY – (November 7, 2023)
Mula sa dating lubak-lubak, ngayon ay sementado na ang kalsadang ito sa Purok 6, Barangay Sibawan.
Kanina, itinurn-over na ng Lokal na Pamahalaan, sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, sa pamamahala ng barangay, ang 620 metrong kalsada na ipinasemento nito sa lugar.
Maliban sa mga residenteng taga roon, makikinabang din sa proyektong ito ang mga residente mula sa Barangay Mu-an, at Barangay Gubatan sa bayan naman ng Magpet.
KIDAPAWAN CITY โ (November 7, 2023)
Maagang dumating sa lungsod ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Provincial Office, kanina para sa unang araw ng pamamahagi nila ng Social Pension para sa mahigit walong libo (8,000) na mga Indigent Senior Citizens dito.
Tatlong libong piso (P3,000) ang tatanggapin ng mga Senior Citizens, na walang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) Pensions, para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng taong ito.
Katuwang ng DSWD ang City Social Welfare and Development Office (CSWD) at City Government sa pamimigay ng social pension, na magtatapos ngayong Huwebes, November 9.
KIDAPAWAN CITY โ (November 7, 2023)
Nagtitipon ngayon dito sa City Pavilion para sa isang General Assembly ang higit apat naraang (400) Persons with Disability (PWD) sa lungsod upang pag-usapan kung papaano pa sila maaalalayan at matutulungan ng Lokal na Pamahalaan para mas maging produktibo sa buhay sa kabila ng kanilang kapansanan.
Nais din ng City Government, sa pamamagitan ng PWD Affairs Office, na matugunan ang kanilang mga hinaing at magkaroon sila ng sapat na kaalaman tungkol sa Republic Act 10070 o ang batas na nagtataguyod ng institusyonal na mekanismo upang matiyak ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa mga PWD sa bawat probinsya, lungsod, at bayan sa bansa.
Inaatasan din ng batas na ito ang pagtatatag ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa bawat lugar, na syang magbabalangkas at magpapatupad ng ng mga polisiya, plano, at mga programa para sa kapakanan ng mga PWD.
Dito sa lungsod, aktibo ang ang PWD Affairs Office sa pag-alalay, pagtulong at pag-organisa sa 3,334 na mga Persons with Disability, lalo na sa kabuhayan nila.
KIDAPAWAN CITY – (November 6, 2023)
Sementado na ang kalsadang nag-uugnay sa Plaridel at Tamayo streets, na bahagi ng Lapu-lapu Street sa Barangay Poblacion. Mayroon narin itong 100 metrong open canal na lagusan ng tubig o water drainage.
Itinurn-over ito ng City Government, sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, sa Barangay LGU kanina.
Ang proyekto ay magbibigay ng kaginhawaan di lang sa mga motorista, kundi lalong higit sa mga residenteng gumagamit ng kalsadang ito.
Kidapawan City – (November 6, 2023)
May mapag-iimbakan na ng mga bago at lumang suplay at kagamitan ang City LGU matapos mapabendisyonan at iturn-over sa pamamahala ng General Services Office (GSO) ang multi-purpose building na ito sa Brgy. Magsaysay kanina.
Ang gusali, na tinatayang kasingluwang ng walong container vans, ay magsisilbing storage facility para sa mga suplay at sirang kagamitan, katulad ng computer, na nakahelerang ayusin upang muling mapakinabangan ng mga empleyado ng City Hall. Sa ganun, hindi na kakailanganin pang bumili kaagad ng mga bagong gamit, kung kaya maliban sa makakatipid na ang City LGU, magagamit pa ang pundo para sa ibang mas mahalagang proyekto n
Kidapawan City — (November 3, 2023)
Sa dalawang araw (November 1 at 2) na paggunita ng Undas ngayong taon, higit tatlong libo o 3,425 na mga residente ang tumanggap ng benepisyo sa mga serbisyong handog ng lokal na pamahalaan sa apat na mga sementeryo sa lungsod.
Sa Cotabato Memorial 882 na mga residente ang nakabenepisyo sa libreng kape, lugaw, sakay, BP taking, RBS test, Dengue NS1 test, manicure at pedicure; 1,194 naman sa Catholic Cemetery; 910 sa Binoligan; at 439 sa Kalasuyan Cemetery.