Author: IAN FAMULAGAN

You are here: Home


thumb image

KIDAPAWAN CITY (January 19, 2024) – Mahigit dalawang daang mga job seekers ang dumagsa sa pinakaunang job fair ngayong taon sa lungsod, kung saan labing tatlong (13) aplikante ang hired on the spot.

179 para sa mga trabahong lokal at 43 naman para sa overseas employment ang bilang ng mga sumubok na makapag-trabaho mula sa naturang aktibidad na ginanap sa City Convention Center ngayong Biyernes (January 19).

Joint sponsorship sa pagitan ng City Government of Kidapawan na pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) at ng Skygo Marketing Corporation ang job fair.

Sa mensaheng ipinaabot ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa mga jobseekers sa pamamagitan ni City Administrator Janice Garcia, sinabi nito na tungkulin ng City Government na maghanap ng job opportunities para sa mamamayan nito upang lumago ang kanilang kabuhayan.

Ilan lamang sa mga local employers na lumahok sa job fair ay ang Penong’s Kidapawan, McDonald’s Kidapawan, Mediatrix Multi-Purpose Cooperative, 7ME Heat Construction Corporation, Park Lay Suites, at Skygo Marketing Corporation.

Kabilang naman sa overseas recruitment agency na naghanap ng mga manggagawa ay ang Zontar Manpower Services Incorporated, EastWest Placement Center, Shaso International Manpower at Placewell International Services Corporation.

thumb image

KIDAPAWAN CITY – ( January 18, 2024) NAKAMIT ng Kidapawan City Police Station o KCPS ang average na 97.86% Unit Performance Evaluation Rating, pinakamataas sa buong SOCCSKSARGEN Region para sa buwan ng Disyembre 2023, ito’y ayon sa Regional Office XII ng Philippine National Police.

Patunay ito sa mahusay na crime solution, operation effectiveness, community engagement at proactive initiatives ng KCPS.

Ipinapaabot naman ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang kanyang congratulations sa KCPS at tiniyak ang ibayong suporta para matupad nito ang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

thumb image

KIDAPAWAN CITY – ( January 18, 2024) Sa layuning maiwasan ang kriminalidad at gawing ligtas ang mamamayan ng lungsod, sinimulan ng ipatupad ng City Government ang malawakang curfew mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas kwatro ng madaling araw (12am-4am).

Basehan nito ang Executive Order number 05 s. 2024 na  inilabas ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista nitong January 17, 2024.
Bawal ng gumala o tumambay ang sino man sa mga city streets, highways, parks, playgrounds, public places, buildings at maging sa mga bakanteng lote o sa labas ng pribadong lugar sa nasabing mga oras.

Inatasan niya ang City PNP, Traffic Management and Enforcement Unit (TMEU) at mga Barangay Local Government Units na ipatupad ang curfew sa pamamagitan ng pagpapatrolya at pagbabantay sa mga komunidad.

Lahat ng mahuhuling lalabag sa curfew ay dadalhin ng mga otoridad sa City Police Station para sa verification at recording.

Ngunit, nilinaw naman ng EO ni Mayor Evangelista na exempted ang mga otoridad na inatasang magpatupad ng curfew, uniformed personnel na gumaganap sa kanilang tungkulin na may koordinasyon sa pulisya, mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at Call 911 Emergency Response Unit, mga health workers na nagta-trabaho sa mga ospital, at botika, mga nagtitinda sa palengke sa mga oras na nabanggit, mga empleyado ng cargo at delivery company at iba pang mga manggagawa na nagta-trabaho sa naturang mga oras (ngunit kinakailangan pa ring magpakita ng valid ID). ##(LK Oasay | City Information Office)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – (January 18, 2024) Sinimulan na ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan ang unang bahagi ng paglalagay ng mga traffic lights na matatagpuan sa Quezon Boulevard, partikular na sa may intersections ng Davao Central Warehouse at Iglesia ni Cristo.

Ito ay bilang tugon sa panawagan ng mga motorista sa mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod, gawa ng pagdami ng mga sasakyan na dumaraan sa Kidapawan City. Ang nabanggit na traffic lights ay may kasama ding Closed-Circuit Television Camera o CCTV at sariling command center upang matutukan ang mga kaganapan sa paligid nito.

Maliban sa makakatulong ito sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko, ito din ay makakatulong sa pagsugpo ng kriminalidad.

Inaasahan namang matatapos ang proyektong ito sa buwan ng Mayo, taong kasalukuyan.

thumb image

KIDAPAWAN CITY (January 17, 2024) – BAWAL UMINOM ng nakalalasing na inumin sa oras ng trabaho at sa opisina ng gobyerno.

Ito ang laman ng Administrative Order Number 01 series of 2024 na nilagdaan at ipinalabas ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na may petsang January 16, 2024.

Basehan ng AO ni Mayor Evangelista ang Civil Service Commission Memorandum Circular Number 4 s. 2011 at Paragraph 11 ng Circular Number 2016-12 ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Hindi lamang ang pag-inom ng nakalalasing na inumin o alcoholic beverages sa oras ng trabaho ang ipinagbabawal kungdi, bawal din na pumasok sa trabaho ang nakainom na opisyal o empleyado.

Kasong administratibo ang kakaharapin ng sino man na taga City Government na susuway sa AO 01 s. 2024 na maaring magresulta sa suspension (1 month and 1 day to 6 months) o di kaya ay Dismissal o pagkatanggal sa trabaho.

thumb image

Kidapawan City (January 17, 2024) –Personal na iniabot ni Commission on Human Righs (CHR) Chairperson Richard Palpal-Latoc ang Plaque of Commendation kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa ginaganap na Lakbay Karapatan Tungo sa Kamalayan (LAKARAN) Barangay Human Rights Action Officers’ (BHRAO) Summit sa City Convention Center kanina.

Ang gawad parangal ay pagkilala sa mga isinusulong na adbokasiya ng administrasyon ng alkalde tungkol sa mga karapatang pantao o human rights sa lungsod, kabilang na dito ang inilabas na Executive Order Number 053 s.2023 na isa sa mga naging basehan ng itinayong City Human Rights Action Center. Gayundin ang paglikha ng City Human Rights Action Team na pinalawig pa sa apatnapung (40) mga barangay ng lungsod.

Sa summit naman ay mas ipinaintindi pa ni Director Atty. Keysie Gomez, ang Officer-In-Charge ng CHR XII at ng kanyang team ang mga mahahalagang konsepto at prinsipyo sa likod ng karapatang pantao upang mas mapalakas pa ito sa komunidad ng mga partisipante, na binubuo ng mga Punong Barangay, BHRAO at iba pang opisyal ng barangay.

thumb image

Kidapawan City (January 17, 2024) – Malugod na nagpapasalamat si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Cotabato dahil sa ipinasa nilang resolusyon bilang pagkilala at pagbibigay pugay sa tinanggap ng City Government na 2023 Seal of Good Local Governance o SGLG ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nakasaad sa SP Resolution Number 2023-899, na naipakita ng City Government ang galing nito sa mga governance areas sa larangan ng Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Social Protection and Sensitivity; Health Compliance and Responsiveness; Sustainable Education; Business – Friendliness and Competitiveness; Safety, Peace and Order; Environmental Management; Tourism, Heritage and Development; Culture and the Arts; at Youth Development.

Ang SGLG ay isang pagkilalang iginagawad ng DILG (ayon sa Republic Act No. 11292 o mas kilalang The Seal of Good Local Governance Act of 2019) sa mga Local Government Units sa bansa, na patuloy na nagpapatupad ng kaunlaran sa iba’t-ibang larangan ng pamamahala at pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Noong taong 2016, 2017, 2018, 2019, at 2022 una nang tumanggap ng SGLG award ang lungsod.

thumb image

Kidapawan City (January 16, 2024) — Bilang suporta sa ipinatutupad na Disaster Response Program ng Lokal na Pamahalaan, sa ilalim ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), binigyan nito ng Emergency Go Bags ang labing limang (15) fieldworkers ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) kasabay ng flag ceremony kahapon.

Pinangunahan ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista (na sya ring Chairman ng CDRRMC) ang pamimigay ng Go Bags, na naglalaman ng Headlamp with Strap, Safety Boots, Raincoat, Customized Water-Resistant Jacket, Emergency First Aid Kit with Bag, Rescue Whistle, at Handheld Radio.

Makakatulong ang Go Bags lalo na sa kanilang pagresponde sa tawag ng serbisyo alang-alang narin sa kanilang kaligtasan.###

thumb image

Kidapawan City (January 16, 2024) – Dalawang araw na sasailalim sa training-workshop ang mga miyembro ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC) mula sa Barangay Balabag, Binoligan, Balindog, Ginatilan, Kalasuyan, Linangkob, Luvimin, Lanao, Indangan at Junction sa CDRRMO Operations Center dito sa lungsod simula ngayong araw hanggang bukas, January 17.

Sa training ay tinuturuan sila ng City Government, sa pamamagitan ng mga personahe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, na bumuo ng 3-year Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) plan alinsunod sa mandato ng Department of Interior and Local Government o DILG.

Ito ang magiging gabay nila para sa tamang pagtugon sa panahon ng kalamidad, sakuna at emerhensya. Gayundin sa pagpapatupad ng kanilang mga programa para sa pagtugon at ang angkop na paggamit ng kanilang pondo para sa layuning ito.

Ayon kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, mahalaga ang kahandaan ng bawat isa lalo na pagdating sa kalamidad o sakuna upang maiwasan ang malaking pinsala nito sa mga residente at sa komunidad sa kabuuan.

Ang BDRRMC ay binubuo ng Punong Barangay, Secretary, Treasurer at Bookkeeper.

Sa January 18 hanggang 19, naka-schedule ang pangalawang batch (na binubuo ng mga BDRRMC mula sa Barangay Mateo, Meohao, Mua-an, New Bohol, Onica, Magsaysay, Perez, Sikitan, Patadon, at Poblacion), ang pangatlong batch (mula sa Barangay Amas, Amazion, Birada, Gayola, Ilomavis, Katipunan, Manongol, Marbel, Kalaisan at Nuangan) ay nakatakdang sumailalim sa training sa January 23 hanggang 24, habang ang panghuling batch (mula sa Barangay Macebolig, Malinan, Paco, San Isidro, San Roque, Sibawan, Singao, Sto. Niño, Sudapin at Sumbac) ay nakatakda naman sa January 25 hanggang 26.

thumb image

Kidapawan City (January 15, 2024) — Pormal nang inihabilin ni Kapitan Morgan Melodias kay Kapitan Ricardo Reforial ang katungkulan bilang Presidente ng Liga ng mga Barangay sa lungsod kasunod ng isang maikling seremonya pasado 1:00 ngayong hapon.

Hinimok ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang mga punong barangay na suportahan ang bagong pamunuan ng Liga ng mga Barangay.

Hinikayat din nya ang mga opisyal ng barangay na makibahagi at makipagtulungan sa kampanyang isinusulong ngayon ng City Government laban sa mga insidente ng pagnanakaw upang matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang barangay.

Bilang presidente ng Liga ng mga Barangay, uupo si Kap. Reforial bilang kinatawan ng mga punong barangay sa konseho ng lungsod.

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio