NEWS | 2021/01/26 | LKRO
January 26, 2021
BANANA FARMERS NG LUNGSOD NAGPASALAMAT SA TULONG NG CITY GOVERNMENT, LOCAL FOOD SUFFICIENCY ISINUSULONG NG LOKAL NA PAMAHALAAN
KIDAPAWAN CITY – NAGPASALAMAT ANG MGA MAGSASAKA ng saging sa lungsod sa pagbibigay solusyon sa kanilang problema sa tamang bentahan ng kanilang produkto.
Ito ang ipinapaabot ng mga banana farmers na mga kasapi ng Mua-an Farmers and Producers Multi-Purpose Cooperative matapos nilang matanggap ang isang bagong Fuso Hauling Truck mula sa Lokal na Pamahalaan nitong January 26, 2021.
Ito ay pinondohan kapwa ng City Government at ng Philippine Rural Development Project ng Department of Agriculture na naglalayung mai-angat ang kabuhayan ng mga magsasaka, magbigay ng angkop na kaalaman at teknolohiya upang mas lumago ang ani, at magkaroon ng pangmatagalan at epektibong sistema ng pagsasaka na makaka-agapay sa climate change.
“ Ang mga bagong truck ay makakatulong hindi lamang sa ating mga magsasaka na maipagbili ang kanilang ani. Tulong din ito sa ating local food sufficiency. May inilaan tayong Php 76 Million para palaguin ang agrikultura, fisheries livestock etc. Sa pamamagitan nito ay may sapat tayong pagkain sa panahon ng kalamidad. Ipinaseseguro ng inyong City Government na sa pamamagitan ng programa, hindi magugutom ang bawat Kidapawenyo”, pahayag pa ni City Mayor Joseph Evangelista kung saan ay pinangunahan niya ang turn-over ng bagong Hauling Truck.
Ang bagong truck ay isa lamang sa tatlong sasakyan na siyang commitment ng City Government sa pagtulong sa mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani.
Nakatakdang bumili ng mga refrigerated vans ang City Government ngayong taon para maitago at maibenta ang mga produktong karne, poultry, preskong isda at mga gulay ng mga magsasaka mula sa Kidapawan City patungo sa malalaking pamilihan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Makakatulong ito lalo na sa mga maliliit na magsasaka na direktang apektado sa limitadong marketing opportunities dala ng Covid19 pandemic. ##(CIO)